Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Trimedia conference, idinaos sa Mindanao

Pinarangalan ng National Democratic Front-Mindanao (NDF-Mindanao) ang midya sa pahayagan, radyo at telebisyon sa isang pampublikong pagtitipon na ginanap sa isang larangang gerilya noong Enero 6. Dumalo ang mahigit 50 kagawad ng midya at ilang pulitiko.

Sa umaga inilunsad ang programa kung saan nagpugay si Jorge "Ka Oris" Madlos, tagapagsalita ng NDF-Mindanao,

sa mahalagang papel na ginagampanan ng midya sa lipunan. Pinangunahan ng Red Limaong Platoon ang mga presentasyong pangkultura sa programa.

Isang konsultasyon ang ginanap noong hapon sa pagitan ng mga rebolusyonaryong pwersa sa isla at mga inimbitahang tagamidya at pulitiko. Uminog ang pag-uusap sa kahilingan ng mga pulitiko na palawigin ang itinakdang tigil-putukan ng NDFP. Ngunit tinanggihan ito ng NDFP-Mindanao alinsunod sa pagtanggi ng pambansang liderato ng NDFP.

Sa hapon ding iyon, naglunsad ng media conference kung saan tinalakay ni Ka Oris ang mga usaping kinakaharap ngayon ng rebolusyonaryong kilusan.

Mahigit 2,000 katao ang nagtipon para sa aktibidad, kabilang ang masa sa sonang gerilyang pinagdausan nito. Isang kumpanya ng BHB ang lumahok mismo sa aktibidad habang isa pa ang nagsilbing pwersang panseguridad. Tiniyak din ng NDFP ang maayos na pakikipag-ugnayan ng midya sa kanilang mga upisina, kabilang dito ang paglalaan ng mga cellphone para sa kanilang gamit.

Sa araw ding ito, idinaos ang pinagsanib na media conference nina Gregorio "Ka Roger" Rosal, pambansang tagapagsalita ng PKP at Simon "Ka Filiw" Naogsan, tagapagsalita ng CPDF, sa isang larangang gerilya sa Mt. Province.

Mga manggagawa sa RFM, nagwelga

NAGWELGA kamakailan ang mahigit 200 manggagawa ng Republic Flour Mills (RFM) pagkatapos mabigo ang negosasyon sa pagitan ng maneydsment at unyon para sa huling dalawang taon ng kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA).

Tumangging magbigay ng makatarungang alok ang RFM. Hanggang P12 lamang ang gusto nitong idagdag sa sahod sa loob ng dalawang taon samantalang sa huling CBA ay nakapaglaan ito ng P72 dagdag sa sahod.

Binatikos ng mga manggagawa ang kasinungalingan ng RFM na hindi nito kayang magbigay ng dagdag na sahod dahil lugi umano ang kumpanya. Katunayan, ang RFM na pangalawang pinakamalaking kalipunan ng mga produktong pagkain at inumin sa bansa ay kumita ng P10 bilyon noong 2001. Kabilang sa mga produkto ng RFM ay White King (mga produktong nakabatay sa arina), Selecta (ice cream), Swift (mga produktong karne), Little Ceasar's (pizza), Sunkist (juice) at Selecta Moo (gatas).

Piso, muling bumagsak

MULI na namang bumagsak sa pinakamababang antas ang piso. Nagsara nitong Pebrero 3 ang palitan ng piso sa P56.20 laban sa dolyar. Isinisisi ng mga ekonomista ang pagbagsak sa mga bantang kudeta at iba pang usaping elektoral, samantalang sintomas lamang ito ng mabuway at batbat sa krisis na ekonomya. Tinatayang aabot pa ang palitan tungong P60=$1 bago matapos ang taong 2004.

Sa harap nito, nagbabala ang Standard Chartered Bank (SCB), isa sa mga dayuhang bangko na nasa bansa, na posibleng humantong ang Pilipinas sa pinansyal na krisis na katulad sa dinanas ng Argentina noong 2001.

Ang maramihang paglikas noon ng mga dayuhang kapitalista sa Argentina dala ang kanilang puhunan ang nagbunsod sa kakulangan ng suplay ng dolyar, pagkalugi ng maraming negosyo at pagsasara ng mga bangko.

Tinukoy ng SCB ang pagbagsak ng nakolektang buwis nang 15% sa 2003 at ang kaliwa�t kanang pangungutang ng rehimen upang punan ang dambuhalang depisit sa badyet. Tinatantya nitong mahigit 50% ng kabuuang depisit ay tinutustusan ng pangungutang. Noong nakaraang taon, umabot sa P199.86 bilyon ang depisit ng gubyerno.

Maging ang Bangko Sentral ng Pilipinas ay sumasang-ayon sa pagtatasa ng SCB sa pinansyal na katayuan ng bansa.

Pakikibaka laban sa imperyalistang gera, pinagtibay sa Bombay, India

Ibayong pinagtibay ng mga aktibista ang pakikibaka laban sa imperyalistang gera at militarismo sa mundo sa pagtatapos ng limang araw na World Social Forum (WSF) sa Mumbai, lunsod ng Bombay sa kanlurang India noong Enero 21.

Sinimulan ang anti-globalisasyong pulong noong Enero 16 kung saan nagtipon ang may 100,000 delegado mula sa iba't ibang bansa. Pagkatapos maglaan ng araw sa paglalahad ng at diskusyon sa kalagayan ng pandaigdigang kalakalan ng US, mga dambuhalang negosyo at dayuhang utang, simula Enero 18 ay tinalakay sa WSF ang tungkol sa kilusan laban sa imperyalistang gera at militarismo. Partikular na tinutukan nila ang mga gerang pinamumunuan ng gubyernong US. Kinoordina at pinag-ugnay-ugnay ng WSF ang mga kilusan sa bawat bayan at bansa laban sa imperyalistang gera at para sa kapayapaan.

Rebolusyonaryong gubyerno, itinatag sa Timog Nepal

ITINATAG kamakailan lang ng mamamayang Magar ang isang rebolusyonaryong gubyerno sa katimugang bahagi ng bansang Nepal sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Nepal (Maoista). Ayon sa kanilang upisyal na website, Krishnasen Sambad Samiti, mahigit 75,000 katao ang dumalo sa seremonya ng pagtatatag sa Thawang, isang baryo sa distritong Rolpha. Sa araw na iyon, napuno ng mga pulang bandila ang kabundukan ng Rolpha.

Bago ito, ang mga kinatawan mula sa iba't ibang lugar ng rehiyon ay naglunsad ng isang kumbensyon sa baryo ng Thawang. Sa baryong ito sinimulan noong 1996 ang digmang bayan at siya ngayong tumatayong sentro de grabidad ng Maoistang rebolusyonaryong kilusan sa Nepal.

Matagumpay na napangibabawan ng mamamayan ang matitinding karahasang militar ng gubyernong Nepali at matatag na isinulong ang rebolusyonaryong pakikibaka sa Nepal.

50,000 nagwelga sa mga pagawaan ng metal sa Germany

DALAWANG araw na tumigil ang produksyon ng metal sa anim na estado ng Germany nang magwelga ang mahigit 50,000 manggagawa rito. Iginiit nilang itaas ang kanilang sahod nang 4%. Nilalabanan din nila ang plano ng mga kapitalista na pahabain ang oras ng pagtatrabaho nang walang kapalit na pagtaas ng sahod.

Pinamunuan ng unyong IG Metall ang welga na nagsimula noong Enero 29 sa timog kanlurang Baden-Wuerttemberg kung saan may 32,000 manggagawa ang kumilos. Sumunod ang iba pang trabahador sa limang estado ng Germany.

Hanggang Pebrero 1 apektado pa rin ang produksyon ng dalawang kumpanyang lumilikha ng mga kotseng Daimler-Chrysler at Audi, ang ZF na tagasuplay ng mga baha-bahagi ng kotse, ang kumpanyang Bosch at isang yunit pang-enerhiya ng kumpanyang Siemens.

Paghandaan at pag-ibayuhin ang propaganda para sa ika-35 anibersaryo ng BHB

PARA sa pagdiriwang ng nalalapit na ika-35 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan at paghahanda para rito, pinapanawagan sa lahat ng mga yunit ng Partido, BHB at rebolusyonaryong organisasyong masa ang pag-iibayo ng ating propagandang nagtatanghal sa BHB bilang tunay na hukbo ng bayan.

Maglunsad tayo ng iba't ibang aktibidad at proyekto para palaganapin ang temang "BHB: Tunay na Hukbo ng Bayan." Tutukan natin ang paglalarawan ng mga gawain ng BHB na nagpapakita kung papaano ito puspusang naglilingkod at malalim na nakalubog sa masa at kung papaano ito inaaruga at sinusuportahan ng masa. Ipakita rin na ang mga tagumpay na nakamit ng mamamayan ay sa pamamagitan ng kanilang organisadong pagsisikap at pagpapataas ng rebolusyonaryong kamulatan.

Gamitin natin ang iba't ibang paraan at anyo ng propaganda, kghvjklabilang na ang mga paraan at anyong malawakang maipalalaganap at makaaabot, tulad halimbawa ng mga pahayag na ipinalalaganap sa radyo at dyaryo, mga polyeto, mga poster, mga libro, mga bidyo dokumentaryo at iba pa. Ngayon pa ma'y nananawagan na para rito upang mapaghandaan na ang mga kinakailangang materyales at kasangkapan.

 


Previous articleBack to top 

07 Pebrero 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Militarisasyon sa Mindoro, militanteng nilalabanan

Pagtindi ng militarisasyon at mga paglabag sa karapatang-tao
Mga pagbati sa ika-35 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas
Matatagumpay na Taktikal na Opensiba
Sa iba�t ibang dako ng bansa...

Patuloy na kumukulo ang disgusto sa loob ng AFP
Philippine Revolution Web Central
Internet: Bagong larangan ng propaganda

Rehimeng Bush, di na maitanggi na walang WMD sa Iraq
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.