Paramihin ang Pulang mandirigmang kababaihan
Ang malawakang paglahok ng kababaihan sa armadong rebolusyon ay isa sa mga malaking tagumpay ng Partido Komunista sa kilusan para sa pagpapalaya ng kababaihan sa Pilipinas. Mula sa pagkakatali ng mga babae sa gawaing pambahay at pagkabilanggo nila sa mga pyudal at burges na kaisipang nagmamaliit sa kanila, ang kababaihan ay binibigyan ng puwang at pagkakataon na lumahok sa pakikibaka para sa pagpapalaya ng sambayanan at para sa sariling pagpapalaya.
Napakahalaga ng paglahok ng kababaihan sa armadong rebolusyon. Kaya't mariing ipinananawagan ng Partido na paramihin ang bilang ng kababaihang mandirigma at tiyaking nahihikayat at nabibigyan sila ng pagkakataon na gumampan ng papabigat at papataas na mga responsibilidad sa hukbong bayan bilang mga mandirigma at upisyal. Isa ito sa mga importanteng panawagan para sa pagpapalakas ng Bagong Hukbong Bayan at pagpapaigting ng digmang bayan.
Ang maramihang paglahok ng mga babae sa armadong pakikibaka at paggampan nila ng mahahalagang tungkulin sa BHB ay nagpapakita na ang BHB ay isang tunay na hukbo ng bayan. Sa pamamagitan ng mga mandirigmang babae, mas epektibong napupukaw at nahihikayat ng BHB ang pagkilos ng kababaihan. Ang mga Pulang mandirigmang babae ay nagsisilbing huwaran at inspirasyon para sa masang kababaihan, at maging sa masang kalalakihan.
Kinikilala ng Partido at ng BHB ang pantay na karapatan ng mga babae at lalaki sa anumang larangan ng pagkilos at pakikibaka. Sa loob ng hukbong bayan, pinaiiral ang mahigpit na pagtutulungan ng mga mandirigmang babae at lalaki. Kaalinsabay nito, kinikilala ng BHB ang mga partikular na pangangailangan ng mga kababaihan at gumagawa ito ng mga kinakailangang hakbangin upang hikayatin ang tuluy-tuloy nilang paglahok at pag-unlad sa larangan ng armadong rebolusyon.
Bilang pagkilala sa natatanging ambag ng kababaihang mandirigma sa armadong pakikibaka, inilalathala ng Ang Bayan ang mga kwento at karanasan nina Ka Elena, Ka Jiji at Ka Alex�mga babaeng mandirigma ng hukbong bayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|