![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Tuntungan para sa ibayong militarisasyon ng Gitnang Luzon ang malawakang pagsasanaymilitar ng mga tropang Amerikano at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tinaguriang "Balikatan 2000". Nagmistulang garison ang rehiyon nang dumagsa rito mula huling linggo ng Enero ang 2,380 tropang Amerikano mula sa mga base militar ng US sa Okinawa, Japan at sa Pacific Command sa Hawaii upang lumahok sa naturang mga war game. Kasama nila sa pagsasanay ang 2,383 tropa ng AFP. Sentro ng pagsasanay na gaganapin hanggang Marso ang mga dating baseng militar ng US sa Clark (Pampanga) at Subic (Zambales) at ang kampo ng AFP sa Fort Magsaysay, Laur, Nueva Ecija. Bukod rito, may nakatakda ring naval exercises sa Cavite at Palawan. Dahil sa lantad at matinding pagtutol ng mamamayan sa Balikatan, nagkandarapa ang mga upisyal at tauhan ng AFP sa pagtitiyak ng kaligtasan ng mga tropa ng US. Mahigit isang buwan bago maganap ang Balikatan ay nag-operasyon na ang AFP upang "linisin" ang rehiyon para sa mga war game. Malawakang operasyong militar ang isinagawa sa hangganan ng Zambales, Pampanga at Bataan mula Disyembre 4 hanggang Disyembre 23, na tahasang paglabag sa tigil-putukang idineklara ng rehimeng Estrada para sa Kapaskuhan. Sa pamumuno ng 7th ID, sinuyod at blinokeyohan ng isang kumpanya ng Special Action Forces (na pinamunuan ng isang Major Marzan) at mga tropa ng 24th IB, 68th IB, 69th IB, 71st IB, Division Training Unit, 703rd Bde at Intelligence Service of the AFP ang kabundukan at mga paanan ng mga bundok ng San Marcelino at San Felipe sa Zambales; Dinalupihan sa Bataan; at Floridablanca, Lubao at Porac sa Pampanga. Bahagi ng operasyong ito ang panununog ng daan-daang bahay at ang maramihang pag-aresto at pambubugbog sa mga Aeta. Gutom naman ang dinanas ng mga Aeta na taga-Sityo Palis, Baytan at Maquisquis sa Loob Bunga resettlement area sa Botolan, Zambales nang magblokeyo sa pagkain ang mga tropa ng Philippine Army nitong huling linggo ng Pebrero. Ilandaang pamilyang Aeta rin ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan sa Sityo Tarukan, Barangay Sta. Ana, Capas, Tarlac dahil sa kalapitan nito sa Crow Valley bombing and gunnery range na isa sa mga pinagdausan ng pagsasanay. Sa kaugnay na pangyayari, nagsitakbuhan din ang mga taga-Talisayin, San Antonio, Zambales nang tamaan ng bomba ang kanilang baryo sa naval exercises na inilunsad malapit sa kanila nitong Pebrero. Samantala, sa paligid ng Clark sa Lunsod ng Angeles, kahit mga karaniwang manlalako at mamimili ay hinigpitan ng mga awtoridad. Ang bangis ng ginawang mga pananalakay ng AFP ay malinaw na paniniguro sa kaligtasan ng mga amo nilang imperyalista. Dapat puspusang ilantad at kundenahin ang walang habas na pagpapakawala ng AFP ng pasistang dahas laban sa mamamayan at ang sagad-sagarang pagpapakatuta nito sa US. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|