Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Power Reform Act:
Nagbibigay-daan sa higit na dayuhang dominasyon sa ekonomya

 Read this article in English

Nagsilbi si Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangunahing instrumento sa pagsasabatas ng anti-mamamayan at maka-imperyalistang RA 9136 o Power Reform Act. Para lamang maipasa ito, nagpatawag siya ng espesyal na sesyon sa bisperas ng pagsasara ng ika-11 kongreso. Itinulak niya ito sa harap ng malawakang pagtutol ng iba't ibang sektor ng lipunan. Kaagad makaraang maipasa ng kongreso, nilagdaan ito ni Macapagal-Arroyo nitong Hunyo 8.

Ang bagong batas ay nagdederegula sa serbisyo sa kuryente at nagsasapribado sa National Power Corporation (Napocor) - ang ahensya ng gubyernong pangunahing may kontrol sa produksyon, transmisyon at distribusyon ng kuryente. Itinaguyod ito ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo alinsunod sa imperyalistang balangkas ng "globalisasyon" at "malayang kalakalan" at sa dikta ng International Monetary Fund (IMF) . Inalis nito ang lahat ng nalalabing balakid sa pribado at dayuhang pagmamay-ari at kontrol sa serbisyo sa kuryente sa bansa.

Lubusan nang isinuko ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo ang pambansang karapatan upang ang estratehikong industriya ng kuryente ay makapagsilbi sa interes ng mamamayan at pambansang industriyalisasyon. Maging ang pormal na probisyon sa reaksyunaryong konstitusyon na nagbabawal sa pagbebenta sa mga dayuhan ng mga estratehikong industriya at public utilities gaya ng serbisyo sa kuryente ay isinaisantabi.

Tanda ito ng masugid na paninilbihan ng rehimen sa interes ng malalaking dayuhan at lokal na kapitalista kontra sa interes ng mamamayan. Tanda rin ito ng desperasyon nitong makapangutang ng $950 milyon mula sa IMF, World Bank, Asian Development Bank at Export-Import Bank of Japan.

Ang pribatisasyon ng Napocor ay magsisilbi pangunahin sa interes ng malalaking monopolyong kapitalistang dayuhan at kumprador na kontrolin ang industriya ng kuryente sa bansa. Kabilang sa mga interesado rito ang Electricite de France, California Electricity International, Power Corporation of Australia at United Kingdom National Power Plc. Sila lamang ang may kakayahang bumili nito. Kasabwat nila ang lokal na malalaking burges kumprador sa industriya ng kuryente, tulad ng mga Lopez, Aboitiz at Gokongwei.

Para sa mamamayan, wala itong idudulot kundi ang tuluy-tuloy nang pagtaas sa presyo ng kuryente at papabigat na pasanin sa kanilang mga balikat. Ang deregulasyon ng serbisyo sa kuryente at pribatisasyon ng Napocor ay nagsisilbi rin sa ibayo pang pagbubukas ng ekonomya sa kontrol at dominasyon ng mga dayuhan.

Sa pagsasapribado ng Napocor, halos 8,000 manggagawa nito ang matatanggal sa trabaho.

Upang ilako ito, ipinangangalandakan ni Macapagal-Arroyo na ibababa ng Power Reform Act ang presyo ng kuryente nang 30 sentimo bawat kilowatt-hour sa loob ng tatlong taon. Sa katunayan, sa di nalalayo kundi man sa kagyat, babayaran pa rin ito-at mahigit pa nga rito-ng mga konsyumer at ng mamamayan sa iba't ibang paraan at anyo:

Sa kabila ng pagsasapribado ng Napocor, ang mga utang nito'y mananatiling pampubliko. Sa ga-yo'y patuloy na papasanin ang mga ito ng mamamayan sa pamamagitan ng iba't ibang buwis na kokolektahin ng gubyerno. Sa kasalukuyan, $4.5 bilyon lamang ang halaga ng Napocor samantalang umaabot sa $6.7 bilyon ang utang nito. Kung gayon, bahagi lamang ng kabuuang utang ng Napocor ang mapupunan sa pamamagitan ng pagbebenta nito. Ang nalalabi pang utang ay awtomatikong paglalaanan sa pambansang badyet.

Higit dito, inako rin ng gubyerno ang P200 bilyong labis na gastos ng mga pribadong kumpanyang kakontrata ng Napocor at Meralco. Bahagi ito ng P480 bilyong stranded contract costs ng mga independiyenteng pribadong prodyuser ng kuryente (IPP). Ang stranded contract costs ay ang mas mataas na halaga ng kuryenteng prinoprodyus ng mga IPP at iki-nontrata sa Napocor kaysa sa halaga ng kuryenteng sariling pinoprodyus ng Napocor. Sa aktwal, ang bayad para rito ay isang uri ng subsidyo na ibinibigay sa mga IPP upang matiyak ang kanilang tubo, kahit mas mataas ang gastos nila. Nagdaragdag ito ng mahigit piso sa singil para sa bawat kilowatt-hour na ginagamit ng konsyumer. Mahigit 70% ito sa halaga ng batayang singil o mahigit 40% ng kabuuang singil sa kuryente. Sa kasalukuyan, direkta itong pinapasan ng mga konsyumer sa pamamagitan ng Purchased Power Adjustment (PPA o adyasment sa singil para sa kuryenteng binili mula sa mga IPP). Sa ilalim ng bagong batas, ipapataw ito sa ma-mamayan sa anyo na ng "universal levy" (pangkalahatang buwis).

Patuloy ding kikilalanin ng gubyerno ang iba pang nilalaman ng mga maanomalyang kontrata sa pagitan ng Napocor at mga IPP mula pa sa panahon ng dating rehimeng Ramos hanggang sa kasalukuyan. Kabilang dito ang pagkokontrata ng gubyerno sa isang minimum na halaga at dami ng kuryente mula sa mga IPP. Karaniwa'y 70-90% ito ng kapasidad ng mga IPP. Diumano, ito'y para may reserba sakaling magkaroon uli ng mga malawakang brownout at para may nakahanda na rin para sa taunang paglaki ng pangangailangan sa kuryente. Karaniwa'y 11-38% lamang ng kaninlang kapasidad ang kailangang gamitin ng mga IPP para sa pang-araw-araw na konsumo sa kuryente. Ipinapasa ng Napocor sa mga konsyumer ang singil para sa lahat ng ito. Kahit na hindi na nagpoprodyus ang mga IPP ng higit pa rito at hindi na ito napasasakamay ng mga kunsyumer, at kahit na palyado, o palaging down o di makaandar ang kanilang mga planta, babayaran pa rin sila para sa kapasidad na kinontrata sa kanila. Sa gayon, sa sigurado at halos purong tubo lamang ng mga IPP mapupunta ang bayad para rito. Awtomatikong babayaran din ng Napocor at, muli, sisingilin sa mga konsyumer ang lahat ng iba pang dagdag sa gastos nila, gaya ng pagtaas ng presyo ng langis, pagtaas ng halaga ng dolyar, at iba pa.

Hihigit pa ang tubong pipigain ng malalaking dayuhan at lokal na magmamay-ari ng serbisyo sa kuryente sa bansa, laluna't may probisyon sa batas para sa deregulasyon ng produksyon at transmisyon ng kuryente. Binibigyang-laya sila ng batas upang magtakda ng singil para mga bahaging ito ng serbisyo sa kuryente.

Nagbibigay din ang batas ng higit na kaluwagan sa pagmomonopolyo ng malalaking dayuhan at lokal na kumpanya sa serbisyo sa kuryente. Pinahihintulutan ang cross-ownership (tumatawid na pag-aari ng pare-parehong IPP sa magkakaibang aspeto ng serbisyo sa kuryente-produksyon, transmisyon, distribusyon), gaya ng ginagawa ngayon ng Meralco. Magsisilbing daan ito para tumagos at lumakas ang monopolyo ng mga Lopez at Aboitiz sa kabuuang serbisyo sa kuryente, at makibahagi rin sa monopolyo ang iba pang papasok na malalaking dayuhan at lokal na kumpanya.

Ang Power Reform Act ay nagbibigay-kundisyon rin para sa cross-ownership subsidy (subsidyo sa pamamagitan ng tumatawid na pag-aari). Sa gayon, ang anumang subsidyong ibinibigay o maaaring ibigay ng gubyerno sa tanging nireregulang bahagi ng serbisyo sa kuryente (distribusyon), ay masasamantala ng mga monopolyong nagmamay-ari kapwa ng aspetong distribusyon at mga naderegula nang aspeto (produksyon at transmisyon). Sa gayon, mababalewala ang anumang batas sa regulasyon ng distribusyon ng kuryente.

Ang seksyon 28, na isiningit ni Sen. John Osmena, kunwa'y para sa "demonopolisasyon" ng serbisyo sa kuryente. Diumano, sa pamamagitan ito ng pag-oobliga sa mga IPP na magbenta sa stock market ng mga sapi nila. Sa katunayan ang layunin lamang nito ay padaliin ang paglamon ng malalaking monopolyo sa maliliit na IPP.

Kontra sa isang tunay na programa ng pambansang industriyalisasyon ang deregulasyon at pribatisasyon ng industriya ng kuryente, gayundin ang deregulasyon at pribatisasyon ng iba pang estratehikong industriya at public utilities, katulad ng sa langis at tubig. Ang public utilities ay kailangang ipailalim sa kontrol ng demokratikong estado upang sumulong ang bansa sa landas ng tunay na industriyalisasyon at kaunlarang pang-ekonomya.

Sa kagyat, kailangang puspusangg labanan ng mamamayan ang Power Reform Act at ang pagiging sunud-sunuran ng rehimeng US- Macapagal-Arroyo sa dikta ng imperyalismo.

Kinakailangang magpunyagi ang mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa upang ilantad ang pagkapapet ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Kinakailangang pakilusin ang mamamayan upang labanan ang lahat ng isasagawa pang hakbangin ng papet na rehimen na nagsisilbi sa interes ng imperyalismo at yumuyurak sa kapakanan ng mamamayan.

Kaakibat nito, kinakailangang ipaglaban din ng mamamayan ang pagbabasura sa Foreign Investments Act, Mining Act, Retail Trade Law, Oil Deregulation Law, Bank Liberalization Law at iba pang batas at pakanang nagbibigay-laya sa malalaking dayuhang kapitalista na pagharian at kontrolin ang ekonomya ng Pilipinas at pahirapan ang mamamayang Pilipino.

 


Previous articleBack to topNext article

Hunyo 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista at anti-mamamayang patakaran at hakbangin ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo

Power Reform Act:
Nagbibigay-daan sa higit na dayuhang dominasyon sa ekonomya
Singil sa serbisyong tubig, tataas
Pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo:
Patuloy na pagkakamal ng superganansya ng mga dambuhalang kumpanya ng langis

Pananalanta ng pasistang estado:
Sa ikalawang kwarto ng taon

Mga Ulat Koresponsal:
Tinuligsa, tumitinding militarisasyon sa Oriental Mindoro

Mga Ulat Koresponsal:
Makatarungan ang pagpaparusa kina Mayor Platon at Rep. Punzalan -- Melito Glor Command

Pagsuspinde ng GRP sa usapang pangkapayapaan, binatikos ng NDFP
Bwitre ng Cagayan
Col. Aguinaldo, pinarusahan ng BHB

Hudyat sa pag-iibayo ng pandaigdigang pakikibaka:
Pandaigdigang liga sa pakikibaka ng mga mamamayan, itinatag

Mga balita ng pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.