Rubout sa Bicutan
Labis-labis na pwersa at karahasan ang ginamit ng rehimeng Arroyo sa pagsupil sa pag-aalsa ng mga bilanggo sa Camp Bagong Diwa noong Marso 15. Napaslang ang 22 detenido na karamiha�y mga Morong inaakusahang kasapi ng Abu Sayyaf.
Ginawa ito sa kabila ng kalagayang depensibo, mahina, gutom at sukol na ang mga bilanggong nag-alsa na armado lamang ng mabababang uri ng sandata.
Sa pangunguna ni Gen. Angelo Reyes, tiniyak ng rehimeng Arroyo na mapatay ang mga kilalang nangungunang lider ng bandidong grupong Abu Sayyaf na kasabwat ng mga upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kabilang sa mga pinatay ang mga pinuno ng Abu Sayyaf na sina Alhamzer Limbong, Ghalib Andang at Nadzmie Saabdullah. Matagal na silang kasabwat ng AFP at may tuwirang nalalaman sa pagkakasangkot ng matataas na upisyal ng militar sa mga kriminal na gawain ng bandidong Abu Sayyaf.
Tatlong armas ng mga gwardya ng bilangguan ang nakuha ng mga detenido. Sa inisyal na putukan, dalawang gwardya ang napatay. Sinagpang ng rehimen ang pagkakataong ito upang mabigyang-katwiran ang ekstrahudisyal na pagpatay sa mga kilalang lider ng Abu Sayyaf at hatulan sa publiko ang iba pang Morong iligal na inaresto at pinaratangang mga myembro ng grupo.
Minaliit ng rehimen ang mga karaingang pinatampok ng pag-aalsa katulad ng aping kundisyon ng mga detenidong Moro at iligal na pang-aaresto sa mga Moro sa mga reyd sa Basilan mula pa noong 2001. Kabilang sa mga karaniwang Moro na iligal na ikinulong ang isang 14 na taong gulang na lalaki at si Ahmad Upad, isang 75 taong gulang na may sakit na Alzheimer�s. Napatay si Upad sa naganap na rubout.
Pinalalabas ng mga upisyal ng gubyerno na nagmamatigas ang mga bilanggong nag-alsa sa Camp Bagong Diwa upang bigyang-katwiran ang pagsalakay ng 300 kawal ng PNP Special Action Force (SAF), na pawang armado ng malalakas na armas. Sa loob ng humigit-kumulang dalawang oras, ginamit ng PNP-SAF ang kanilang mga sandata upang pagpapapatayin na parang manok ang walang kalaban-labang mga detenido.
Malala pa, humarap sa midya ang mga upisyal militar at buong pagmamalaking inianunsyo ang bilang ng kanilang mga pinatay na animo�y karapatan nilang lipulin ang mga bilanggo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|