Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Lumalalang pagsasamantala at pang-aapi sa kababaihang anakpawis

 Read this article in English

Sa okasyon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis nitong Marso 8, ipinangalandakan ni Gloria Macapagal-Arroyo na "buhay ang kapangyarihan ng kababaihan." Patunay dito, aniya, ang pagkakaluklok sa poder ng isa na namang babaeng presidente at ang pagkakatalaga ng mas maraming babaeng upisyal sa kanyang administrasyon kumpara sa mga naunang rehimen.

Nanawagan si Macapagal-Arroyo sa kababaihan na ipamalas ang gayong kapangyarihan, laluna sa darating na eleksyon. Nangako rin siyang haharapin ang isyu ng diskriminasyon at karahasan laban sa kababaihan sa pamamagitan ng pagpapasa ng mas maraming batas na magbibigay-proteksyon sa kanila.

Ang mga ito�y pawang pampalubagloob at hindi tumutugon sa mga batayang kahilingan ng masang kababaihan. Nagpapatuloy sa ilalim ng gubyerno ni Macapagal-Arroyo ang mga patakarang nagbubunsod sa kahirapan ng masang anakpawis, kabilang ang milyun-milyong kababaihang manggagawa at magsasaka.

Sa kanayunan, ang patuloy at malawakang pagpapalit-gamit ng lupa at libreng pagtatambak ng mga produktong agrikultural mula sa ibang bansa ay lalong nagkakait ng hanapbuhay sa masang magsasaka at nagbubunsod sa kanilang makipagsapalaran sa kalunsuran. Parami nang parami sa mga nagsisidayo sa kabayanan at mga syudad ay mga kabataang babaeng magsasakang nahihigop ng sektor ng serbisyo o napapasok sa iba pang impormal na trabaho. Subalit dahil bihira rin ang ganitong mga trabaho, marami pa rin sa kanila ang walang mapasukan.

Batay sa isang pag-aaral hinggil sa kinahinatnan ng kababaihang magsasaka at mga bata sa Timog Katagalugan nang ibwelo ng reaksyunaryong gubyerno ang pagpapalit-gamit ng lupa sa ilalim ng proyektong CALABARZON, marami sa kanila ang napapasok sa kung anuanong trabahong may napakababang sahod at napakamapagsamantalang kalagayan sa paggawa. Kabilang dito ang pagiging mga caddy sa golf courses na itinatayo para sa mga turista; pagkakatulong; at pagiging serbidora o tagaaliw sa mga restawran, karaoke bar at beerhouse.

Sa mga bayan ng Leon, Tubungan at Ingore sa Iloilo, ang mga proyekto ng pagpapalapad ng mga kalsada para paburan ang mga "proyektong pangkaunlaran" sa ilalim ng imperyalistang "globalisasyon" ay nagwasak sa mga sakahan, pananim at tirahan ng mga magsasaka. Para magkaroon ng bagong mapagkakakitaan, napilitang magsipagtrabaho ang kababaihan at mga bata bilang mga labandera, katulong at saleslady sa mga kabayanan.

Gayundin ang kinahinatnan ng may 50,000 magsasaka sa Benguet na nagtatanim ng patatas. Nang bumagsak nang halos 50% ang presyo ng lokal na patatas dahil sa pagtatambak sa bansa ng gayat nang mga patatas (machine-sliced, ready-to-fry potatoes) mula sa US, bumaling ang kababaihan sa mga tradisyunal na pandagdag-kita tulad ng pagaalaga ng hayop at pagtatanim ng iba pang cash crop tulad ng bawang. Subalit nawalan din ito ng saysay nang dumagsa sa pamilihan ang karne at bawang mula sa ibang bansa, kaya natulak silang pumasok sa samutsaring trabahong sahod-alipin.

Sa kalunsuran, malaganap ang pagpapatutupad ng sapilitang pagpapa-obertaym, pagpapataw ng mataas na kota, pagbabayad nang por piraso, pagpapagawa ng mahigit isang trabaho at iba pa. Lalo ito sa mga export processing zone kung saan pinakamalala ang pagpapatupad ng patakaran ng pleksibilisasyon ng paggawa sa layuning pigain nang husto ang lakas-paggawa ng mga manggagawa at maksimisahin ang tubo ng mga kapitalista. Ang pleksibilisasyon ng paggawa ay mariing bigwas sa mga manggagawa rito, na 75% o mahigit pa ay kababaihan. Sadyang mga babaeng manggagawa ang mas gustong kunin ng mga kapitalista rito sa paniniwalang mas kimi ang mga ito at mas madaling takutin na huwag sumapi sa mga unyon at ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Sa gayon, dumaranas sila ng diskriminasyon sa sahod at iba pang pang-aabuso. Sa isang pag-aaral ng International Labor Organization, sa pangkalahatan ang natatanggap na sahod ng manggagawang kababaihan ay 47% lamang ng tinatanggap ng manggagawang kalalakihang gumagampan ng parehong trabaho. Batay naman sa isang sarbey na ginawa ng simbahang Katoliko sa mga manggagawa sa mga export processing zone, laganap ang mga kaso ng sexual harassment, bagay na tinitiis ng kababaihang manggagawa dahil sa takot na mapatalsik sa trabaho.

Subalit bayaran man ng pantay na sahod ang kababaihang manggagawa, hindi pa rin ito sasapat. Sa Kamaynilaan, 45% lamang ng mga batayang pangangailangan ng isang pamilya ang natutustusan ng itinakdang minimum na sahod. Masahol pa, inilibre ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagbabayad ng minimum na sahod ang mga taga-eksport ng damit at tela at mga establisimentong nasa pagtitingi at serbisyo na may di lalampas sa 10 manggagawa. Karamihan sa mga manggagawa sa gayong mga pabrika at establisimento ay kababaihan.

Sa ilalim ng iskema ng pleksibilisasyon ng paggawa, laganap din maging sa kababaihan sa kanayunan ang sub-contracting at homework arrangements laluna sa industriya ng garments na pang-eksport. Sa halip na buuin ang damit sa loob ng pabrika, libu-libong kababaihan ang kinokontrata upang tahiin sa kani-kanilang mga tahanan ang iba�t ibang bahagi ng damit, kapalit ng kakarampot na sahod. Dito�y lalong naibabagsak ng mga kapitalista ang sahod, nawawasak ang mga unyon at naiiwasan ang pagpapatupad sa mga batas at pamantayan sa paggawa.

Mas malaking suliranin ng kababaihan ang kawalan ng trabaho. Kahit halos pantay ang dami ng kalalakihan at kababaihan sa pwersang paggawa, palagiang mas malaki ang tantos ng disempleyo ng kababaihan. Noong 1998, batay sa mga dinuktor na estadistika ng gubyerno, may 9% ng kababaihan ang walang trabaho samantalang 7% ang kalalakihang ang walang hanapbuhay. Kung tutuusin, aabot sa humigit-kumulang 50% ng kababaihang edad 15 hanggang 65 ang walang hanapbuhay. Kabilang dito ang mahigit 13 milyong kababaihang ibinawas sa bilang ng pwersa ng paggawa.

Hindi na lamang sa mga kabayanan at syudad ang dagsa ng mga walang hanapbuhay, kundi sa ibayong dagat.

Ang 60% ng halos pitong milyong overseas Filipino workers ay kababaihan. Karamihan sa kanila ay mga katulong at tagapagbigay-aliw (entertainer). Napipilitan silang tiisin ang karaniwa�y makahayup na kalagayan ng pamumuhay at mga kundisyon sa paggawa kung saan bulnerable sila sa iba�t ibang uri ng pang-aabusong pisikal, sekswal at sikolohikal. Sa Japan, ayon sa isang pag-aaral, may 40,000 dokumentadong mananayaw na Pilipino. Subalit umaabot sa 150,000 kababaihang Pilipino ang nasasadlak sa prostitusyon. Sa Korea, tinataya ng mismong Overseas Workers� Welfare Administration ng DOLE na may di bababa sa 1,000 Pilipinong prostityut. Bukod ito sa humigit-kumulang 600 Pilipinong sadlak sa prostitusyon sa paligid ng base militar ng US doon. Ang iba pang lugar sa ibayong dagat na kilalang dinadayo ng kababaihang Pilipinong nauuwi sa prostitusyon matapos malinlang ng mga iligal na rekruter ay ang Malaysia, mga bansa sa Middle East at maging ang Italy, Marianas at Nigeria.

Patuloy na lumalaki ang bilang na ito habang lumalala ang krisis pang-ekonomya at kumakapit sa patalim ang mga maralita. Noong unang anim na buwan pagkatapos bumulwak ang krisis pampinansya sa Asia (1998), tumaas nang 21% ang dami ng Pilipinong bumyahe patungong Japan. Karamihan sa kanila ay kababaihan.

Patuloy ang pagsahol ng komodipikasyon at pang-aalipin sa kababaihang anakpawis, na bumubuo sa 90% ng kababaihang Pilipino. Sa harap ng gayong pagsasamantala at pang-aapi, ibayong militansya ang tugon ng organisadong kababaihan.

Nitong Marso 8, libu-libong kababaihan ang nagmartsa sa Malakanyang upang igiit ang P125- dagdag sa minimum na sahod na patuloy na ipinagkakait sa mga manggagawa. Iginiit din ng kababaihan na parusahan na si Estrada, na nagpairal ng mga patakarang nagbunsod ng paghihirap ng masang anakpawis.

Iginiit din nilang palayain na ang mga bilanggong pulitikal. May 25 kababaihan at kabataang bilanggong pulitikal na patuloy na pinagkakaitan ng kalayaan maging sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo.

Dahil sa mga ipinaglalaban at malaking bilang ng kababaihang anakpawis, dapat bigyang-pansin at pag-ibayuhin ng Partido at ng buong rebolusyonaryong kilusan ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanila bilang makapangyarihang pwersa sa pambansa-demokratikong rebolusyon.

 


Previous articleBack to topNext article

Marso 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Banta sa usapang pangkapayapaan ang pamamamyagpag ng mga militarista sa loob ng rehimeng Macapagal-Arroyo

Bagong hirang na kalihim ng depensa:
Gen. Angelo Reyes: Pusakal na pasista

Ang militarismong pumatay kay P/CInsp. Abelardo Martin at ang nagpapatuloy na pasismo ng estado
Lumalalang pagsasamantala at pang-aapi sa kababaihang anakpawis
Sumisidhing pang-aapi sa uring manggagawa sa Europe
Mga Balita ng Pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.