Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Krisis sa Kanayunan

 Read this article in English

Matinding kahirapan ang humahambalos ngayon sa masang magbubukid. Saklot sila ng kagutuman at hinahagupit ng samu't saring epidemya. Nangangamatay sa gutom at sakit ang maraming sanggol, kabataan at matatanda. Lalong kumikitid ang pagmumulan ng kabuhayan sa kanayunan; wala rin namang kariwasaang idudulot ang pagluwas sa kalunsuran.

Ang duhaging katayuang ito ng masang magbubukid ay lalong pinalulubha ng mga patakarang makadayuhan at anti-magsasaka. Upang pagtakpan ang mga ito, isinisisi ng reaksyunaryong estado sa tagtuyot at sunud-sunod na bagyo ang palagiang krisis sa kanayunan.

Mga Patakarang Kontra-magsasaka

Pinananatili at pinalalala ng mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ng rehimeng Estrada ang krisis at paghihirap sa kanayunan. Para sa mga magbubukid, nangangahulugan lamang ito ng ibayong konsentrasyon ng lupa sa kamay ng iilan at pagtindi ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Todo-todong nakapandarambong ang mga dayuhang kapitalista at lokal na kumprador at asendero sa likas na yaman at lakaspaggawa ng bansa dahil sa mga patakarang ito.

Ang huwad na Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) na pinasimulan ng rehimeng Aquino ay nakatuon sa pagpapatibay ng monopolyong pag-aari sa lupa. Sa ilalim ng CARL, ang pag-aari ng pinakamalalaking lokal na panginoong maylupa gaya ng mga Ayala, Zobel, Cojuangco at Enrile ay lumawak pa. Sa panahong 1985-95, dumoble mula 75,000 hanggang 166,000 ektarya ang saklaw na lupain ng mga malaking dayuhang korporasyon tulad ng Dole, Del Monte at NDC-Guthrie. Hindi ginalaw ng CARL ang mga lupaing pang-agrikultura na takdang isailalim sa pagpapalit-gamit o land use conversion.

Ginamit ng pamilyang Cojuangco noong 1987 ang mga probisyon ng CARL para sa "stock-sharing" upang makatakas sa pamamahagi ng Hacienda Luisita. Nitong 1998, ginamit din ni Eduardo 'Danding' Cojuangco ang iskemang ito. Upang iligtas sa pamamahagi ang 4,361 ektaryang mga asyenda niya sa Negros, pinagsama-sama ang mga ito at isinanib sa isang korporasyong pag-aari niya. Nagpamahagi sa mga manggagawang bukid ng mga walang-saysay na sosyo ng korporasyon.

Tuluyan nang ginawang upisyal na modelo ng "distribusyon" ng mga komersyal na sakahan ang stock-sharing scheme ng mga Cojuangco sa pamamagitan ng Administrative Order No. 9 ng Department of Agrarian Reform. Sa ngayon, mayroong 50,000 ektarya ng lupang sakahan sa buong bansa na maaaring ipailalim sa ganitong iskema.

Sa ilalim ng rehimeng Ramos, tuluyang ibinasura ang usapin ng pamamahagi ng lupa. Malawakang pinagbabawi sa mga magbubukid ang dati nang ipinamahaging mga Certificate of Land Transfer at Certificate of Land Ownership Award. Pinalayas ang mga pamilyang magsasaka at malawakang pinabuldoser ng mga dayuhang ispekulador at mamumuhunan ang mga lupaing pangagrikultura upang pagtayuan ng mga pasilidad sa turismo, subdibisyon at enklabong pang-industriya.

Masahol pa, ipinatupad ang mga batas gaya ng Land Lease Act (1996) at Mining Act (1995) alinsunod sa dikta ng IMF-World Bank-World Trade Organization. Sa Land Lease Act, pinahihintulutan ang mga dayuhan na "umupa" ng lupa sa Pilipinas mula 75 hanggang 99 taon. Gayundin, pinahihintulutan ng Mining Act ang mga korporasyong 100% pag-aari ng dayuhan na magbukas ng konsesyong aabot sa 100,000 ektarya. Maaari silang magmina rito sa loob ng 25-50 taon.

Pagpapanggap ni Erap

Walang kahihiyang nagpapanggap na maka-magsasaka ang gubyerno ni Estrada. Kakambal ng kanyang pagaastang "makamahirap" ang satsat na "produktibidad ng lupa" at "seguridad sa pagkain".

Ibayong pagpapaubaya ng lupa sa mga dayuhan at lokal na negosyo ang "produktibidad ng lupa" na itinutulak ng rehimeng Estrada. Ang linyang "seguridad sa pagkain" naman ay pumapatungkol hindi sa pagpapaunlad ng lokal na produksyong umaasa-sa-sarili kundi sa malawakang importasyon ng mga produktong pang-agrikultura. Hindi nito iibsan ang gutom ng mamamayan kundi bubundatin lamang ang malalaking kumprador na may kontrol sa mga lisensya sa importasyon.

Ang pagtatayo ng Agrarian Reform Communities (ARC) na inumpisahan ng rehimeng Ramos ay isa rin sa mga kasalukuyang diin ng gubyernong Estrada. Tinatangkang bigyan ng maskarang "makamasa" ang agrikulturang komersyal at pang-eksport na nakasalalay sa dayuhang puhunan at teknolohiya.

Nagtatalaga ang ARC ng Key Production Areas (KPA), o mga komunidad na espesyalisado sa tanim na pang-eksport tulad ng paminta, asparagus at mga bulaklak. Upang mapalawak pa ang mga KPA, binabawasan ang mga lupang sakahan na nakalaan sa palay at mais mula sa dating 5 milyong ektarya patungo sa 1.9 milyong ektarya na lamang. Noong 1997, may 59,071.30 ektaryang saklaw ng Department of Agrarian Reform ang isinailalim sa pagpapalit-gamit ng lupa.

Pinalalala lamang nito ang kasalatan sa pagkain at ang krisis sa kanayunan.

Ang pagpapalit-gamit sa lupa ay nagbubunga ng malawakang dislokasyon sa hanay ng mga magbubukid sa iba't ibang bahagi ng bansa (tingnan ang talahanayan).

Sa ilalim ng rehimeng US-Estrada, binibigyan ng buong-laya ang malalaking kapitalistang dayuhan at lokal na uring mapagsamantala na yurakan ang interes ng masang magsasaka: agawan sila ng lupa, lalong itaas ang upa at interes sa pautang, lalong ibaba ang sahod at iba pang hakbang na nagkakadena sa kanila sa ibayong paghihikahos.

Hangga't hindi napuputol ang tanikala ng imperyalistang paghahari at pyudal na pagsasamantala, patuloy na malulugmok sa dustang kalagayan ang masang magbubukid.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Oktubre 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Palawakin at patindihin ang rebolusyonaryong pakikibaka!

"Ipagbunyi ang Ika-30 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!" � Armando Liwanag
Sistemang Kapitalistang nasa Krisis
Panawagan sa Ilokos-Kordilyera:
Pangibabawan ang mga sagka! Kamtin ang lahatang-panig na pagsulong!

Cordillera People's Democratic Front:
Natatanging Prente ng Mamamayang Kordilyera

Hinaharap ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa:
Pagpapalakas tungo sa bago at mas mataas na antas

Krisis sa Kanayunan
'Padrino' ng reporma sa lupa?
Samar:
Nagwawasto at sumusulong

Rebolusyong Agraryo sa Timog Luzon
Mga Contra:
Nasa Abanteng Yugto ng Disintegrasyon

Bagong Trotskyistang Pangkat
Pangkating Magdangal-Bill-Olive:
Bagong Grupong Bandido at Rebisyunista

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.