Mga Ulat Koresponsal: Ka Haren at Ka Baste: Rebolusyonaryong kagitingan sa harap ng kaaway
Hapon ng Oktubre 9, 2001 nang makaengkwentro ng mga tropa ng 50th IB ang isang yunit ng Alfredo Cesar Command ng BHB sa Ilocos Sur na nakadeploy sa San Gaspar, Salcedo. Sa naganap na labanan, nasawi ang dalawang kasama at nasugatan ang isang pasistang tropa ng kaaway.
Si Ka Baste (Victorino "Bong" Madarang) ang namumuno sa yunit. Siya ang unang nakakuha ng inisyatibang magpaputok at nakatama sa isang pwersa ng kaaway. Pagkatapos bumagsak ang natamaang sundalo, sumunod ang sagot ng masinsing putok mula sa kaaway. Ikinumand ni Ka Baste sa yunit na umatras. Habang nagmamaniobra ang mga kasama para umatras, magiting na humarap at nakipagpalitan ng putok si Ka Baste sa umaatakeng kaaway sa layuning bulabugin ang disposisyon at i-pin down sila. Sa palitan ng putok, natamaan sa dibdib si Ka Baste. Sa kanyang huling lakas at hininga, nagawa pa rin niyang ibilin sa mga kasama na kunin ang kanyang baril at mga gamit at igiit sa kanila na "ipagpatuloy ninyo ang laban."
Samantala, si Ka Haren (Glory Bangtuan), ay sumunod kay Ka Baste upang sumuporta sa pag-pin down sa kaaway. Sa palitan ng putok ay nadaplisan siya sa sentido.
Si Ka Haren ay buhay pa nang makuha ng kaaway. Tinangka ng ilang tagabaryo na lapatan siya ng first aid subalit pinigilan sila ng mga sundalo. Sa halip, sinadya ng mga berdugong kaaway na maubusan ng dugo si Ka Haren at mahirapan sa magdamag. Huli na nang dalhin siya sa ospital kinabukasan. Ayon sa isang doktor na tumingin kay Ka Haren, hindi sana siya namatay kung agad siyang nabigyan ng karampatang atensyong medikal.
Nang kapanayamin ng midya, lantarang kasinungalingan ang sinabi ng militar na hindi nila kinayang dalhin agad sa ospital si Ka Haren dahil nadala naman agad sa pagamutan ang sundalong nasugatan sa labanan.
Ang bangkay naman si Ka Baste ay walang kahabag-habag na tinadtad ng bala. Dalawang tama sa dibdib ang kanyang ikinamatay, subalit nang makuha ng kanyang mga kamag-anak ang bangkay niya, mula ulo hanggang paa ay tagos-tagusan ito ng mga sugat.
Mariing kinundena ng Alfredo Cesar Command ang sadyang pagkakait ng serbisyo medikal sa hors de combat na si Ka Haren at ang ginawang paglapastangan sa bangkay ni Ka Baste. Ang mga ito ay walang pakundangang paglabag sa mga internasyunal na alituntunin sa digma, ang Protocol I at II ng Geneva Conventions. Paglabag din ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Malinaw na isinasaad sa mga kasunduang ito na ang mga magkatunggaling pwersa ay obligadong magkaloob ng karampatang atensyong medikal sa mga nadarakip o nasusugatan sa labanan na wala nang kakayahang lumaban. Mahigpit nitong ipinagbabawal ang pagtortyur at pagsalbeyds at ang paglapastangan sa mga bangkay.
Nagbigay-pugay ang Alfredo Cesar Command sa kagitingan at katapangang ipinamalas nina Ka Baste at Ka Haren, na hinirang nilang mga tunay na bayani ng rebolusyon. Ibayong kumikinang ang kanilang kagitingan sa harap ng pag-aasal-hayop ng reaksyunaryo at kinamumuhiang AFP.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|