Krisis sa ekonomya: Ilang mahahalagang datos [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Pagbagsak ng pamumuhunan
Bumagsak nang 57% ang pamumuhunan kapwa sa pampubliko at pribadong kumpanya sa mga economic zone sa unang 11 buwan ng taon. Nasa pinakamababang antas ito ngayon mula 1996. Umabot lamang sa $1.3 bilyon ang kabuuang direktang dayuhang pamumuhunan sa unang siyam na buwan ng taon; mula $1.7 bilyon noong Enero-Setyembre 2000. Samantala, umabot sa $2.9 bilyon ang kapital na lumabas sa ekonomya hanggang katapusan ng Setyembre.
Pagbagsak ng produksyon
Nitong Oktubre bumagsak ang manupaktura nang 10.1% kumpara sa nakaraang taon. Ito ang ikapitong buwan mula nang nagsimulang tuluy-tuloy na bumagsak ang manupaktura sa bansa noong Pebrero. Sanhi ng pagbagsak ng produksyon ang pagbulusok ng konsumo sa bansa at ng pamilihan ng mga produktong pang-eksport. Pinakamalalang tinamaan ng pagbagsak ng produksyon ang mga produktong gumagamit ng petrolyo, mga inumin, mga produktong gawa sa bakal at iba pang mineral, papel at mga produktong gumagamit ng papel, mga produktong gumagamit ng goma at iba pang produkto ng manupaktura. Ang nagagamit lamang na kapasidad para sa manupaktura ay 75.9%. Mahigit 40% ng mga empresa ay nakagagamit lamang ng kulang 70% ng kanilang kapasidad para sa manupaktura.
Pagsasara ng mga empresa
Umabot na sa 2,294 ang mga nagsarang empresa hanggang Oktubre. Mas marami ito nang 20% kumpara sa nagdaang taon.
Pagbagsak ng eksport
Noong Setyembre, bumagsak nang 22% ang taunang kita sa eksport ng Pilipinas. Sa panahong Enero-Oktubre, bumagsak ito nang 14% kumpara sa parehong panahon noong 2000. Bunsod ito ng 22.3% pagbagsak ng eksport ng mga produktong elektronik; at 4.4% ng mga tela at kasuotan.
Disempleyo
Sa unang 10 buwan ng rehimeng Macapagal-Arroyo, umaabot nang 111,080 ang bilang ng mga manggagawang permanenteng natanggal sa trabaho. Mas mataas ito nang 16.3% sa parehong panahon noong 2000. Labing-apat na porsyento (14%) rito ang tinanggal sa loob lamang ng Oktubre. Umabot naman sa 54,549 ang mga manggagawang temporaryong tinanggal sa trabaho, inilagay sa job rotation o binawasan ng oras ng trabaho sa unang 11 buwan ngayong taon.
Ang malawakang dislokasyon sa trabaho ay dulot ng pagbagsak ng pamilihan, reorganisasyon, downsizing sa mga empresa. (Tingnan ang artikulo hinggil sa disempleyo.)
Depisit sa badyet
Tinatayang lalagpas ang depisit sa badyet ng gubyerno mula sa orihinal na target na P145 bilyon para sa taong 2001. Noong Setyembre, lumagpas na ito sa P1.95 bilyon. Noong taong 2000, umabot ito sa P134.2 bilyon. Dahil dito, binawasan na ng gubyerno nang 3.5% ang gastos nito noong ikatlong kwarto na lalong magpapabagal sa ekonomya.
Utang
Dahil wala nang ibang alam na masulingan ang gubyerno kundi ibayong pangungutang, lumaki nang P286 bilyon ang utang nito sa unang siyam na buwan ng taon, 14% na mas mataas kumpara sa halaga nitong P2.035 trilyon noong 2000.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|