Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sa ilalim ng VFA:
Ibayong imperyalistang panghihimasok

 Read this article in English

Mahigit nang isang taon sapul nang pinagtibay ng reaksyunaryong senado ang Visiting Forces Agreement (VFA). Sa pamamagitan nito at ng iba pang kasunduang militar, patuloy na binibigyan ng US ng suportang estratehiko, lohistiko, paniktik at moral ang reaksyunaryong AFP. Nais ng imperyalismong US na tiyaking maaasahan ang tutang sandatahang lakas na supilin ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, pangalagaan ang sabwatang paghahari ng US at lokal na reaksyunaryong uri sa bansa at maging epektibong instrumento ang AFP sa pagtataguyod ng interes ng US sa rehiyong Asia-Pacific.

Matingkad na mga palatandaan ng papalakas na presensya at aktibidad ng militar ng US sa iba't ibang dako ng bansa ang sumusunod na mga pagsasanay-militar na idinaos ngayong taon pagkatapos ng Balikatan 2000 noong Enero-Marso:

COOPERATION AFLOAT READINESS AND TRAINING O CARAT 2000. Ang CARAT na unang-unang inilunsad dito sa Pilipinas (Fort Magsaysay, Nueva Ecija) noong Hunyo ay may layuning pahigpitin ang tulungan sa pagitan ng Marine Corps ng US at ng Pilipinas na "balang araw ay magkatuwang na lalaban sa isang larangan ng digma" at sanayin ang mga tropa sa mga taktika at pamamaraan sa pagpatrulya, squad and platoon small arms live fire at placing demolition. Serye ito ng mga pagsasanay-militar sa pagitan ng US at ng mga bansa sa Asia.

FLASH PISTON 007. Ang Flash Piston 007 ay binuo ng dalawang pagsasanay mula Agosto 4 hanggang Agosto 28 sa Lunsod ng Toledo sa Cebu. Isinagawa ito ng 16-kataong pangkat ng US Navy SEALS at isang pangkat ng Philippine Navy Special Warfare Group. Binuo ng underwater demolition, weapons familiarization, sniper training, direct actions at field training exercise ang Flash Piston 007.

BALANCE PISTON 00-05. Ang Balance Piston 00-05 ay idinaos mula Agosto 15 hanggang Setyembre 22 sa Clark Air Base, Pampanga at Fort Magsaysay, Nueva Ecija. Ito ay pinagsamang pagsasanay sa "jump school" ng mga tropang lokal at 90 myembro ng "A-Team" o elite na yunit ng Green Berets o US Special Forces at 35th Special Operations Group ng US Air Force at ng Special Operations Command ng Philippine Army. Ang Green Berets ay bihasa sa mga operasyong kumando sa kahit anong uri ng tereyn, may kakayahang magpaunlad, magorganisa, mag-armas, magsanay, magturo o gumabay sa mga espesyal na operasyon ng lokal na pwersang laking-batalyon sa iba't ibang bansa.

MARSURVEX 00-04. Ito ay pagsasanay para sa koordinadong operasyong paniktik na isinagawa noong Setyembre 26-28 sa mga baybayin ng Mindoro Occidental at Pangasinan. Nilahukan ito ng mga myembro ng US Navy, Philippine Navy at Philippine Air Force.

PALAH 01-01. Kasalukuyan itong inilulunsad sa Subic at San Antonio, Zambales. Kalahok dito ang 35 elemento ng Philippine Navy at US Navy SEALS. Sinimulan ito nitong Oktubre 16 at nakatakdang tapusin sa unang linggo ng Nobyembre.

Layunin umano ng mga pagsasanay na ito na "itaguyod ang panrehiyong seguridad laban sa pamimirata, terorismo at iba pang mga krimen, gayundin ang seguridad sa mga evacuation center at pag-angkop sa mga natural na kalamidad". Subalit ang mga pagsasanay ay kinatatangian, sa kalakhan, ng operasyong kumando kapwa sa lupa, himpapawid at karagatan, ng paratrooping at small-unit operations; ng pagpanday ng mga pangkat na may kakayahan sa mabilisang disposisyon (rapid deployment forces) gayundin sa paggamit ng tactical satellite communication, burst transmission, mga radyong high-frequency at global positioning system para sa sistemang pangkomunikasyon.

Ang lahat ng ito ay nasa balangkas ng estratehiyang pasulong na disposisyon o forward deployment strategy. Tampok dito ang pirmihang presensya ng Seventh Fleet ng US Navy sa rehiyong Asia-Pacific. Alinsunod rito, nakatitiyak ang US na mabilis itong makapagpapadala ng mga tropa saanman ito maglunsad ng digmang agresyon sa Asia-Pacific hanggang sa Middle East. Dito'y gagamitin ng US ang mga daungan, paliparan at iba pang pasilidad ng mga bansa tulad ng Pilipinas na may umiiral na VFA at iba pang kasunduang militar.

Alinsunod rito, nagmamantine rin ng mahigpit na pakikipag-ugnayang militar ang US sa iba't ibang reaksyunaryong estado sa Asia upang ibayong patatagin ang kontrol nito sa rehiyong Asia-Pacific.

Bukod sa Pilipinas, may bilateral na kasunduang militar ang US sa Thailand, South Korea, Japan at Australia. Naglulunsad ang mga ito ng humigit-kumulang 300 pagsasanay-militar sa buong Asia taun-taon.

Samantala, ibayong pinahihigpit ng US ang relasyong militar nito sa papet na rehimen ng Pilipinas. Nang puntahan ni Estrada ang imperyalistang amo nito noong Hulyo, isa sa mga naging tampok na paksa ang paghiling ng ayudang militar para sa AFP. Bilang tugon, pinagkalooban ng pangulo ng US na si William Clinton si Estrada ng kagamitang militar na nagkakahalagang $105 milyon: walong UH-1H o Huey na helikopter, 100 trak, mga pyesa para sa pagkukumpuni ng walong nakagaraheng eroplanong C-130, isang Coast Guard cutter at dalawang patrol boat.

Ang pagtaon sa mga pinagsamang pagsasanay-militar ng pagbisita sa Pilipinas ng mga imperyalistang sugong sina US Defense Secretary William Cohen noong Setyembre 15 at kumander ng mga tropa ng US sa Pacific na si Adm. Dennis Blaire noong Setyembre 24 ay palatandaan muli ng kaseryosohan ng US na panatilihing matapat at epektibong instrumento ang AFP at reaksyunaryong rehimeng Estrada ng kontra-rebolusyon sa Pilipinas at buong Asia.

 


Previous articleBack to topNext article

Oktubre 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Samantalahin ang napakalubhang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema!

Isulong at ibayong palakasin ang rebolusyon at ibagsak ang rehimeng US-Estrada!

Sa harap ng malubhang krisis sa pulitika:
Patuloy ang pagdausdos ng ekonomya

Nagtuturong makibaka:
Ang aping kalagayan ng mga guro sa bansa

Basurang iniwan ng US sa dating mga base militar:
Nakalalasong pamana

Sa ilalim ng VFA:
Ibayong imperyalistang panghihimasok
Sa ilalim ng VFA:
Pang-aabuso ng tropang Amerikano

Ang United Nations:
Tagapagtanggol ng imperyalismo

Mga balita ng pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.