Muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP, matagumpay na idinaos
Matagumpay ang muling pagbubukas ng pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) noong Abril 27-30 sa Oslo, Norway.
Pinangungunahan ni Kasamang Luis Jalandoni ang NDFP Negotiating Panel na kinabibilangan din nina Kasamang Fidel V. Agcaoili at Kasamang Coni Ledesma. Pinamumunuan ni dating Justice Sec. Silvestre Bello III ang panel ng GRP, na kinabibilangan din nina Agrarian Reform Sec. Hernani Braganza at Atty. Rene Sarmiento.
Pangunahing tinalakay sa muling pagbubukas ng negosasyong pang kapayapaan ang pagsasakatuparan ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL at ang mga mungkahing hakbangin ng kabutihang-loob at pagbubuo ng kumpyansa (goodwill and confidence-building measures) ng magkabilang panig. Pinag-usapan din ang kondukta ng pagtalakay sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), ang susunod na paksa sa substantibong adyenda ng usapang pangkapayapaan.
Sa gitna ng masalimuot na talakayan, iginiit ng NDFP na nararapat nang kagyat na isakatuparan ang CARHRIHL upang magsilbi itong sandata ng mamamayang Pilipino laban sa mga paglabag sa karapatang-tao. Kaugnay nito, hiniling ng NDFP na kagyat nang ipatupad ng GRP ang sumusunod na probisyon: (1) pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal; (2) indemnipikasyon sa mga biktima ng batas miltar; (3) pagrepaso at pagbasura sa mga mapanupil na batas; at (4) pagtigil sa mga mapanalantang operasyon at kampanyang militar.
Gayundin, ipinahayag ng NDFP na ituturing nitong hakbangin ng kabutihang loob at pagbubuo ng kumpyansa kung ipatutupad ng GRP ang (1) P125 na pangkalahatang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa buong bansa; (2) pagpapabalik sa mga sapilitang pinalikas (internal refugees) sa kani-kanilang mga tahanan; (3) pagapruba at pagpapatupad sa EO 10, na nagbabawal sa municipal waters ng malalaking bangkang pangisda, lalo yaong dayuhan; at iba pa.
Panimula nang nagpulong ang Reciprocal Working Committee para sa SER. Napagkasunduan ng bawat panig ang pagbubuo ng kanikanilang mga subkomite. Ang mga ito�y maaaring magpulong nang impormal at magdaos ng magkakahiwalay o magkasanib na mga pampublikong pagdinig sa Pilipinas bilang paghahanda para sa mga aktwal na pagpupulong para sa SER.
Nagkasundo rin ang NDFP at GRP na idaraos ang susunod na serye ng mga usapan sa Hunyo 9-15. Batay sa mainit na pagtanggap at karanasan ng Norway sa pagtaguyod sa mga negosasyong pangkapayapaan, pinagtibay ng dalawang panig ang mungkahing doon na patuloy na idaos ang negosasyon.
Tinatanaw ng NDFP na magiging mahirap ang pagsusulong ng usapang pangkapayapaan. Ayon sa tagapangulo nitong si Kasamang Mariano Orosa, sadyang mas mabigat at mas kumplikado kaysa sa mga nagdaang usapan ang usapin ng pagpapatupad ng CARHRIHL at pagbubuo ng CASER. Sa kabilang banda, aniya, mas makabuluhan ang pakinabang na pwedeng makamit dito ng mamamayang labis na naghihirap, pinagsasamantalahan at inaapi.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|