Isa pang taong krisis at paghihirap... Ipaglaban ang kagalingang pang-ekonomya ng mamamayan!Higit sa anupaman, ang paghihirap ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang aping uri at sektor ang nakapagbibigay ng pinakaseksaktong larawan ng tunay na kalagayan ng ekonomya ng bansa. Sa nakalipas na isang taon sa ilalim ng gubyernong Estrada, malinaw na nalantad ang kahungkagan ng islogang "Erap para sa Mahirap" nang iminwestra ni Estrada ang katapatan nito, hindi sa mamamayang Pilipino kundi sa malalaking kapitalistang dayuhan, malalaking burges kumprador at mga panginoong maylupa.
Ang bagsak na ngang katayuang pang-ekonomya ng mamamayan ay lalong lumalala dulot ng mga makadayuhang patakaran ng rehimeng Estrada. Nagpapatuloy ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa at sa halip ay isinasakatuparan ng gubyernong Estrada ang mga iskemang lalong nagpapahigpit sa monopolyong kontrol sa lupa ng malalaking panginoong maylupa. Sa kabila ng malawakang panawagan para itaas ang minimum na sahod ng mga manggagawa, hinarang ito ni Estrada nitong Mayo 1 at sinabing magtiis na lamang daw muna.
![](../../angbayan/images/990506/laban.gif)
Tuluy-tuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin, pangunahin na ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina dulot ng batas sa deregulasyon. Dahil sa pagbibigay-prayoridad sa pagbabayad utang, nangabubulok ang mga serbisyong panlipunan kabilang na ang serbisyong medikal at edukasyon.
Ang patuloy na bumabagsak na kabuhayan ng mamamayan ay nag-uudyok ng mga malawakang pakikibaka upang ipagtanggol ang kanilang kapakanan. Responsibilidad ng Partido na himukin ang masang anakpawis na buuin ang pinakamasaklaw na pagkakaisa at militanteng manindigan upang epektibong maipaglaban ang kanilang mga interes pangekonomya. Ibinubukas ng sitwasyong ito sa Partido ang pagkakataon at responsibilidad na itaas ang anti-imperyalistang kamulatan ng mamamayan at ikawing ang pakikibakang pangekonomya sa kabuuang rebolusyonaryong pakikibaka.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|