Kapitulasyon at kriminalidad ng RPM-RPA-ABB
Ibayong nalalantad ang kapitulasyon at kriminalidad ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa-Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPM-RPA-ABB).
Noong Agosto 31, isinumite ng mga kinatawan ng mga organisasyong masa kay Gov. Niel Tupas at Senior Supt. Johnny Mabugat ng Iloilo ang listahan ng mga paglabag ng RPA-ABB sa karapatang-tao. Kabilang dito ang mga kaso ng pananakot, pangingikil, rekrutment para sa CAFGU, iligal na pagtotroso at marami pang iba. Direktang pinangalanan sa naturang ulat ang grupo nina Demetrio Capilastique alyas "Hugo" at Rufino Cadugo alyas "Rocky".
Itinaon ang pagsumite ng listahan sa pag-apruba ni Macapagal-Arroyo sa P17.5 milyon para sa onabuong aregluhang "pang-kapayapaan" sa pagitan ng RPM-RPA-ABB at ng rehimen. Sa halagang ito, P10 milyon ang mapupunta sa "reintegration" o "pagbabalik-loob sa gubyerno" ng mga sumukong RPM-RPA-ABB. Ang natitirang P7.5 milyon ay ilalaan diumano sa itatayong joint enforcement and monitoring committee para sa implementasyon ng aregluhang pininal sa "Clarification Document" na pinirmahan noong Pebrero 27, 2002 sa Quezon City.
Kasama sa mga pumirma sina Sec. Roilo Golez, Nilo de la Cruz, Arturo Tabara at Manuel Calizo. Saksi naman si Eduardo "Red" Kapunan, isang lider ng maka-Kanang RAM. Matapos ito, buong kahambugang ipinagmamalaki ng RPA ang kanilang mga armas, unipormeng camouflage at combat boots na suplay ng gubyerno.
Maliban sa pagsisilbing mga pulis, inaamin ni Daniel Batoy, kumander ng RPA sa Panay, na kasama sila sa mga operasyong paniktik sa demokratiko at rebolusyonaryong kilusan. Kasama rin sila ng Philippine Army sa pag-tsetsekpoynt at mga operasyong militar sa maraming lugar.
Sa kabila ng suhol na tinatanggap nito mula sa AFP at rehimen, aktibo pa rin sa pangingikil ang RPM-RPA-ABB sa buong Panay. Hindi bumababa sa P1,200 kada barangay ang kinikikil nila buwan-buwan. Hindi rin bababa sa P500 ang kinikikil nila sa bawat byahe ng mga magtotroso sa isla. Tumatanggap din sila ng suhol bilang mga maton sa mga demolisyon sa Boracay Island, Malay, Aklan.
Sa Negros Occidental, maraming mamamayan ang hindi nakaboto sa eleksyong pambarangay noong Hulyo dahil sa pananakot ng RPM-RPA-ABB. Nagbantay sa mga botohan ang mga armadong elemento ng RPA para ikampanya ang kanilang mga "manok" sa eleksyon sa mga bayan ng Calatrava at Don Salvador Benedicto.
Nagsisilbi rin silang mga bayarang mamamatay-tao at goons ng mga pulitiko gaya ni Danding Cojuangco at ng mga kapartido nitong si dating Rep. Oscar Garin, dating meyor Nene de la Cruz at asawa nitong si Cynthia, meyor ng Don Salvador Benedicto.
Simula pa noong 1997, ang RPA ay aktibo nang ginagamit ni Gen. Gerry Flores, dating hepe ng PNP Intelligence. Nagsisilbi rin silang goons ni Flores at ng asawa niyang meyor ng Miag-ao, Iloilo.
Direkta itong nakaugnay sa Red Vigilantes Group na sangkot sa pagtutulak ng bawal na droga, kidnap for ransom at iba pang gawaing gangster sa Nueva Ecija.
|