Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas
Panayam kay Ka Roger

 Read this article in English

Binisita ng Ang Bayan (AB) noong kalagitnaan ng Hunyo si Ka Roger, pambansang tagapagsalita ng Partido. Ibinahagi niya sa mahigit dalawang oras na interbyu ang kanyang mga pananaw hinggil sa maiinit na usaping pambansa. Sa bahagi ng interbyu na inilalathala natin ngayon, tinalakay ni Ka Roger ang patuloy na pinaiigting na digmang anti-Moro at ang kahihinatnang pagkabigo ng rehimeng US-Estrada rito. Ilalabas ng AB ang buong interbyu sa isang nalalapit na espesyal na isyu.

AB: Patuloy na pinaiigting ng rehimeng USEstrada ang digma nito laban sa MILF alinsunod sa Hunyong dedlayn na itinakda nito. Anong pananaw mo rito at sa mga pangyayari sa Mindanao sa pangkalahatan?

KR: Unang-una, ang rehimen ni Estrada sapul nang umupo ay iyan na ang pinaghahandaan. Halos kauupo pa lamang niya, ay ipinatupad na ni Estrada ang Oplan Makabayan na naglalayong durugin ang lahat ng mga grupong lumalaban sa kanya, pangunahin ang Partido, BHB, NDFP at ang MILF.

Kung may Oplan Makabayan na inilulunsad laban sa Partido at BHB, sa MILF ay mayroon namang Oplan Pisces-Alpha. Dahil bigo ang Oplan Makabayan, papalitan naman ito ng Oplan Balangay. Pero anumang itawag niya sa oplan na iyan, ang esensya ay ang pagsisikap ng reaksyunaryong gubyerno na konsolidahin ang lahat ng mga ahensya nito, imaksimisa ang pagtutulungan ng mga ito sa layuning durugin ang anumang pwersang lumalaban sa rehimen.

Subalit gaano man ang gawing pagsisikap ng rehimeng Estrada, palaging mabibigo ito. Sa halip na madurog ang mga rebolusyonaryong kilusan, lalo lamang lalakas ang mga ito.

Ganyan din ang mangyayari sa Mindanao, sa kabila ng paghahambog ng rehimen na dudurugin nito ang MILF pagkatapos ng kanyang ultimatum na June 30. Mabubulaga na lamang ang rehimeng ito na sa halip na madurog ang MILF ay lalo itong lalakas at lalong lalawak sapagkat maoobliga itong gumamit ng taktikang gerilya. Kung gayon, lalong lalawak ang mga labanan sa buong Mindanao. Sa Kabisayaan at Luzon naman ay pagsisikapan ng BHB na patindihin ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Kaya lalamunin ng rehimen ang mga salita nito.

AB: Anong masasabi mo tungkol sa Al Harakatul Islamiya o Abu Sayyaf Group, sa kanilang mga aktibidad at sa pakikipagharap sa kanila ng gubyernong Estrada?

KR: Tulad ng nalalaman nating lahat, itong grupo ng Abu Sayyaf ay wala namang ipinaglalabang ideolohiya. Naglulunsad lamang ito ng iba�t ibang mga kriminal na aktibidad. Alam ng marami na ang nagpasimuno naman ng pagtatayo nito ay walang iba kundi ang gubyerno rin mismo sa layuning paghati-hatiin ang MNLF noong hindi pa ito sumusuko. Pero ngayon, nawala na sa kontrol ng gubyerno ang Abu Sayyaf. Nagwawala na, o sabi nga�y nasisiraan na ng ulo itong mga taong ito, na nakikita sa paglulunsad nila ng mga panghuhuli ng mga sibilyan at pagpapatubos sa mga ito.

Pero sa pakikitungo rito ng rehimeng US-Estrada, lumalabas na mas sira ang ulo ng gubyerno dahil sa pagpatol nila rito. Ikumpara natin ito sa kanilang machong paninindigan at pagtatraydor sa usapang pangkapayapaan sa NDF at MILF.

Ngayon naman ay pinagtatawanan sila ng daigdig. Bahag ang buntot nila sa pakikipagharap sa ginawang pangho-hostage nitong Abu Sayyaf dahil naman sa presyur ng mga bansang pinanggalingan nitong mga bihag na nagbibigay ng babala kay Estrada na huwag bastabasta hahakbang nang magsasapanganib sa buhay ng mga hostage.

Nakikita natin ngayon na walang direksyon, walang hinaharap ang negosasyon sa Abu Sayyaf. Kaya mismong �yung mga bansang pinanggalingan nitong mga bihag ay naiinip na at hindi na rin mapakali. Kitang-kita nila na walang kakayahan itong rehimeng Estrada na mabawi itong mga bihag at wala rin namang kakayahang gumawa ng iba pang mga hakbang. Kahit na doon sa ipinaghahambog ng rehimen na maglulunsad ng operasyong militar laban dito sa Abu Sayyaf ay halata namang wala rin silang ibubuga. Kaya napasubo sa isang napakahirap na sitwasyon ang rehimeng Estrada dahilan na rin sa sarili nitong kagagawan.

AB: Ano ang iyong masasabi hinggil sa mga nagaganap na pambobomba na diumano�y gawa ng mga �rebelde�?

KR: Hinding-hindi iyan maaaring gawin ng mga rebolusyonaryo lalung-lalo na ng BHB sapagkat mahigpit na ipinagbabawal ng prinsipyo at mga alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan na gumawa ng anumang pinsala sa karaniwang mamamayan o sa mga sibilyan. Kung ang BHB ang magpapasabog, ang tatargetin nito ay ang mga instalasyong militar at iba pang instalasyon ng gubyerno upang ang tuwirang mapinsala ay ang makinarya ng reaksyunaryong gubyerno at hindi ang mga inosenteng sibilyan.

Tungkol sa hinuling 26 na Moro na pinagbibintangang MILF at nagsagawa ng mga pambobomba, wala namang masyadong naniniwala sa propagandang ito. Kung mababalikan natin ang track record ni Hen. Panfilo Lacson at ng kanyang Presidential Anti-Organized Crime Task Force, ito ang espesyalidad ng grupong ito� manghuli ng kung sino, pagkatapos ay pagbintangang ito na ang may kagagawan ng mga krimeng gusto nilang ibintang.

Pero hanggang ngayon ay wala pa rin silang napatutunayan at habang lumilipas ang mga araw ay lumilinaw na ang mga taong hinuli ay mga inosenteng sibilyan na tinaniman ng ebidensya.

AB: Ano ang layunin nila rito?

KR: Malinaw na ang mga pambobomba ay kagagawan ng mga kabig ni Mr.Estrada upang lumikha ng senaryo katulad ng nilikha ni Marcos nung 1972. Kung sinusubaybayan natin ang mga balita, mayroon nang mga nahuli sa Zamboanga na mga myembro ng AFP at ng PNP na may dala-dalang mga pampasabog. Ganyang-ganyan din noong 1972 bago ideklara ni Marcos ang batas militar. Iyong mga pagpapasabog na ibinibintang noon sa BHB, lumitaw sa pagsisiyasat ng AFP na may mga presong pinakawalan sa Muntinlupa upang utusang magpasabog sa Kamaynilaan. Pagkatapos ay ibinintang ito sa BHB noon.

AB: Idinidiin talaga ng PNP ang 26 na hinuli. Naganap kamakailan �yung rub-out ng PNP sa dalawang Moro sa Quiapo na diumano�y mga kumander ng MILF at nabalita ang paglapastangan sa mosque sa Kampo Bushra sa Lanao na inatake ng AFP.

KR: Halatang may layunin din silang pag-alabin ang damdamin ng mga mamamayang Muslim laban sa mga Kristyano. Ginagamit din ang masmidya para isising lahat sa mga Moro ang mga pangingidnap at iba pa at pinagdidikit ang isang rebolusyonaryong organisasyon tulad ng MILF at isang sindikatong kriminal na katulad ng Abu Sayyaf upang galitin mismo ang mga mamamayang di-Moro laban sa mga Moro. May ilang pagkakataon din na may mga simbahan sa Mindanao na pinasabugan tulad ng katedral sa Jolo, �yung isang simbahan sa Davao Oriental at isa rin sa lunsod ng Davao.

Ang gusto talagang mangyari ay magkaroon ng kulay ng relihiyon ang labanan sa Mindanao. Pinipilit nilang ilihis ang atensyon sa tunay na mga usapin�ang pagsasamantala o ang kabulukan ng gubyernong Estrada, ang kawalan nito ng kakayahang tugunan ang interes ng mamamayan sa Mindanao maging ito�y mga Muslim o Kristyano.

 


Previous articleBack to topNext article

06 Mayo 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang digmang anti-Moro ng rehimeng US-Estrada!

Bangis ng digmang anti-Moro
Paglulustay ng rekurso sa digmang anti-Moro
Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas
Panayam kay Ka Roger
Todo-todong pagsasakatuparan ng mga imperyalistang dikta sa ekonomya
Gula-gulanit na lambat pangkaligtasan
Sa kilusang manggagawa
Umiigting na mga pakikibakang masa

Lumulubhang pang-aapi at panunupil sa kabataan estudyante
Mensahe ni Ka Roger para kay Jenina Buan
Kautusan para sa pagpapalaya sa bihag ng digma, pinawalambisa ng NDFP
Patuloy na istagnasyon ng ekonomya ng Japan
Balita
Mga pakikibakang masa sa Timog Katagalugan, sumusulong

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.