Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sa Ibayong Dagat:
Parang pelikulang Rambo

 Read this article in English

Bukod sa engrandeng kasinungalingan tungkol sa weapons of mass destruction, nabubunyag na rin ang pagpapakana ng CIA at Pentagon ng mga gawa-gawang kwento't palabas para patingkarin ang umano'y kawastuan ng pananalakay, kadakilaan ng mga sundalong Amerikano at kalupitan ng mga pwersang Iraqi.

Tampok sa mga kasinungalingang ito ang sumusunod:

Ang pagbabagsak sa rebulto ni Saddam Hussein. Noong Abril 9, tatlong linggo matapos simulan ng US ang pananalakay sa Iraq, pinasok ng mga tropang Amerikano ang syudad ng Baghdad.

Noong araw ding iyon, ibinrodkas ng imperyalistang midya ang tila napakasayang pagdiriwang ng mamamayang Iraqi sa pagpapatalsik kay Saddam Hussein at tila ispontanyo ring pagpapabagsak sa higanteng rebulto niya sa isang parke sa gitna ng Baghdad.

Paulit-ulit at walang tigil itong ipinakita sa mga telebisyon sa buong mundo bilang patunay ng diumano'y laganap at malawakang pag-aalsa ng mamamayang Iraqi laban sa rehimen ni Saddam Hussein. Ipinangalandakan ito nina Presidente Bush ng US at Prime Minister Blair ng UK. Patunay umano ito ng mainit na pagtanggap ng mamamayang Iraqi sa pagsakop ng mga tropang Amerikano sa Iraq at pagpasok sa Baghdad. Mula sa "ilang dosenang mamamayan" sa simula, naging "ilang libo" hanggang "libu-libong Iraqi" na sa kalaunan ang iniulat na lumahok sa kamangha-manghang pangyayari.

Sa mga ulat ng mga dambuhalang media network, ni minsan ay hindi ipinakita ang kabuuang parke o kahit ang kabuuang pagtitipon man lamang ng mga tao.

Ngunit nabunyag na ngayon na ang pangyayaring ito ay isa lamang palabas ng CIA at Pentagon na nakadisenyo para ilabas sa telebisyon.

Inilathala sa internet ng isang litratista ng Reuters ang mga litratong kinuha mula sa isang mataas na gusali na nagpakita sa kabuuan ng parke. Kitang-kita na mahigit lamang nang kaunti sa 100 katao ang nasa parke at halos walang tao sa mga lansangan ng Baghdad. Pinalibutan ng mga tropa at tangkeng Amerikano ang parke at sinarhan ang mga pasukan at labasan dito. Tanging ang nagbabantay na mga tropang Amerikano, ang sasakyang ipinambuwal sa rebulto, isang pulutong ng kalalakihang Iraqi at ilang mamamahayag na bitbit ng mga pwersang US ang nasa parke. Patagong ginamit ang sasakyan para hilahin at ibagsak ang rebulto sa pamamagitan ng kable dahil hindi ito kaya hilahin ng kakaunting tao o tibagin sa pamamagitan ng iilang maso. Nakita rin at iniulat ng iba pang mamamahayag tulad ng mga taga-Time Magazine, na ang kalalakihang Iraqi na kasama ng mga sundalong US ay hindi mga residente ng Baghdad kundi mga kasapi ng Free Iraqi Forces (FIF) na nakabase sa ibang bansa, isinakay sa eroplano ng Pentagon at ipinasok sa Iraq para sa huwad na pagdiriwang. Ang FIF ay isang grupong bayaran ng CIA at pinamumunuan ng pangunahing papet ng US na si Ahmed Chalabi.

Ang pantastikong "pagliligtas" kay Pvt. Jessica Lynch. Mas maaga pa, ipinalabas ng CIA at Pentagon, sa pamamagitan din ng hawak nilang midya, ang gawagawang kwento hinggil sa umano'y pagliligtas ng US Special Forces sa isang sundalong Amerikanong nabihag ng mga pwersang Iraqi.

Noong Abril 3, ipinagmayabang ng US ang diumano'y matagumpay at dakilang pagbawi ng US Special Forces kay Pvt. Jessica Lynch, 19 taong gulang, mula sa mga kamay ng mga sundalong Iraqi.

Mula't sapul, parang sineng hinabi ng midyang kontrolado ng CIA/Pentagon ang kwento tungkol sa umano'y pagtakas ni Lynch. Bukambibig nila ang iskrip ng CIA/Pentagon na "patuloy na nanlaban si Lynch sa abot ng kanyang kakayahan." Batay umano sa mga pahayag ng mga "di pinangalanang upisyal-militar," nagtamo si Lynch ng maraming tama ng bala at sinaksak pa siya ng mga sundalong Iraqi. Idinagdag pa nila na walang pagmamalasakit ang malulupit na Iraqi sa kalagayan ni Lynch. Nalaman lamang nila umano ang tungkol sa kalagayan ni Lynch dahil sa kabutihang-loob ng isang abugadong Iraqi na naglakad ng ilandaang milya tungo sa isang tsekpoynt ng mga Amerikano upang ipaalam na hawak ng mga Iraqi si Lynch at iba pang sundalong Amerikano. Sa gayon, inilatag diumano ang planong operasyong militar ng US Special Forces at pinasok nila ang ospital sa kalagitnaan ng gabi upang iligtas si Lynch.

Ngunit nitong Mayo, ibinunyag ng ibang mamamahayag ang kahungkagan ng kwentong ito. Sa isang imbestigasyong ginawa at ibinrodkas ng British Broadcasting Corporation (BBC), nabunyag na walang anumang tama ng bala at saksak si Pvt. Lynch. Sa halip, nabalian siya sa braso at hita at nalisya ang kanyang sakong nang tumaob ang kanyang sinasakyang trak. Naaksidente ito at napahiwalay sa komboy ng mga trak ng suplay nang sumidhi ang sandstorm (bagyong buhangin).

Ayon sa imbestigasyon ng BBC, dalawang araw bago ang "pagliligtas," nilisan na ng mga sundalong Iraqi ang ospital at inihabilin nila sa mga doktor na Iraqi si Lynch. Mahusay siyang inalagaan ng mga doktor na Iraqi. Kaagad ring ipinagbigay-alam ng mga doktor sa mga sundalong Amerikano ang kalagayang medikal ni Lynch at kinumpirma ito ng mga Amerikanong doktor na nagsiyasat sa kanya. Ayon sa mga ininterbyu sa mga istap at doktor ng ospital, tinangka nilang ihatid si Lynch sa pinakamalapit na tsekpoynt ng mga Amerikano, ngunit pinaputukan lamang ang kanilang ambulansya kaya napilitan silang bumalik sa ospital.

Gayon na lamang ang pagkagulat ng mga doktor at istap ng naturang ospital nang biglang dumagsa ang mga sundalong Amerikano sa pagamutan at nakipaglabanan doon nang wala namang kalaban.

Malaking kahungkagan ang animo'y pelikulang Rambo o Arnold Schwarzenneger na palabas ng CIA at Pentagon tungkol sa "mapangahas at matapang" na pagliligtas ng mga sundalong Amerikano kay Lynch sa gitna ng "matinding putukan at labanan." Parang sirang nagsisigawan ang mga sundalong Amerikano, nagpapaputok ng mga blangkong bala at nagpapasabog ng maliliit na bomba. Bigla namang umaligid ang isang rescue helicopter at dali-dali nitong isinakay si Lynch. Habang isinasagawa ang pekeng pagliligtas, kumukuha ang ibang sundalo ng video gamit ang night vision camera at ibinobrodkas ito nang live sa Central Command sa Qatar. Agad itong inedit, ipinamahagi, pinagpistahan ng midya at ipinalabas sa mga telebisyon sa buong mundo.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Hunyo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ibayong inaarmasan ng US ang rehimeng Arroyo

Mas malaking palagiang presensyang militar, itinutulak ng US
Sa kabila ng tigil-putukan:
Patuloy ang atake ng AFP sa MILF

Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay sa rebolusyong agraryo, inaani sa Samar

Sa Ibayong Dagat:
Kasinungalingan sa likod ng gera sa Iraq

Sa Ibayong Dagat:
Bagong planong nukleyar ni Bush

Sa Ibayong Dagat:
Dambuhalang propagandista ng imperyalismo

Sa Ibayong Dagat:
Mga sundalong British, nantortyur ng mga Iraqi

Sa Ibayong Dagat:
Parang pelikulang Rambo
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.