Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pagsasanib ng mga dambuhalang kumpanya:
Mas malaking tubo, mas masahol na pagsasamantala

 Read this article in English

Tatatlong dambuhalang kumpanya ng langis na lamang ang dating "seven sisters" noong dekada 1970. Dadalawang kumpanya na lamang ang gumagawa ng malalaking eroplanong komersyal. Lalabing-isa na lamang ang dati'y 40 nagsasariling tagagawa ng kotse.

Patuloy ang pagliit ng bilang ng mga dominanteng kumpanya sa iba't ibang industriya sa daigdig. Papabilis ang pagsasanib at paglalamunan ng mga kumpanya at ang konsentrasyon ng kapital sa papaliit na bilang ng mga monopolista sa buong mundo.

Natatangi ang dagsaang pagsasanib ng mga kumpanya mula 1995. Aabot sa 85% ng pandaigdigang pamumuhunan mula noon ay pumasok sa mga pagsasanib na ito. Tumampok ang taong 1999 kung kailan naganap ang mahigit 32,000 pagsasanib na nagkahalaga ng $3.4 trilyon. Triple ito ng bilang ng mga pagsasanib noong 1989 at mahigit 30 doble ng naitala noong 1981.

Tawid-bansang mga pagsasanib. Nilalamon ng malalaki't makapangyarihang kumpanya hindi lamang ang iba pang kumpanya sa loob ng baseng bansa nito kundi pati na rin yaong nasa ibang bayan. Katunayan, ang pag-iibayo ng konsentrasyon at sentralisasyon ng kapital sa internasyunal na antas ay pinakamalinaw na makikita sa natatanging antas na inabot ng pagsasanib ng mga kumpanya sa magkakaibang bansa. Mula huling bahagi ng dekada 1980, ang mga tawid-bansang pagsasanib na ito ang pangunahing naging daluyan ng tuwirang dayuhang pamumuhunan. Ibig sabihin, malaking bahagi ng daloy ng kapital sa mundo ay napupunta lamang sa pagpapalit ng pagmamay-ari sa dati nang mga negosyo at empresa. Kalakhan ng sinasabing tuwirang pamumuhunan sa nagdaang mga taon ay hindi tumutungo sa pagtatayo ng mga bagong pabrika at imprastrakturang industriyal.

Mula dekada 1980, ang halaga ng mga tawid-bansang pagsasanib ay halos dumoble tungong $1.1 trilyon sa pagtatapos ng dekada 1990. Samantalang noong maagang bahagi ng dekada 1980 ay hindi umaabot sa 20% ng kabuuan ang halaga ng ganitong mga pagsasanib, ngayon ay bumubuo na ito ng 33%.

Mga kumpanya sa Western Europe at North America ang pinakaaktibo sa gayong mga pagsasanib. Kabilang naman sa mga pinakakinatatakaman nila ang mga empresa sa mga atrasadong bansa laluna nang ipatupad ang mga patakarang deregulasyon, pribatisasyon at deregulasyon.

Ang dagsaang mga pagsasanib na ito ay nangangahulugan din ng pag-iibayo pa ng kapangyarihan ng malalaking korporasyong transnasyunal. Humigit-kumulang sangkatlo (1/3) na ngayon ng pandaigdigang kalakalan ay intra-firm o nagaganap sa pagitan ng mga kumpanyang pawang pag-aari ng parehong korporasyong transnasyunal. Klasikong halimbawa ng kapangyarihang dulot ng kalakalang intra-firm ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo kailanma't naisin ng mga kumpanya ng langis.

Sa pagsasanib, nadodomina ng mga korporasyong transnasyunal ang mga panloob na pamilihan ng maraming bansa sa pamamagitan ng ibayong paglawak ng kanilang lambat ng mga lokal na planta at tanggapan. Noong 1998, kumita ng $11 trilyon ang mga transnasyunal na ito mula sa kanilang mga subsidyaryo sa iba't ibang bansa. Nakalulula ito kung ihahambing sa $6.7 trilyon lamang na kabuuang halaga ng mga eksport ng lahat ng bansa noong taong iyon!

Hagupit sa proletaryado. Ang wala pang kaparis na pagragasa ng mga pagsasanib ng mga monopolyong kumpanya ay tanda ng katindihan ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Habang sumasahol ang krisis, maraming kumpanya ang humihina at napapawi sa kumpetisyon, at kundi man tuluyang bumagsak ay nilalamon ng mas malalaki.

Sa prosesong ito, pinakamatinding tinatamaan ang mga manggagawa ng mga kumpanyang nagsasanib. Ang pagsasanib ay paraan ng mga monopolyong kapitalista para makapagbawas ng manggagawa habang napalalawak naman ang saklaw ng operasyon ng kumpanya upang palakihin pang lalo ang kanilang tubo. Sa pagsasanib ng Daimler-Benz at Chrysler, halimbawa, tinatayang $25 milyon ang matitipid ng kumpanya sa pagsasara ng ilan nilang planta.

Nasasamantala rin ng isang kumpanya ang mas murang lakas-paggawa sa baseng bansa ng kumpanyang nabibili o nilalamon nito. Kaya kasabay ng pagkawala ng trabaho ng milyun-milyong manggagawa, nasasabak naman sa mas masasahol na kundisyon ng pagsasamantalang kapitalista ang mga hindi nasisisante.

Sa kabilang banda, papalaki ring bilang ng mga manggagawa ang napag-uugnay-ugnay ng mga pagsasanib. Kasabay ng ibayong sentralisasyon ng kapital, nag-iibayo rin ang sosyalisasyon ng paggawa sa pandaigdigang antas.

Ang lalo pang pagbwelo ng mga imperyalistang pagsasanib ay salik sa pag-igting ng mga saligang kontradiksyon ng sistemang kapitalista. Mainam ang kalagayan para sa pagpapanibagong-lakas ng rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado sa buong daigdig.

Ang dating "seven sisters"Kasalukuyang katayuanMarket Value (1999)
1. ExxonBinili ng Exxon ang Mobil sa halagang $80 bilyon noong 1998. Ang Exxon-Mobil ang nagungunang kumpanya ng langis ngayon.$244 bilyon
2. Royal Dutch ShellIto ngayon ang pangatlong pinakamalaking kumpanya ng langis.$177.5 bilyon
3. TexacoNabili ng Chevron noong 2000 sa halagang $43 bilyon. Chevron-Texaco na ang pangalan ng kumpanya.Chevron: $56.7 bilyon
Texaco: $29.7 bilyon
4. Gulf OilNabili ng Standard Oil noong 1984.
5. MobilNabili ng Exxon noong 1998.
6. British Petroleum (BP)Nabili nito noong 1998 at 1999 ang Amoco at Arco, mga Amerikanong kumpanya. Nabuo ang BP-Amoco na ngayo'y pumapangalawang dambuhala sa langis.$184 bilyon
7. Standard Oil (Socal)Tinawag na Chevron matapos ang pagsasanib sa Gulf Oil.
Ang kumpanyang Total Fina-Elf Aquitaine na nabuo sa pagsasanib ng dalawang kumpanyang French ang pang-apat na pinakamalaking kumpanya ng langis ngayon.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Pebrero 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Biguin ang malulupit na anti-mamamayang hagupit ng rehimeng US-Arroyo

Pagtaas ng VAT, inuulan ng batikos
Malakihang pagmimina: Paglapastangan sa pambansang soberanya at patrimonya
Pagmimina sa Central Luzon
Mga Ulat Koresponsal:
General Victor Corpus: Malaking manloloko

Mga Ulat Koresponsal:
Rebolusyonaryong patakaran sa Panay hinggil sa kapaligiran

Pagsasanib ng mga dambuhalang kumpanya:
Mas malaking tubo, mas masahol na pagsasamantala
Sa Ibayong Dagat:
Di masusupil ang Maoismo sa China

Sa Ibayong Dagat:
Pagpapalaya sa Auschwitz, ginunita

Sa Ibayong Dagat:
Pagbubuo ng estadong papet ng US sa Iraq

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.