![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Dahil huling habol sa anti-Partidong pang-iintriga at panghahati, ang pangkating Magdangal-Bill-Olive ang pinakamaingay sa mga rebisyunistang taksil sa paglalako ng sarili sa burges na masmidya at mga dayuhang tagapondo ng mga NGO. Sila ang "tampok na kasaysayan ng linggo" sa dulaang antikomunista ng mga pasipikasyunista at kontra-rebolusyonaryo. Walang tigil ang pangkatin laluna ang utak nitong si Nicolas Magdangal (Frank Pascual) sa pagkakalat ng kasinugalingan, intriga at lason laban sa Partido at sa rebolusyonaryong kilusan. Pagkaraang malantad at maitakwil ang kanilang paksyunal na pananabotahe sa loob ng Partido, tinatangka nilang dalhin sa labas ang pamiminsala at panghaharang sa rebolusyonaryong kilusan. Sa pag-aakalang mas magaling sila sa iba pang nagtangka at pawang nabigo, sina Pascual ay nagpoposturang tagapagbuklod ng mumunting grupong rebisyunistang mabilis at tuluy-tuloy nang nagkakawatak-watak at nagkakanya-kanya. Para makaakit ng mga kapwa rebisyunista, nagsasagawa sila ng mga maingay kahit maliliit na kilosprotesta sa Metro Manila. Habang ang mga pinuno ng pangkatin ay nakababad sa mga sentrong lunsod at labas-masok sa bansa, ang mumunting armadong grupong nahatak nila sa ilang bahagi ng Bataan at Zambales at pinangalanan nilang "Rebolusyonaryong Hukbong Bayan" (RPA din sa Ingles) ay iniengganyo namang kumilos bilang mga rebeldeng lagalag at bandido. Ang gawain ng grupong bandido ay manabotahe at manggulo sa baseng masa at mga sonang gerilya ng BHB, mambraso at mangikil sa mga negosyante at taumbaryo, at lumikha ng sari-saring alingasngas para bigyan ng katwiran ang mga tropa ng AFP-PNP na sumalakay at manligalig. Para may panggastos sa maluhong pamumuhay ng mga pinunong nakabase sa syudad, nangingikil ang mga bandidong ito sa mga kontraktor, mga negosyante sa palaisdaan at quarry at mga pulitiko ng Gitnang Luzon. Pinapatawan nila ng "buwis" ang mga malaki at maliit na may-ari ng palaisdaan sa Bulacan at Bataan, kahit sa mga sonang gerilyang saklaw ng BHB. Bukod sa pangunguwarta, ang malinaw na intensyon ay mang-upat ng gulo at manabotahe sa pagbubuo ng baseng masa at pagpapalakas ng sonang gerilya ng BHB. Saku-sakong isda, sugpo at alimango ang inaagaw ng grupo mula sa mga mangingisda. Kapag hindi nakuntento sa produktong nakukulimbat, tinatangay nila pati bangka, gasolina, ilaw, mga baterya, at kung anu-ano pang gamit. Hindi nakakaligtas sa kanila kahit ang armas at kaunting perang personal ng mga gwardya. "Ipinatutubos" pa nila sa mga may-ari ang mga gamit na kanilang ninanakaw. Ang mga produktong inaagaw para diumano sa "rebolusyonaryong" gawain ay ibinebenta nila sa mga negosyanteng kasapakat nila. Dahil sa arogansya sa hawak na baril, gawi na nila ang pambubuska at pambubugbog sa mga hindi karaka-rakang nakasusunod sa kanilang iniuutos. Kahit ang mamamayang dating nalinlang at nahatak nila sa mga intrigang anti-Partido at anti-BHB ay hindi nakakalibre sa kanilang kagaspangan at pag-aasal-amo. Kilala silang protektor ng ilang kriminal sa Bataan. Sangkot sila sa pagnanakaw ng mga kalabaw. Higit pa rito, naghahasik ng lagim ang grupong ito sa pamamagitan ng arbitraryong pagpatay sa inaakusahan nilang masasamang elemento sa baryo. Ganap na ang pagkabulok ng pangkating Magdangal-Bill-Olive. Isinusuka sila ng masa. Tulad ng sinapit ng rebisyunistang pangkating Lava at bandidong grupong Taruc-Sumulong, hindi magtatagal ay maglalaho rin ang grupong ito. Tulad ng ibang rebisyunista, mababanggit na lamang sila sa kasaysayan bilang grupong kamumuhian dahil sa ginawang pagtataksil at pagalipusta sa mamamayan. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|