Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

BHB at AFP: Magkasalungat sa diwa't gawa

 Read this article in English

Salamin ng magkasalungat na paninindigan at pananaw ang hidwaan at demoralisasyon sa loob ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang banda, at ang patuloy na paglakas at pagsulong ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa kabilang banda.

Magkaibang ugat. Binuo ng lokal at dayuhang naghaharing uri ang AFP sa tradisyon ng mga Gwardya Sibil, Macabebe Scouts, Philippine Scouts at USAFFE. Pangunahing kasangkapan ito sa pagpreserba sa sistemang nagsasamantala't nang-aapi sa mamamayan. Sa tradisyon naman ng Katipunan at ayon sa mga aral sa karanasan ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, binuo ng muling-tatag na Partido Komunista ng Pilipinas ang BHB. Inilulunsad nito ang armadong pakikibaka at rebolusyong agraryo habang pinapanday ang lakas ng masang anakpawis tungo sa pagbabagsak ng naghaharing sistema at pagtatatag ng tunay na demokratikong estado.

AFP: Mersenaryo, pasista. Ang imperyalismong US sa pamamagitan ng papet na estado ang nagbabalangkas ng misyon ng AFP. Sa harap ng patuloy na pag-igting ng rebolusyonaryong pakikibaka, uminog ito sa "counter-insurgency", "kontra-terorismo", "internal security" o sa madaling sabi, kontra-rebolusyon. Maging ang mga "serbisyo publiko" ng AFP ay nakabalangkas dito. Mulat na ginagamit ang armadong pwersa upang hatiin ang mamamayan at gapiin ang mga naglalantad at lumalaban sa papet at kontra-mamamayang estado.

BHB: Patriyotiko, makamasa. Tinatahak ng BHB ang landas ng pagpapalaya ng bayan mula sa saklot ng mga dayuhang mananakop at lokal na nagsasamantalang uri. Sa pamumuno ng uring manggagawa, iminumulat, inoorganisa at pinakikilos pangunahin ang masang magsasaka't manggagawang bukid sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa. Binubuo ang Hukbo sa hanay ng mamamayan, ginagapi ang mahihinang kawing ng kaaway at masasamang elemento. Tuluy-tuloy na pinapanday ang pagkakaisa ng masang anakpawis at iba pang uri tungo sa paggapi sa mga ugat ng kahirapan ng sambayanan.

AFP: Sweldo, hindi prinsipyo, ang tunay na dahilan sa pagsapi't pananatili ng marami sa AFP at mga paramilitar na grupo tulad ng Citizens Armed Forces Geographical Unit o CAFGU. Sa tabing ng "paglilingkod at pagtatanggol sa bayan," sinasamantala ng naghaharing uri ang kagipitan ng mamamayan sa paghubog ng mga mala-robot na sundalo't aset na mapag-uutusan anumang oras. Sa likod ng islogang "dignidad, kadakilaan at pagkamakabayan," sinasanay sa Philippine Military Academy at mga paaralang militar sa kanluran ang pinakamersenaryo't pasistang mga upisyal at heneral. Tanda ng machismo at baluktot na ideya ng kapatiran, rekisito ang mga pisikal at mental na pagsubok na umaabot sa kahihiyan, sakit ng katawan at kung minsa'y kamatayan.

BHB: Prinsipyo at sakripisyo. Walang kabayaran, tanging kawastuan ng rebolusyon ang inspirasyon ng BHB na yakapin ang mapagpasakit at simpleng pamumuhay na kaakibat ng puspusang pakikibaka. Boluntaryo ang pagsuporta, pagsapi at pananatili ng masang magsasaka, manggagawa, kababaihan, kabataan, mga propesyunal at iba pang sektor sa BHB. Bukas ito sa lahat ng nasa edad 18 pataas na determinado't handang makipaglaban para sa kalayaan. Sa lahatang-panig na gawain, bagaman mahalaga ang pisikal na lakas, may puwang para sa mga nais sumapi subalit walang kakayahang sumama sa mga sandatahang yunit.

AFP: Kinatatakuta't kinamumuhian. Dekadente't walang disiplina ang AFP. Ang pakikitungo nito sa mamamayan ay litanya ng panlilinlang, pananakot, pananakit, pag-aalimura, paninira at pagmamalupit. Kahit magbihis-BHB pa ang mga sundalo ng AFP ay madali silang nabibisto ng masa dahil sa ipinakikita nilang ugali at pakikitungo sa taumbaryo. Binubulabog at winawasak ng mga tropa ang mga tahanan sa diumano'y paghahanap sa BHB. Sinisira nila ang mga pananim at tinatangay ang mga manok at iba pang ari-arian. Tinotortyur at kadalasa'y di na pinahihintulutan ng AFP na mabuhay ang mga nabibihag nito�BHB man o ordinaryong sibilyan. Kilala silang lasenggo, abusado, rapist, babaero at sugarol. Bukod pa, ang mga upisyal ng AFP ay sangkot sa mga katiwalian, malalaking sindikato at pagpapakana ng mga teroristang atake laban sa mamamayan. Imbes na ipailalim sa paglilitis, ang lahat ng ito'y kinukunsinti pa't pinararangalan ng estado.

BHB: Minamahal at kinakalinga. Tangan nito ang pang-organisasyong prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Ipinatutupad ng BHB sa lahat ng antas ang disiplinang nakatuon sa mas mahigpit na pagkakaisa ng hukbo't masa. May kumpyansa ang mamamayan na hindi sadyang gagawa ng kahit bahagyang pinsala sa kanilang interes ang BHB. Sa kabila ng kakapusan sa rekurso, mapamaraan ang Hukbo at tumutulong sa mamamayan sa lahat ng pagkakataon. Kilala silang magagalang at mapagmalasakit sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Bawal silang maglasing at magsugal. Isinasauli ang anumang hinihiram at binabayaran ng karampatang halaga ang mga binibili't nasisira. Makataong tinatrato ng Hukbo ang mga bihag, at ginagalang ang kababaihan. Sinumang lumabag sa mga alituntuning ito, upisyal man o kawal, ay ginagawaran ng aksyong pandisiplina. Mapagpakumbabang tumanggap ng puna ang BHB at handang magwasto ng anumang pagkakamali.

AFP: Walang demokrasya. Ang dambuhalang rekursong ibinubuhos sa AFP ay kinukulimbat ng pinakamatataas na upisyal nito. Karaniwan silang nakatira sa luho't ginhawa ng mga mansyon sa loob at labas ng bansa, nag-aari ng magagarang sasakyan at sumasahod ng komisyon sa samutsaring iligal na negosyo. Samantala, pinagkakasya na lamang ng karaniwang kawal ang kakarampot at di regular na sweldo sa mga pangangailangan ng pamilya. Salat sila sa kagamitan at nagtitiis na lamang sa kumukupas na uniporme at laspag na sapatos. Bulag silang isinasabak sa mga labanan at ginagamit sa paghahasik ng lagim laluna sa kanayunan. Para sa AFP, ang "pagkakaisa" ay ang walang-kwestyong pagsunod ng kawal sa upisyal; ang "prestihiyo" ay ang pagtiyak na hindi sasambulat ang mga suliranin ng organisasyon. Walang anumang malayang pagpapahayag sa loob ng AFP.

BHB: Disiplina at demokrasya. Tinatalakay at pinag-aaralan ng lahat ng kumander at mandirigma ng BHB at mga kadre ng Partido ang programa, mga patakaran at kapasyahan ng Partido. Regular na idinadaos ng mga upisyal at kawal ang pagpuna at pagpuna-sa-sarili upang pahusayin ang bisa sa gawain at harapin at iwasto ang mga kahinaan at kamalian. Sa layuning mapataas ang kamalayang proletaryo, manatiling malapit sa mamamayan, maitaas ang kakayahang lumaban at kolektibong mapangasiwaan ang kagalingan ng mga mandirigma, nagpupulong sila't malayang nakapagsasalita. Nagsasalo sila sa hirap at ginhawa at tumatanggap ng pantay na rasyon at panggastos. Sama-sama silang namamahala sa panustos at pagkain at pawang may karapatang suriin ang kwenta at rekurso anumang oras. Magkakasama ring nagdadaos ng pulong ang mga kawal at upisyal bago at matapos ang mga labanan at kampanya. Sa ganitong paraan, natututo sila sa isa't isa.

Pilit pinagtatakpan ng kontra-rebolusyonaryong propaganda ang pagiging bulok sa kaibuturan ng AFP. Subalit ibayo lamang itong nahihiwalay sa mamamayang Pilipino gaya ng reaksyunaryong estadong ipinagtatanggol nito. Paparami rin sa kasapian nito�laluna yaong mga ordinaryong kawal na direktang biktima ng katiwalian ng AFP�ang lihim na nakikipagkaisa sa rebolusyonaryong kilusan sa pakikipaglaban para sa tunay na pagbabago.

Patuloy namang naglalagablab ang diwang rebolusyonaryo sa buong kapuluan bunga ng tuluy-tuloy at magkatuwang na pag-ani ng mamamaya't Hukbong Bayan ng mga tagumpay sa pakikibaka.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Nobyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Buuin ang malawak na pagkakaisa ng mamamayan para pabagsakin ang rehimeng US-Arroyo

Gawaing rekoberi sa mga Aggay sa Gattaran, Cagayan
BHB at AFP: Magkasalungat sa diwa't gawa
Pagbubuo ng hukbong kontra-mamamayan
Sadyang magkaiba ang AFP at BHB�Gen. Jarque
Mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa China ng 1949-1976:
Sagot sa krisis pang-ekonomya: Rebolusyon at sosyalistang konstruksyon

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.