Kilusang masa laban sa pagtotroso sa Aurora
Noong 1995, lubusang ipinagbawal ng rebolusyonaryong kilusan sa Aurora ang lahat ng komersyal na pagtotroso at maging ang pag-eeksport ng mga troso. Ginawa ito dahil sa buong Central Luzon, ang Aurora na lamang ang may makapal-kapal pang kagubatan. Ang tanging pinahintulutan ay ang pagpuputol ng kahoy na gagamitin para sa paggawa ng bahay, mwebles, mga paaralan at iba pang pangangailangan ng komunidad. Napatigil din noong 1995 sa pamamagitan ng mga pagkilos ng masa ang operasyon ng Kasibu Company, isang kumpanya ng troso na nagkaroon din ng konsesyon sa Isabela at Nueva Vizcaya. Itinigil na rin mula noon ang paniningil ng rebolusyonaryong buwis sa mga kumpanya ng troso.
Subalit matapos ang kalahating taon, napagtantong masyadong �kaliwa� ang patakarang �total logging ban� dahil ang karaniwang tinatamaan nito ay ang maliliit na magtotroso at iba pang mamamayan sa loob ng mga sonang gerilya na umaasa sa pagtotroso para mabuhay. Kadalasan din, hindi magalaw ang malalaking kumpanya ng trosong nag-oopereyt sa labas ng mga sona.
Sa gayon, taliwas ang patakaran sa makauring linya dahil sa aktwal, ang napupuruhan ay hindi yaong mga mapagsamantalang uri kundi mga uring pinagsasamantalahan.
Sa kanilang pagwawasto, binigyang-diin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang malawakang kampanyang edukasyon, paghikayat sa masa na bumalik sa pagsasaka at pagpapatupad ng iba�t ibang anyo ng kooperasyon sa agrikultura.
Pagkilala ito sa katotohanan na hangga�t walang alternatibong ikabubuhay ang mga maralitang napipilitang kumabit sa malalaking kumpanya ng troso, hindi magtatagumpay at hindi magiging makatwiran ang absolutong pagbabawal sa komersyal na pagtotroso.
Dahil hindi pa lubusang mapawi ang pagtotroso, at para maibsan ang pagsasamantala ng malalaking kumpanya ng troso sa maliliit na magkakahoy, inoorganisa ang mamamayan para maipaglaban nila ang mas makatarungang bayad para sa kahoy na ipinagbibili nila sa mga dambuhalang kumpanya ng troso. Gayunpaman, inoobliga ang mga kainginero at maliliit na magkakahoy na magtanim ng mga durableng kahoy, mga punong namumunga at niyog para mapalitan ang pinuputol nilang mga puno.
Ipinatutupad ang kampanyang ito sa lahat ng sonang gerilya sa buong prubinsya.
|