![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Mula nang ibenta ng reaksyunaryong gubyerno ang MWSS (Metropolitan Waterworks and Sewerage System) sa Maynilad Water Services, Inc. at Manila Water Company, Inc., sunud-sunod na pagtaas ng singilin sa tubig ang humambalos sa mamamayan. Subalit sa kabila ng napakalaki na ngang inilobo ng mga bayarin, wala pa ring awat ang mga kumpanya sa paggiit ng lalo pang pagtaas.
Noong Disyembre, nagbanta ang Maynilad na isasauli nito ang kontrata sa gubyerno kung hindi ito papayagang muling itaas ang singilin sa tubig. Takot na takot ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa malawakang protesta kung pahihintulutan nito ang Maynilad na magtaas ng singil. Kung hindi sila pahihintulutan, nagbabanta ang Maynilad na ibalik sa gubyerno ang kontrata dahil di na umano sapat ang kinikita nila rito. Iginigiit din ng Maynilad na ibalik ng gubyerno ang $303 milyon nilang puhunan. Nang akuin ng Maynilad noong Pebrero 21, 1997 ang konsesyon sa tubig, kinarga nito ang bulto ng utang ng MWSS na nagkakahalaga ng $800 milyon. Dahil sa humambalos na krisis sa pinansya sa Asia noong 1997 na nagpababa sa halaga ng piso mula P26:$1 tungong P52:$1, lumobo sa P50 bilyon ang utang nito mula sa P20 bilyon noong 1997. Noong Marso 2001, itinigil ng Maynilad ang pagbabayad sa konsesyon sa MWSS upang makabawi umano ang kumpanya sa pagkalugi nito bunga ng debalwasyon ng piso. Mula noon, kinarga na ng MWSS ang pagbabayad at umutang ang gubyerno sa dayuhang bangko para rito. Umabot na sa P5 bilyon ang di nababayarang concession fees ng Maynilad sa MWSS. Binitiwan ng reaksyunaryong gubyerno ang obligasyong bayaran ang utang ng MWSS at ipinakakarga sana ito sa Maynilad, subalit makailang ulit na ang laki ngayon ng utang na muling ibinabato ng Maynilad sa gubyerno. Wala ring ibang papasan nito kundi ang mamamayan. Dagdag na pahirap sa mamamayanWalang naidulot ang pribatisasyon ng MWSS sa mamamayan kundi sunud-sunod na pagtaas ng singilin sa tubig. Ni hindi nito napanghawakan ang naunang pangakong ibaba nito ang singil sa serbisyo. Mahigpit na ipinagbabawal sa orihinal na kontrata ang arbitraryong pagtataas ng singil ng dalawang konsesyunaryo sa loob ng 25 taon. Kaya noong Oktubre 2001, nakipagsabwatan ang gubyernong Macapagal-Arroyo sa Maynilad at MWCI upang amyendahan ang dating kasunduan at pahintulutan ang anumang pagtataas. Liban sa batayang singil, ang dating tanging maaaring singilin ng Maynilad at Manila Water ay ang currency exchange rate adjustment (CERA) na nakapako sa P1/metro kubiko.
Inamyendahan ang kasunduan para mabawi diumano ng dalawang kumpanya ang pagkalugi nila mula sa pagbulusok ng halaga ng piso. Gayunpaman, malinaw na ang lahat ng mga bagong singilin ay para sa pagkakamal ng pinakamalaking posibleng tubo. Taliwas sa naunang kontrata noong 1997 na pagbawi sa kapital sa loob ng 25 taon, pilit itong kinukuha ng Maynilad at MWCI sa loob lamang ng limang taon. Sa bagong kasunduan, pinayagang maningil ang dalawang konsesyuner ng mga bayaring (1) accelerated-extraordinary price adjustment (AEPA); (2) foreign currency differential adjustment (FCDA); at (3) special transitory mechanism(STM). Inumpisahang maningil ng AEPA noong 2001 sa halagang P1 kada metro kubiko ng tubig na kasama sa basic charge. Tinatayang nakakakolekta ang Maynilad ng mahigit P2.6 bilyon mula sa AEPA. Ang FCDA ay isang mekanismo para sa awtomatik na pagbabago sa presyo depende sa pagbagsak o pagtaas ng halaga ng piso kontra sa dolyar. Ito rin ang ginagamit na mekanismo kapwa ng NAPOCOR at PLDT upang ipasa sa kanilang mga konsyumer ang madalas nilang pagkalugi dahil sa pabagu-bagong halaga ng piso. Ang automatic price adjustment ng FCDA ay dagdag sa CERA na nakapako sa isang pirmeng halaga.
Nag-umpisa ngayong taon ang koleksyon ng FCDA na katumbas ng 35.73% ng basic charge ng Maynilad at 49.6% sa MWCI. Ang STM ay sinimulang singilin noong Hulyo 2002. Bukod rito, marami pang ibang sinisingil ang Maynilad. (Tingnan ang sampol billing statement.)Ang lahat ng dagdag na bayarin ay walang kaugnayan sa kinokonsumong tubig. Sa kabila ng sunud-sunod na pagtaas ng mga bayarin ay nananatiling bulok ang serbisyo ng Maynilad: hindi ligtas na inumin ang tubig sa lahat ng pagkakataon, hindi 24 oras ang pagdating ng tubig sa mga konsyumer at halos bawat buwan ay may mga araw na sunud-sunod na tuyo ang mga tubo ng tubig. Marami ring kaso na naniningil ang Maynilad kahit wala pa ni isang patak ng tubig sa gripo ng mga nakapagbayad na para sa pagpapakabit ng serbisyo. ![]()
| ||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|