Balita
�GMA, traydor!�
Binatikos ng mahigit 2,500 aktibista nitong Enero 20 ang pagtalikod ni Gloria Arroyo sa mga adhikain ng EDSA II. May 1,500 ang nagtipon sa Iloilo City at mahigit 1,000 ang nagmartsa sa kahabaan ng EDSA noong araw na iyon para gunitain ang ikatlong anibersaryo ng pag-aalsa sa EDSA na nagpatalsik sa rehimeng Estrada at nagluklok kay Arroyo sa poder. Anang mga demonstrador, taksil si Arroyo sa kanyang mga sinumpaan noong EDSA II dahil sa malala ring korapsyon, pagkapapet at panunupil ng kanyang rehimen.
Sa Metro Manila, nagbalak magrali sa may EDSA shrine ang mga demonstrador na pinamunuan ng BAYAN subalit hinarang sila ng mga pulis may isang kilometro mula roon. Kabilang sa mga dumalo sa aksyong protesta ang Bayan Muna, KMU, KMP, Anakpawis, Gabriela Women's Party, Anak ng Bayan, Migrante, Kairos at iba pang organisasyon.
Palparan itinalaga sa Iraq
Inaprubahan ni Gloria Arroyo nitong Enero 15 ang pagtatalaga kay Brig. Gen. Jovito Palparan bilang pinuno ng 96-kataong pangkat ng mga sundalo ng AFP na tumutulong diumano sa rehabilitasyon ng Iraq. Bilang pinuno ng Philippine contingent sa Iraq, tatamasa si Palparan ng mas mataas na alawans (labas pa sa kanyang sweldo bilang heneral) at dagdag na mga benepisyo.
Itinalaga si Palparan sa Iraq para maiwasan niya ang pagharap sa mga kaso ng malalalang paglabag sa karapatang-tao sa Mindoro. Dating kumander ng berdugong 204th Bde si Palparan na responsable sa pagpaslang sa maraming aktibista at sibilyang pinaghihinalaang tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan. Tampok dito ang pagsalbeyds kina Eden Marcellana, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-TK at Eddie Gumanoy, tagapangulo ng Kasama-TK noong Abril 2003 sa Mindoro Oriental.
Sa kabila ng kanyang madugong rekord, ginawaran ni Arroyo ng promosyon si Palparan bilang heneral noong 2002. Kunwa'y sinuspinde ang promosyon nang ulanin ito ng batikos at tahimik na itinalaga si Palparan bilang deputy commander ng Philippine Army 2nd ID. Wala pa siyang isang taon dito ay binigyan na naman ng pribilihyadong pusisyon si Palparan.
Raling iglap, inilunsad sa ika-25 anibersaryo ng MSP
Isang raling iglap ang inilunsad ng may 50 aktibista mula sa sektor pangkalusugan sa ilang matataong lansangan ng Metro Manila noong Disyembre 5, bisperas ng ika-25 taong pagkakatatag ng Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP).
Nanawagan ang MSP para sa pagbabagsak ng rehimeng Arroyo, na anila'y walang pinagkaiba sa mga nagdaang papet na rehimen.
Ang MSP, isang pambansa-demokratikong lihim na organisasyong masa, ay isa sa 16 na alyadong organisasyon ng NDFP. Sa kasalukuyan, mayroon itong mga kasaping doktor, nars, manggagawa sa ospital, estudyante at iba pang kabilang sa sektor pangkalusugan sa iba't ibang rehiyon ng bansa.
Mga sibilyang Afghan, binomba ng US
Apat na bata ang kabilang sa 11 sibilyang Afghan na namatay nang bombahin ng mga sundalong Amerikano ang kanilang komunidad noong gabi ng Enero 18. Binomba ng helikopter ng US ang isang bahay sa nayon ng Saghatho, bayan ng Deh Rawood, Char Chino District sa probinsya ng Uruzgan. Noong Disyembre, hindi bababa sa 30 sibilyan, 15 mga bata, ang napatay sa mga operasyong militar ng US.
KIA na pwersang US sa Iraq, mahigit 500 na
Umaabot na sa mahigit 500 ang bilang ng mga sundalong Amerikano na namamatay sa nagpapatuloy na mga labanan sa Iraq. Pinakahuling naidagdag sa bilang ang tatlo na namang kaswalti nitong Enero 17. Pinasabugan ng bomba ang lulan nilang Bradley armored vehicle sa bayan ng Mashahidah, mga 30 kilometro mula sa hilagang Baghdad. Kasamang namatay ang dalawang kasapi ng Iraqi Civil Defense habang sugatan ang dalawa pang tropa ng 4th Infantry Division ng US Army. Nasunog din ang sumusunod na sasakyang Humvee.
Bago ito, napatay ang siyam na sundalong Amerikano nang mapabagsak ng surface-to-air missile ng mga gerilyang Iraqi ang isang Black Hawk na helikopter ng US noong Enero 8 sa may timog-silangang bahagi ng Fallujah. Noong Enero 7, pinaulanan ng mortar ng mga gerilya ang Seitz Logistical Base sa kanluran ng Baghdad. Isa ang namatay at 34 ang sugatan sa mga sundalo ng 541st Maintenance Battalion, 3rd Corps Support Command ng US Army.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|