Dumaraming kaso ng pagdukot at desaparecido
Oktubre 16. Natagpuan ang bangkay ni Pastor Nemesio Malcil, 40, ng United Church of Christ in the Philippines sa Baco, Oriental Mindoro. Nagtamo ito ng maraming saksak sa katawan. Si Pastor Malcil ay hindi na nakauwi noong Oktubre 14 mula nang siya ay hulihin ng mga elemento ng 204th Brigade sa kanyang tahanan sa San Teodoro, Oriental Mindoro.
Oktubre 7. Huling nakita ng kanyang asawa sa terminal ng dyip si Domingo de las Alas, municipal coordinator ng Bayan Muna para sa Ibaan, Batangas. Papuntang Maynila si de las Alas upang mag-asikaso ng ilang papeles. Ayon sa kanyang asawa, may sumunod kay de las Alas na mga lalaking nakasakay sa isang owner type na dyip. Pagdating sa Maynila, nagawa pa ni de las Alas na tumawag sa kanyang anak upang sabihing "may problema". Naputol ang linya at ito na ang huling komunikasyon sa kanya. Iginigiit ng Bayan Muna na papanagutan ng militar ang pagkawala ni de las Alas at palayain siya sa lalong madaling panahon.
Oktubre 5. "Pinatawag" at mahigit dalawang araw na pinahirapan ng AFP si Dino Bangkiling, 40, isang Mangyan mula sa Oriental Mindoro. Mismong si Col. Jovito Palparan, kumander ng 204th Bde ang nagtortyur at nag-interoga sa kanya. Inakusahan siyang tagasuporta ng BHB at pwersahang pinaaaming may kinalaman o kaalaman sa pagkawala ng isang David Caldeto at dalawang iba pa. Pinalaya si Bangkiling matapos niyang mapatunayang wala siyang kinalaman at anumang kaalaman sa mga pinagtatanong sa kanya ng militar. Bago tuluyang pakawalan, binantaan siyang huwag magsumbong kaninuman. Kundi'y sasalakayin at pahihirapan ng AFP ang kanilang komunidad.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|