Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pasistang naging pulitikong warlord

 Read this article in English

Dahil sa kanyang paglahok sa mga bigong tangkang kudeta, batid ni Aguinaldo na hindi na siya kailanman maaaring magheneral. Nagbitiw siya sa militar. Upang lalong yumaman at makahawak ng poder, ang pinakamabilis na rutang bukas sa kanya ay ang pagiging pulitiko.

Mula nang dumapo siya sa Cagayan noong dekada 1980, matagal na niyang pinaghandaan ang gayong posibilidad. Kung kayat "pinagwapo" niya ang kanyang sarili, nagpundar ng goons at armas, nagkamal ng salapi, naglunsad ng paninirang-puri at pagliligpit ng kanyang mga magiging kalaban sa darating na mga eleksyon.

Ang kanyang mga armas, goons, salapi, taktikang psywar, suportang militar at "special operation" upang ipapatay ang kanyang magiging pinakamalakas na kalaban, ang nagtiyak sa mga tagumpay noon ni Aguinaldo. Ang mga yunit pangkombat ng AFP, armor, mga baril at pasilidad ng AFP ay minobilisa para suportahan ang kanyang mga ambisyon sa pulitika.

Noong una siyang tumakbo sa pagka-gobernador, pinahimpil niya ang kanyang mga armored personnel carrier malapit sa mga presinto na nasa mga distrito at bayan ng kanyang kalaban. Ang mga botante ay tinakot at sinuhulan ng mga tauhan ni Aguinaldo sa pamamagitan ng pagtutok ng mga baril na may P100 papel na nakakabit sa kanyon ng mga ito.

Ang kampanya ni Aguinaldo ay tinustusan sa kalakhan ng mga Koumintang, na kanyang tuwirang nilapitan para sa ganitong kasunduan. Kapalit ng malaking halagang kanyang tinanggap, hinayaan ni Aguinaldo ang mga Taiwanese na malayang makapasok sa Cagayan at magsagawa ng iligal na pangingisda, iligal na rekrutment at ismagling.

Bago ang eleksyon ng 1990, pinakana ni Aguinaldo ang pagpatay kay Tito Dupaya, na noo'y nagbabalak na tumakbo muli sa eleksyon. Ito'y dahil malakas na kalaban si Dupaya, na hindi matalo kahit ni Enrile noong dekada 1970. Ang gayong madudugong "operasyong elektoral" ang tatlong beses na nagluklok kay Aguinaldo bilang gubernador, at pagkatapos, bilang kongresman ng ikatlong distrito ng Cagayan mula 1998.

Mula nang maging upisyal siya ng AFP, at laluna nang siya'y naging provincial commander ng PC at sa kalauna'y naging burukratang kapitalista, nagsimula na siyang magkamal ng yaman. Nakapagkamal siya ng mga ari-arian sa pamamagitan ng pangangamkam ng lupa, pangingikil, korapsyon at sa pamamagitan din ng mga sindikatong kriminal na pinamumunuan ng pinakamatataas na upisyal ng militar at burukrasyang sibilyan (tingnan ang kaugnay na artikulo).

Nang siya'y maging provincial commander ng Cagayan, binuo niya kasama ni Col. Tirso Gador ang ISLACABA (Isabela, Laguna, Cagayan, Cavite, Batangas) Jueteng Connection. Dito niya nakasosyo ang alkalde noon ng Calauan, Laguna at hari ng hweteng sa naturang prubinsya na si Antonio Sanchez.

Bukod sa malaking kita ni Aguinaldo sa hweteng, "Mr. Ten Percent" ang patalikod na katawagan sa kanya ng mga kunsesyunaryo sa logging dahil pilit din niya silang pinagbabayad ng 10% ng kita ng mga kumpanya sa pagtotroso sa Cagayan.

Isa sa mga negosyanteng kanyang kinwartahan ay si Don Augusto Uy, ang may-ari ng Tropical Wood Industries Inc. (TPWll). Bukod sa pangungulekta sa kanyang bahagi sa ganansya, ginamit ding base ni Aguinaldo ang TPWII sa kanyang paniniktik.

Sapul nang maluklok sa poder, trinato ni Aguinaldo na kanyang sarili ang tesorerya ng lalawigan at ang iba pang pag-aari ng pamahalaang panlalawigan. Ang materyales para sa konstruksyon na nabili nang mura sa Maynila ay palagiang pinapatungan ng halaga sa kanyang mga ulat upang maibulsa niya ang natitira.

Kaakibat ng pamimili sa mga primera klaseng lupain sa pamamagitan ng perang galing sa hweteng, ginamit ni Aguinaldo ang mga kagamitan at materyales panggusali ng gubyerno para itayo at imantini ang Oasis, isang mamahaling resort.

Noong kalagitnaan ng dekada 1990, sinampahan ng kasong katiwalian si Aguinaldo sa Sandiganbayan dahil sa di maipaliwanag na hinantungan ng halagang P1 milyon mula sa badyet ng Cagayan.

Ang pagkatalo at kamatayan ni Aguinaldo

Noong eleksyon ng Mayo 2001, muling ginamit ni Aguinaldo ang kanyang subok nang taktikang psywar, pananakot at pamimili ng boto. Maging sa Tuguegarao City, binantaan niya ang bawat kapitan ng barangay na hayagang sumusuporta sa kanyang kalaban o kaya'y hindi hayagang sumusuporta sa kanyang pagkakandidato.

Nabahala siya sa malawakang pagkakaisang nakatuon laban sa kanya. Kayat pilit niyang pinaguugnay ang hayag na kilusang organisasyon sa mga armado at lihim na pwersa ng PKP, BHB at NDF. Tulad ng inaasahan, malisyoso niyang inatake ang gawaing pakikipagalyansa at mga mobilisasyon ng rebolusyonaryong kilusan. Subalit nabigo ang lahat ng mga ito.

Tambak ang pagkatalo ni Aguinaldo sa eleksyon. Nanalo di lamang ang kanyang karibal sa reaksyunaryong pulitika. Ang progresibong partidong Bayan Muna na palaging binabatikos niya sa madla, ay nagkamit din ng matunog na tagumpay sa eleksyon sa prubinsya at sa buong bansa. Hudyat ang mga ito ng nalalapit nang pagbagsak ni Aguinaldo at pagwawakas ng kanyang mga kalupitan.

Nilikha ni Aguinaldo para sa sarili ang kabantugang walang pagkatalo. "Agila ng Cagayan" ang paghumaling niya sa sarili, halaw mula sa isang pelikulang ginawa upang patanyagin ang isang pasista. Nag-armas siya kaliwa't kanan at pinaligiran niya ang kanyang "pugad" ng santambak na pulis at militar. Ang kanyang sukdulang pagkatakot ay nagbunsod sa kanyang maglatag ng susun-suson na sistemang panseguridad sa paligid niya at ng kanyang bahay. Humantong pa siya sa pagkakalat ng katawatawang istorya na mayroon siyang anting-anting na tumitiyak sa kanyang kaligtasan at naglubid siya ng mga kwento tungkol sa kanyang kawalang-kamatayan at pagiging isang "maalamat".

Sa kahuli-hulihan, wala itong laban sa parusang kamatayan na ipinataw sa kanya ng rebolusyonaryong kilusan at ng masa. Ang "muog na bakal" ni Aguinaldo, pulutong ng mga armadong badigard at impluwensya ng kanyang mga kasamahan sa militar at pulitika, at maging ang kanyang gawagawang agimat ay hindi nakapagligtas sa kanya.

Ang kanyang kamatayan ay isang malaking tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan.

REKORD NG KATIWALIAN NI AGUINALDO

Hweteng. Hinawakan kaagad ni Aguinaldo ang kontrol sa operasyon ng hweteng sa Cagayan pagkaupo na pagkaupo niya bilang gobernador. Ang mga hari ng hweteng sa lalawigan ay naglagay sa kanya ng umaabot sa P500,000 bawat buwan. Pinatakbo rin niya ang ISLACABA Jueteng Connection.

Pagtotroso. Mula sa nakagawiang 10%, hiningi ni Aguinaldo mula nang siya�y maging gobernador ang 20% hanggang 30% ng tubo ng mga kunsesyunaryo sa pagtotroso. Kontrolado niya ang Sta. Teresita Wood Industries Inc. na nagkakahoy sa Lasam at Paco Valley. Ito�y sa kabila ng madalas niyang pangangalandakang laban siya sa pagtotroso.

Ismagling. Ang mga iligal na pagpupuslit ng tao at droga ay regular na nagaganap mula sa Taiwan patungo sa mga munisipyo ng Buguey at Sta. Ana sa babaying Pasipiko ng Cagayan. Kasama ni Aguinaldo sa sabwatang ito ang panlalawigang PNP, ang Philippine Navy at Philippine Coastguard, ang mga alkalde ng Buguey at Sta. Ana at ang Alien Control Office ng Cagayan. Ang malalaking isdang nahuhuli ng mga barkong pangisdang Taiwanese sa loob ng teritoryong tubig ng Cagayan ay dinadala sa Sta. Ana para sa iladuhin. Matapos maalisan ng lamang loob ang mga isda ay pinalalamnan ng mga iligal na droga gaya ng shabu at cocaine bago ibyahe.

Pagbibyahe ng marijuana. Kasama ng kanyang mga kasapakat na sina Conrado Balweg (pinarusahan ng BHB noong Disyembre 1999) at Abrino Aydinan ng Kordilyera, si Aguinaldo ay nagpatakbo ng isang tubong lugaw na negosyo ng pagbebenta ng marijuana sa mga pusher sa Baguio, Zambales at Metro Manila.

Iligal na rekrutment. Tinulungan ni Aguinaldo ang iligal na rekrutment ng mga mangingisdang Cagayano na magtrabaho sa mga barkong pangisdang Taiwanese bilang mga aprentis na mangingisda. Sa kabila ng kakarampot na upa, pinatawan ni Aguinaldo ang bawat rekrut ng halagang P500 bawat buwan habang may bisa ang kontrata. Subalit wala siyang anumang ginawa tuwing ang mga Cagayano, na ginamit ng mga Taiwanese sa iligal na pangingisda at pagbibiyahe ng droga, ay hinuhuli, ikinukulong at binibitay sa ibang bayang Asyano.

 


Previous articleBack to topNext article

04 Hulyo 2001
Edisyong Pilipino


Ipinagdiriwang ng ang pagpaparusa kay Colonel Aguinaldo
Madugong rekord laban sa masa sa Cagayan at Apayao
Pasistang naging pulitikong warlord
Operasyong pagparusa kay Aguinaldo:
Walang muog ang mga reaksyunaryo na di mabubuwag ng rebolusyon

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.