Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Paul Wolfowitz, alagad ng neo-konserbatismo sa World Bank

 Read this article in English

Ang paghirang bilang pinuno ng World Bank (WB) kay Paul Wolfowitz, pasistang neokonserbatibo at isa sa pinakamasusugid na disipulo ng doktrinang Bush, ay mangangahulugan ng lalong paghigpit ng kontrol at paggamit ng US sa WB bilang instrumento ng imperyalistang pang-aapi sa mamamayan ng daigdig.

Si Wolfowitz ay isa sa mga pangunahin at pinakaprominenteng arkitekto at promotor ng unilateralismo at walang pakundangang pagpapataw ng hegemonya ng US sa iba't ibang bahagi ng mundo. Gumanap siya ng susing papel sa paglusob at pagsakop ng US sa Iraq noong 2003. Bago italaga sa WB, deputy secretary siya ng US Department of Defense.

Sa pag-upo niya bilang pinuno ng WB, inaasahang lalo itong magiging masahol na instrumento ng imperyalistang US. Katulad sa nakaraan, gagamitin ng US ang pondong hawak ng World Bank upang magdikta ng mga patakaran sa mahihirap na bansa at pagsilbihin ang mga ito sa interes ng US.

Isa sa mga itinuturing na ideologo ng neokonserbatismo sa US si Wolfowitz. Sa ilalim ni dating Pres. George Bush Sr., binalangkas niya ang isang agresibong estratehiyang militar na nagsasaad na dapat nang unahan ng US ang anumang plano umanong umatake ng mga itinuturing nitong kalabang grupo o bansa. Ito ang doktrinang pinagbatayan ng pagsalakay ng US sa Iraq noong 1990 at muli, noong 2003.

Isa siya sa mga tauhan ni US Pres. George W. Bush na nagpakulo ng National Security Strategy (NSS) na siyang ginagamit ngayong balangkas upang ipataw ang hegemonya ng US sa buong mundo. Pangunahing nilalaman ng NSS ang dominasyon ng US sa ekonomya at militar sa pamamagitan ng palagiang interbensyong militar ng US para ipagtanggol umano ang kapayapaan at seguridad ng mundo, mga atakeng panansala (pre-emptive) sa tinaguriang rogue states o mga bansang sumusuway sa kagustuhan ng US, at pagpigil sa paglakas ng isang rehiyunal o pandaigdigang poder na potensyal na karibal ng US.

Umaalinsunod sa estratehiyang ito ang panukalang Project for a New American Century (PNAC) na binuo rin noong 1992 ng mga neokonserbatibo, kabilang na si Wolfowitz, at nirebisa noong 2000. Para makamit ang PNAC, na walang ibang nilalaman kundi ang pandaigdigang dominasyon ng US sa larangan ng militar, pulitika at ekonomya, walang pakundangang inilulunsad ang mga gerang agresyon at pang-uupat ng digma sa mga bansang lumalaban sa imperyalismong US. Nang maganap ang atakeng 9/11, todo-todo itong ginamit na sangkalan para maglunsad ang US ng interbensyon at agresyong militar sa iba't ibang dako ng mundo.

Nasangkot din si Wolfowitz dito sa Pilipinas, kung saan bilang Deputy Secretary for Asian Affairs ay kinatulong siya ni US Secretary of State George Shultz sa pagkumbinsi kay Pres. Ronald Reagan noon na bitiwan na si Pres. Ferdinand Marcos nang malinaw nang nagiging peligro sa interes ng US ang patuloy na pagsuporta sa diktador.

Nitong huli, pinamunuan ni Wolfowitz ang "rekonstruksyon" ng Iraq pagkatapos ng agresyon at pananakop ng imperyalismong US sa bansa. Dagdag sa mga krimen nito sa mamamayang Iraqi, inutil ang US sa pagbibigay ng mga batayang serbisyo. Batbat din ng korapsyon at kroniyismo ang mga proyektong ipinagkaloob ng rehimen sa pinakamalalapit na kaibigan ng pamilyang Bush.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Abril 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Naghuhukay ng sariling libingan ang rehimeng US-Arroyo

Pananalanta ng Pasistang Estado:
Lumalawak ang paglaban sa mga pasistang krimen ng rehimeng US-Arroyo

Pananalanta ng Pasistang Estado:
Pagpaslang kay Esperat, iimbestigahan ng BHB

Mga karumal-dumal na detalye ng masaker sa Camp Bagong Diwa
Inosente ang karamihan
Paul Wolfowitz, alagad ng neo-konserbatismo sa World Bank
Pakikialam ng US sa Kyrgyzstan
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.