![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Sina Ka Bob at Ka Berto ay mga bayani ng mga pambansang minorya at ng sambayanang Pilipino Bilang pagpupugay sa lahat ng Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, inilalathala ng Ang Bayan ang mga parangal sa dalawang martir na kumander na walang pag-iimbot na naglingkod sa rebolusyon at sa sambayanan. Bukod sa kanilang katangi-tanging mga rekord sa pakikibaka, maningning na mga halimbawa sina Ismaelito "Ka Bob" Giganto at Ado "Ka Berto" ng kapasyahan at tagumpay ng mga pambansang minorya na aktibong lumahok sa pambansang rebolusyonaryong pagbabago. Si Ka Bob ay namatay na nakikipaglaban sa mga tropa ng kaaway sa Tapaz, Capiz noong Pebrero 24. Si Ka Berto naman ay namatay habang gumagampan ng rebolusyonaryong gawain noong Enero. Ka Bob (Salin at halaw sa parangal ng Komiteng Rehiyon ng PKP sa Panay) Si Ka Bob ay isang Tumanduk, isa sa mga pambansang minoryang konsentrado sa sentral na bahagi ng Panay. Kabilang ang pamilya ni Ka Bob sa mga napatalsik nang gamiting lugar ng pagsasanay-militar ang Tapaz at Jamindan, Capiz noong 1962. Inagaw din at ginawang pastuhan ng malalaking panginoong maylupa ang kanilang lupain sa Tapaz. Ang pamilya ni Ka Bob ay isa sa pinakamasisigasig sa pakikibaka nang dumating ang BHB sa kanilang lugar at organisahin ang mga Tumanduk noong 1972. Sampu ng kanyang amang si Mal-am Benig, iginagalang na lider ng mga Tumanduk, hinimok ng kanilang pamilya ang iba pang mga pinuno ng mga baryo upang sumuporta sa BHB. Naging matagumpay ang kilusang masang inilunsad nila laban sa tumado, isang porma ng upa sa lupa na ipinatupad ng Philippine Army. Bago sumampa sa BHB, isa si Ka Bob sa mga aktibistang nakibaka para sa tunay na reporma sa lupa laban sa malalaking panginoong maylupa.
Kahit sumapi siya sa panahon ng mga paglihis noong dekada 1980, nanatiling matatag ang kanyang rebolusyonaryong paninindigan. Pagkaraan ng ilang taon, itinalaga siya bilang Pulang kumander ng pangunahing yunit gerilya ng larangang sumasaklaw sa Tapaz, Jamindan at Calinog sa Capiz. Matagumpay na naigpawan ng yunit sa kanyang pamumuno ang bangis ng inilunsad na todo-gera at iskemang gradual constriction ng rehimeng US-Ramos sa pamamagitan ng mahusay na ugnay sa masa. Naging mahusay ding kadre ng Partido si Ka Bob. Kagawad siya ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Panay. Naging masigasig siya sa pagpapaunawa sa mga Tumanduk sa lokalidad at sa hukbong bayan ng kahalagahan ng mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo at ng kumprehensibong pagsusulong sa rebolusyon. Malaki ang naitulong niya sa pagrekober sa mga lugar na dating nakilusan ng BHB. Malaki rin ang ginampanang papel ni Ka Bob sa pagiging tagapamagitan sa mga alitan ng mga magkakaaway na angkan at mga baryo. Matiyaga niyang itinuro ang pagbubuo ng mga organisasyong masa, ang demokratisasyon at kolektibong pamumuno sa paraang hindi sumagasa sa sistema ng hustisya ng mga Tumanduk at sa mga tradisyunal nilang mga pinuno. Sinalamin ni Ka Bob ang mas mataas na antas ng pakikibakang inabot ng mga Tumanduk. Hindi lamang siya naging matapang na mandirigmang Tumanduk o matalino at kagalang-galang na lider ng tribo. Siya ay naging tunay na proletaryong rebolusyonaryong lider. Ka Berto (Halaw sa parangal noong Pebrero 9 ng nakatataas na organo ng kanyang yunit) Ado ang tunay na pangalan ni Ka Berto. Tulad ng marami pang Aggay (isang grupong minorya sa bahagi ng Sierra Madre na nasa Hilagang Luzon), wala siyang apelyido. Naugnayan at sumampa siya sa Isabela, noong kabubuo pa lamang ng BHB, mahigit 30 taon na ang nakalilipas. Isa siya sa mga minoryang pinakamaagang naugnayan at sumampa at isa rin sa mga kumander at mandirigma ng BHB � minorya man o hindi � na pinakamatagal sa hukbo. Sa mahigit 30 taon hanggang pagkamatay, ang hukbo, ang Partido at ang rebolusyonaryong kilusan ang kanyang tanging pamilya at buhay. Namatay ang kanyang asawa sa labanan sa isang malaki at maselang misyon nang hindi pa sila matagal sa hukbo. Ang kaisaisa niyang anak ay namatay ding kasapi ng kilusan. Ang kanyang kapatid ay kamakailan lamang niya nadalaw pagkaraan ng maraming taon. Bago pa man sumampa sa hukbo, si Kasamang Berto ay tinitingala ng mamamayan sa malawak na bahagi ng Sierra Madre. Kilalang matapang ang kanilang tribo; pero mas mahalaga, pambihira ang antas ng kasanayan ni Kasamang Berto bilang mangangaso at manggugubat, namumukod ang kanyang likas na talino, katapangan, lawak ng pag-unawa, kabutihang loob, at husay na makitungo sa iba, minorya man o hindi.
Ang mga unang bahagi ng pagkilos ni Kasamang Berto sa hukbo ay sa sandatahang yunit pampropaganda at yunit gerilya at ang nakaraang halos 20 taon ay sa isang yunit pansuporta. Maraming matagumpay at pukpukang labanan ang kanyang sinamahan. Bilang kumander ng kanyang yunit, pinamunuan niya ang pagharap at paglaban sa maraming malakihang kampanya at operasyon ng kaaway. Napatunayan sa mga labanan ang husay niya bilang isnayper. Kinilala rin siya bilang mahusay na treynor ng BHB. Sa yunit na kanyang kinabibilangan, si Kasamang Berto ay karaniwan ding tagapagpahinahon sa mga kasamang naiinip, nagiging mapusok o di kaya'y nagkakaalitan. Sa panahon ng kagipitan at init, siya ay karaniwang nagpapagaan at nagpapasaya sa pamamagitan ng biro, magiliw na komentaryo at nakakatawang kwento. Dahil panatag at tiwala sa kanyang kakayahan at buung-buo ang loob sa pakikisama sa mga kasama sa Partido at hukbo, hindi kailanman naging suliranin ni Kasamang Berto ang pakikitungo sa kasama at sa masang hindi minorya. Pantay at walang itinatanging kulay ng balat o relihiyon ang kanyang pakikitungo sa iba. Isang kwentong kinatutuwaan niya ay ang karanasan sa mga nakaririwasang magsasaka na hindi malaman kung paano siya pakikitunguhan kapag sinabihang siya, ang Ita, ang kumander ng yunit ng hukbo. Tulad ng maraming iba pang martir ng rebolusyon, si Kasamang Berto ay inilibing sa gitna ng gubat na kanyang kinalugmukan, malayo sa lugar na kanyang sinilangan. Minsang sinabi ni Kasamang Mao Zedong, "Walang usapin kung ilibing ang bayani saanman siya nalugmok. Ang mahalaga ay nabuhay at namatay siyang matapat na naglilingkod sa rebolusyon at sa sambayanan." Gayon si Kasamang Berto, magiting na bayani ng sambayanan at rebolusyong Pilipino. ![]()
|
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|