Pagbabayaran ng rehimeng Bush ang pananalakay at pananakop nito sa Iraq
Walang batayan, iligal at mali ang pananalakay at pananakop ng imperyalistang US sa Iraq. Muli na naman itong nabigyang-diin sa harap ng nahuhuli ngunit walang paliguy-ligoy na mga pahayag ng pagtutol ng United Nations, mga personalidad at mga bansa na noo'y nanahimik kung hindi man sumuporta sa pananalakay ng US sa Iraq.
Sa harap nito, hindi humingi ng paumanhin ni umamin ang tutang rehimeng Arroyo sa pagkakamali nitong suportahan ang isang gerang pumatay at puminsala ng milyun-milyong sibilyan at sumira sa buhay at kabuhayan ng isang nagsasariling bansa.
Mahigit isang taon na ang nakararaan mula nang salakayin ng US ang Iraq. Bago pa man bumagsak ang unang bomba, tampok na ang matinding pagtutol ng napakaraming bansa at mamamayan dito. Nitong Setyembre 6, pinal nang idineklara ng US weapons inspection team na walang weapons of mass destruction ang Iraq noong 2003 at na "nagkamali ang mga tekniko sa pagtukoy ng mga ebidensya at humalaw sila ng mga maling kongklusyon". Bago ito, idineklara na ng UN na iligal at unilateral ang ginawang pagsalakay sa Iraq. Maging si Tony Blair, prime minister ng United Kingdom at pinakamasugid na tagasuporta ni Bush sa pananalakay sa Iraq ay umaming hindi naging sapat ang mga batayan ng pagsugod nila sa Iraq.
Sa loob ng US, patuloy na nadidiin ang kasibaan ng mga monopolyong korporasyon, mga korporasyon ng langis at ng padrino ng mga ito na si Bush bilang pangunahing dahilan ng pananalakay at pananakop ng Iraq. Makailang beses nang napasinungalingan ang mahinang pagdadahilan ni Bush na mayroong weapons of mass destruction ang Iraq, na kinakanlong nito si Osama bin Laden at iba pang operatiba ng Al Qaeda, na si Saddam Hussein ay demonyong nagkatawang-tao at iba pa.
Lumalakas ang disgusto ng mamamayang Amerikano sa papalaking bilang ng mga napapatay at nasusugatang mga sundalo, litaw na mga kapalpakan ng kanilang sistema ng paniktik at kaliwa't kanang pagsisinungaling ng rehimeng Bush. Hindi na rin maitago ng rehimen ang bangis at dahas ng pananakop nito sa Iraq. Habang tumatagal, lalong nagiging malupit ang mga pamamaraan at taktika ng mga naiipit na pwersang Amerikano sa Iraq. Lalo naman nitong pinag-aalab ang galit at pagkasuklam ng mamamayang Iraqi sa kanila.
Ang tanging pumipigil sa mamamayang Amerikano na ibasura ang rehimeng Bush at ang mga ultra-Kanang patakaran nito ay ang paninindak at nilikha nitong takot kaugnay ng diumano'y palagiang nakaambang pagsalakay ng mga terorista sa US. Kung lalabanan ito ng mas maraming mamamayang Amerikano, maaaring maibasura ang rehimeng Bush sa darating na eleksyon. Maaaring sa eleksyon mapatampok ng mamamayan ang kanilang pagtutol at pagkundena sa imperyalistang pananakop sa Iraq. Maihahalintulad ito sa umalingawngaw na pagkatalo ng rehimeng Aznar ng Spain noong nakaraang taon nang ibasura ng mamamayang Spanish si Jose Maria Aznar at ang partido nito sa eleksyon. Isang araw bago ang eleksyon, binomba ng al Qaeda ang ilang tren sa Madrid bilang pagpapakita ng pagtutol sa pagsuporta ni Aznar sa gera ni Bush.
Habang papalapit ang eleksyon sa US, marami pang kasinungalingan ang mabubunyag at tatampok. Masusubok ang rehimeng Bush at malalagay sa alanganin ang pagpapatuloy ng paghahari nito. At habang nahaharap ito sa kawalang-katiyakan, nanganganib na mawala ang sinasandalang pader ng mabubuway na mga tutang rehimen nito katulad ng rehimeng Arroyo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|