Balita
Welga ng mga drayber at opereytor, inilunsad
Pinaralisa ng mga welga ng mga drayber at opereytor ng pampublikong sasakyan sa Metro Cebu noong Pebrero 10 at sa prubinsya ng Bulacan noong Pebrero 16.
Ang welga sa mga syudad ng Cebu, Lapu-Lapu at Mandaue ay pinamunuan ng NADSU (Naghiusang Drayber sa Sugbo). Naparalisa ang 98% ng mga byahe sa araw na iyon.
Pinamunuan naman ng PISTON-Bulacan at Bulacan Transportation Alliance (BATAS) ang welgang pantransportasyon sa Bulacan, na halos lubusang nagparalisa ng pampublikong transportasyon sa prubinsya. Dagdag na pasahe rin ang hinihingi ng nagwelgang mga drayber at opereytor. Bunga nito, napilitang magdeklarang walang pasok ang halos lahat ng mga paaralan sa buong prubinsya, mula primarya hanggang kolehiyo. Lumawak ang welga hanggang Pampanga at Nueva Ecija.
Tumaas ang presyo ng krudo mula P13.75 kada litro noong Oktubre 2000 tungo sa P18.41 nitong Pebrero, pero walang kaakibat na pagtaas ng pasahe. Kaalinsabay nito, bumagsak nang 36% ang kita kada araw ng isang karaniwang drayber mula P186.25 noong 2000 tungong P119.75 noong nakaraang taon. Hinihiling ng mga drayber na magkaroon ng P1.50 hanggang P2.00 dagdag sa pasahe ng pampublikong sasakyan sa unang limang kilometro at pagkatapos nito, ng karagdagang 37 sentimo sa Metro Manila at 18 sentimo naman sa mga prubinsya.
Depisit sa kalakalan, lumobo
Lumaki nang anim na beses ang depisit sa kalakalan ng bansa kumpara sa naitala noong 2002. Umaabot sa $1.697 bilyon ang depisit sa kalakalan ng Pilipinas mula sa $218 milyon noong 2002. Bunsod ito pangunahin ng pagdami ng iniimport na mga produkto ng bansa. Isa sa mga nagtala ng pinakamalaking paglobo ang pag-import ng mga elektronikong pyesa na ginagamit para sa pagkukumpuni ng mga semimanupakturang pang-eksport.
Pananahimik sa kasong rape, binatikos
Binatikos ng Migrante International ang pananahimik kundi man pakikipagkutsabahan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa isang nag-eempleyo sa kaso ng panggagahasa ng isang Pilipinang domestic helper (DH) sa Taiwan. Nagsampa ng kasong panggagahasa si "Rose," isang DH, laban sa amo niyang si Elmer Fung, dating mambabatas ng Taiwan. Sa halip na tumulong sa pag-uusig, tahimik na sinuportahan ng MECO ang agad na pagpapauwi kay Rose. Tinataya ring alam ng MECO ang panunuhol ni Fung para patahimikin si Rose. Hindi man lamang nagsampa ng protestang diplomatiko ang Pilipinas, sa pagdadahilang walang relasyong diplomatiko ang dalawang bansa.
Samantala, nakatakdang imbestigahan ng korte sa Taiwan si Fung sa kasong panggagahasa sa Pilipinang DH. Sinusuportahan naman ng Migrante International ang hakbang na ito ng Taiwan. Ipinagbabawal sa batas ng Taiwan ang pag-areglo sa mga kaso ng panggagahasa sa labas ng hukuman.
Mining Act, pinatitigil
Hinamon ng Cordillera People's Alliance (CPA) ang rehimeng Arroyo na agad na ipatupad ang desisyon ng Korte Suprema noong Enero 29 na nagsasaad na di konstitusyonal ang mayor na mga prubisyon ng Mining Act of 1995. Pinapayagan ng Mining Act ang 100% pag-aari ng mga banyaga sa mga minahan. Kaugnay nito, nanawagan ang CPA na ipawalambisa ang lahat ng mga kontratang pinasok na ng gubyerno sa mga dayuhang kumpanya ng pagmimina.
Taliwas ang desisyon ng korte sa Executive Order 270 na isinabatas ng rehimen upang walang sagkang maipatupad ang Mining Act.
|