Pahayag hinggil sa Visiting Forces Agreementni Gregorio "Ka Roger" Rosal Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas 25 Mayo 1999
Iisa lamang ang dapat na tugon kapag naratipikahan ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pamamagitan ng pagsasabwatan ng Malakanyang at Senado: ang lalong pagpapaigting ng armadong pakikibaka, mga protesta at pakikibakang masa at iba pang anyo ng pakikibaka para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.
Ang VFA ay walang pakundangang paglapastangan sa pambansang soberanya at kapakanan. Tungkulin ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa at lahat ng tunay na Pilipino na ubos-kayang labanan ito.
Bukod pa, isasadlak nito ang bansa sa kahiya-hiya at kasumpa-sumpang katayuan ng instrumento ng imperyalistang patakaran, pananalakay at pananakop sa Asya at Pasipiko.
Kaya ang ratipikasyon nito ay deklarasyon ng GRP, ng rehimeng Estrada laluna, ng lubos na kawalan ng interes na lutasin ang mga saligang suliranin ng bayan at ang mga saligang ugat ng digmaang sibil sa bansa sa balangkas ng mga prinsipyo ng pambansang soberanya, demokrasya at hustisyang panlipunan.
Kaya ang ratipikasyon nito ay paglalagay ng isa na namang balakid sa pagkakamit ng tunay, matagalan, makatarungan at mapagpalayang kapayapaan sa bansa.
Sa gayon, wasto lamang at matatag na sinusuportahan ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan ang deklarasyon ng NDF na ideklara ang pagtatapos ng negosasyong pangkapayapaan ng GRP at NDFP kapag niratipikahan ng Senado ang Visiting Forces Agreement.
Alinsunod rito, taimtim na nangangako ang Partido at BHB na lalong ibubuhos ang buong lakas nito para paigtingin ang digmang bayan at papanagutin ang mga reaksyunaryo at tuta ng imperyalismo sa kanilang kataksilan sa bayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|