Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Hudyat sa pag-iibayo ng pandaigdigang pakikibaka:
Pandaigdigang liga sa pakikibaka ng mga mamamayan, itinatag

 Read this article in English

Isinilang na ang liga para sa pakikibaka ng mga mamamayan ng daigdig laban sa halimaw na imperyalismo.

Noong Mayo 25-27, inilunsad ang unang asembliya ng International League of Peoples' Struggle (Internasyunal na Liga sa Pakikibaka ng mga Mamamayan o ang Liga) sa Zutphen, The Netherlands.

Ang Liga ay magsisilbi bilang isang malawak na pandaigdigang anti-imperyalista at demokratikong pangmasang pormasyon. Dala-dala nito ang anti-imperyalista at demokratikong linya. Nagsisikap itong bigkisin ang isang malawak na pandaigdigang nagkakaisang prente upang imulat, organisahin at pakilusin ang daan-daang milyong mamamayan ng daigdig sa pakikibaka para sa demokrasya at panlipunang kalayaan laban sa imperyalismo at reaksyon.

Ayon sa komunike ng Liga tungkol sa okasyon, "ito ay isang makasaysayang sandali para sa lahat ng mga progresibong pwersa sa buong mundo, na nakikibaka para sa pambansang kasarinlan, demokrasya at panlipunang kalayaan laban sa imperyalismo at reaksyon."

Ang idinaos na asembliya ay dinaluhan ng 336 manggagawa, magsasaka, kinatawan ng iba't ibang mga pambansang minorya, kababaihan, kabataan, mga propesyunal at representante ng iba pang sektor. Kinatawan nila ang 232 organisasyong masa mula sa 40 bansa sa daigdig. Tinalakay sa asembliya at niratipika ang tsarter at mga resolusyon hinggil sa mga adhikain ng Liga. Naghalal din ng mga kagawad sa mga komiteng tagapagkoordina at pangkalahatang kalihiman nito. Ang internasyunal na asembliya ang pinakamataas na organo ng Liga.

Ang asembliya ay binuksan ni Kasamang Jose Maria "Joema" Sison, tagapangulo ng International Initiative Committee (IIC). Iniulat niya ang mga paghahandang ginawa ng IIC para sa unang pangkalahatang asembliya ng Liga.

Ang Liga ay dinaluhan ng 336 delegadong kumakatawan sa 232 organisasyon mula sa 40 bansa: Afghanistan, Argentina, Australia, Austria, Bangladesh, Belgium, Benin, Brazil, Burma, Canada, Congo, Dominican Republic, Ecuador, England, France, Germany, Greece, India, Indonesia, Iran, Italy, Japan, Luxembourg, Malaysia, Mexico, Nepal, Netherlands, New Zealand, Niger, Norway, Pakistan, Peru, Philippines, Scotland, South Korea, Spain, Switzerland, Thailand, Turkey at USA.

Sa pagbaybay sa istorikong pinagmulan ng Liga, inilahad ni Ka Joema na ito "ay humahalaw ng inspirasyon sa mga anti-imperyalista at demokratikong pakikibakang masa na sumibol mula pa noong ika-20 siglo." Ang kasalukuyang lakas ng Liga ay halaw sa mga anti-imperyalistang kilos-protesta nitong mga nakaraang taon, gaya ng sa Manila (APEC, 1996), Vancouver (APEC, 1997), Seattle (WTO, 1999), Washington (IMF-World Bank, 2000), Okinawa ("Group of 7", 2000) at Prague (World Bank, 2000).

Binigyang-diin ni Ka Joema ang kabuluhan ng Liga sa panahong hinahambalos ng imperyalismo ang mamamayan sa anyo ng papatinding kahirapan, kagutuman, kaguluhan at kawalang-katarungan. Aniya, "tinutugunan ng Liga ang mahigpit na pangangailangan ng malawak na masa ng mamamayan na likhain ang isang pandaigdigang pwersang pampakilos sa pakikibaka para sa pambansang kasarinlan, demokrasya at panlipunang kalayaan."

Pinagtibay ng Liga ang pagpapalaganap, pagtataguyod at pagpapaunlad ng mga anti-imperyalista at demokratikong pakikibaka ng mga mamamayan sa mundo. Panata ng Liga na ilantad at labanan ang pananalanta ng imperyalismo at reaksyon sa pamamagitan ng mga papet na estado, mga multinasyunal, mga imperyalistang ahensya gaya ng IMF, WB at WTO, at mga alyansang militar gaya ng NATO at US-Japan Security Council.

Upang epektibong maikoordina ang lahat ng ganitong mga pakikibaka ng mamamayan, binigyang-diin ang pagpapanatili ng Liga sa katangian nitong malawak at pangmasa. Hindi ito paiilalim sa anumang pampulitikang partido, relihiyon o estado at tatamasa ang lahat ng kalahok na organisasyon ng pantay na karapatan.

Nagsagawa ng 15 workshop kung saan nagpalitan ang mga delegado ng mga karanasan, impor- masyon, ideya at panukala. Binuo rito ang 18 adhikaing itataguyod ng Liga. Bumuo rin sila ng mga resolusyon kaugnay ng mga adhikaing ito. Nilalaman ng mga ito ang hangarin ng mamamayan ng daigdig na humulagpos mula sa imperyalismo, na siyang tinukoy na ugat ng napakasaklaw at malalim na kahirapang gumagapos sa kanila.

Kikilos ang Liga upang palaganapin ang kaisahan sa mga isyung kinakaharap ng mga anti-imperyalista at demokratikong kilusan. Tungo rito, sisikapin ng Liga na mapagbuklod ang mamamayan ng mundo sa pagsasagawa ng mga kongkretong hakbangin, at makamit ang pagkakaisa, kooperasyon at koordinasyon sa pagsusulong ng mga pakikibakang anti-imperyalista at demokratiko. Magsasagawa ito ng mga pananaliksik, paglalathala, kumperensya, seminar at aksyong pampulitika at panalipunan. Makikipagtulungan ito sa pinakamaraming posibleng grupo o indibidwal tungo sa pagsasakatuparan ng mga adhikain ng Liga.

Bukas ang Liga sa paglahok ng anumang organisasyon na handang magtaguyod sa mga adhikain nito.

Inihalal ang 35 kataong bubuo ng unang International Coordinating Committee (ICC o Internasyunal na Komiteng Tagapagkoordina). Sa pagitan ng mga internasyunal na asembliya, ang ICC ang magsisilbing pinakamataas na organo. Ikokoordina nito ang mga koresponsal, pulong, tulungan at sama-samang pagkilos ng mga organisasyong kalahok sa Liga. Nahalal dito sina Ka Crispin Beltran ng Kilusang Mayo Uno, Liza Masa ng GABRIELA at Rafael Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Inihalal naman ng ICC sa International Coordinating Group (ICG o Internasyunal na Grupong Tagapagkoordina) sina Crispin Beltran ng Pilipinas bilang tagapangulo; sina Memik Horoz ng Turkey, An Leaerts ng Belgium at Bernardo Ranferi ng Mexico bilang mga pangalawang tagapangulo; Arman Riazi ng Iran bilang pangkalahatang kalihim; sina Cherry Clemente ng Pilipinas at Jim Balikwisha ng Congo bilang mga pangalawang kalihim; Danny Claes ng Belgium bilang ingat-yaman; at Irene Fernandez ng Malaysia bilang awditor. Kinilala ang naging papel ni Ka Jose Maria Sison bilang tagapangulo ng International Initiative Committee at inanyayahan siyang magsilbing tagapayo ng Liga.

Humigit-kumulang 50 organisasyong masa mula sa Pilipinas ang dumalo sa asembliya. Ang masigla at mabungang partisipasyon dito ng mga nakikibakang organisasyong Pilipino, katulad rin ng mga mula sa ibang bansa, ay ambag sa walang-kamatayang diwa ng pakikipagkaisa at determinasyon ng mamamayan ng daigdig na makibaka hanggang sa magapi ang imperyalismo.

Pinagtibay ng Liga na maninindigan at makikibaka ito para sa sumusunod na mga adhikain:

  1. Pambansang pagpapalaya, demokrasya at panlipunang kalayaan laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon
  2. Sosyo-ekonomikong pagunlad para sa mga inaapi at pinagsasamantalahang mga bansa at panlipunang pagkakapantay-pantay para sa lahat ng masang anakpawis
  3. Karapatang-tao sa larangang sibil, pampulitika, pang ekonomya, panlipunan at pang kultura laban sa karahasan ng estado, pambansang pang-aapi, makauring pagsasamantala, pangaaping pangkasarian, pasismo, sistemang caste (tradisyunal na makauring istruktura sa India at ilang karatig-bansa � AB), rasismo at relihiyosong panatisismo
  4. Makatarungang kapayapaan at pakikibaka sa mga gerang kontra-rebolusyonaryo at agresyon at laban sa mga sandatang nukleyar, biolohikal at kemikal, mga missile at iba pang sandata ng henosidyo at walang pagtatanging malawakang pagwasak.
  5. Pagtataguyod sa mga karapatang pang-unyon at demokratiko ng uring manggagawa, pagpapaunlad ng mga kundisyon sa sahod at pamumuhay laban sa lahat ng anyo ng papatinding pagsasamantala, at pangwawasak sa mga organisasyon ng uring manggagawa habang isinusulong nila ang kanilang istorikong misyon ng paglaban para sa panlipunang pagpapalaya.
  6. Repormang agraryo at karapatan ng mga magbubukid at mangingisda laban sa pyudal, malapyudal at kapitalistang pagsasamantala at pang-aapi
  7. Pagpapalaya sa kababaihan at karapatan laban sa lahat ng anyo ng pangkasariang diskriminasyon, pagsasamantala at karahasan
  8. Karapatan ng kabataan sa edukasyon at trabaho
  9. Karapatan ng mga bata laban sa pagpapatrabaho, pang-aabuso at iba pang anyo ng pagsasamantala sa kanila
  10. Karapatan ng mga katutubo, pambansang minorya at nasyunalidad sa pagpapasya-sa-sarili at dekolonisasyon laban sa diskriminasyon, rasismo at pambansang pang-aapi ng imperyalismo at reaksyon
  11. Karapatan ng mga guro, mananaliksik at iba pang tauhan sa edukasyon at pagbaka sa mga ideya at pananaliksik na nakatuon laban sa mamamayan
  12. Karapatan ng mamamayan sa pagkalingang pangkalusugan at mga karapatan ng mga manggagawang pangkalusugan
  13. Agham at teknolohiya para sa mamamayan at pag-unlad, proteksyon ng kalikasan laban sa pandarambong at polusyon at pagsira sa mga pundasyon ng buhay ng tao, karapatan sa ligtas at malusog na pagkain at tubig at oposisyon sa manipulasyon ng genetic technology para sa imperyalistang tubo
  14. Sining at kultura at malayang daloy ng impormasyon sa serbisyo para sa mamamayan at karapatan ng mga alagad ng sining at panitikan, peryodista at iba pang manggagawa sa kultura at laban sa imperyalista at reaksyunaryong propaganda at pang-aapi
  15. Katarungan at indemnipikasyon sa mga biktima ng iligal na pag-aresto at detensyon (laluna ng mga bilanggong pulitikal), paglabag sa karampatang proseso, tortyur, ekstra-hudisyal na pagpatay, malawakang pagpapalikas, at iba pang lansakang anyo ng paglabag sa karapatang-tao
  16. Karapatan at kapakanan ng mga walang tahanan, mga sapilitang napalikas at mga migranteng manggagawang pinalikas ng imperyalismo at mga lokal na reaksyunaryo
  17. Karapatan ng matatanda sa dignidad at katiwasayan sa pamumuhay
  18. Karapatan ng mga bakla, lesbyana, bisexual at nagpabago ng kasarian laban sa diskriminasyon, pagiging sarado at pagkamuhi sa anumang kakaiba sa kinagisnan (xenophobia).

 


Previous articleBack to topNext article

Hunyo 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista at anti-mamamayang patakaran at hakbangin ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo

Power Reform Act:
Nagbibigay-daan sa higit na dayuhang dominasyon sa ekonomya

Singil sa serbisyong tubig, tataas
Pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo:
Patuloy na pagkakamal ng superganansya ng mga dambuhalang kumpanya ng langis

Pananalanta ng pasistang estado:
Sa ikalawang kwarto ng taon

Mga Ulat Koresponsal:
Tinuligsa, tumitinding militarisasyon sa Oriental Mindoro

Mga Ulat Koresponsal:
Makatarungan ang pagpaparusa kina Mayor Platon at Rep. Punzalan -- Melito Glor Command

Pagsuspinde ng GRP sa usapang pangkapayapaan, binatikos ng NDFP
Bwitre ng Cagayan
Col. Aguinaldo, pinarusahan ng BHB

Hudyat sa pag-iibayo ng pandaigdigang pakikibaka:
Pandaigdigang liga sa pakikibaka ng mga mamamayan, itinatag
Mga balita ng pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.