Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Agosto 20: Natitipong unos laban sa naghaharing pangkating Estrada

 Read this article in English

Mahigit 230,000 mamamayan ang humugos sa mga lansangan ng Lunsod ng Makati at iba't ibang panig ng bansa upang batikusin ang tumitinding pasismo at tipunin ang unos laban sa naghaharing pangkating Estrada. Nasa likod ng matatagumpay na raling ito ang mahigpit na pagtutulungan ng mga militanteng organisasyon ng mamamayang anakpawis, mga samahan ng petiburgesyang lunsod, ng pamunuan at mga organisasyon ng simbahang Katoliko at mga elementong anti-Estrada sa pangunguna ni Corazon Aquino.

Ayon sa mga pahayagan, halos 150,000 ang lumahok sa demonstrasyong idinaos sa mga lunsod ng Bacolod (60,000); Davao (40,000); Cebu (15,000); Lucena (10,000); Iloilo (8,000); Legazpi (5,000); Kabankalan (5,000); at sa bayan ng Digos, Davao del Sur (5,000).

Libu-libong mamamayan din ang lumahok sa magkakasabay na kilos-protestang ginanap sa iba't ibang lunsod at bayan sa buong kapuluan. Sa Luzon, naglunsad ng mga rali sa Ilocos Sur; La Union; sa mga lunsod ng Baguio at Dagupan; sa Bayombong, Nueva Vizcaya; sa San Fernando at Lunsod ng Angeles sa Pampanga; sa Baler, Aurora; Daet, Camarines Norte; Naga at Iriga, Camarines Sur; at sa Sorsogon. Sa Kabisayaan, libu-libo rin ang lumahok sa mga lunsod ng San Carlos at Dumaguete sa Negros; sa Kalibo, Aklan; at sa mga lunsod ng Ormoc at Tacloban sa Leyte. Sa Mindanao, ilang libo ang nagsipagtipon sa mga lunsod ng Iligan, Cagayan de Oro, Kidapawan at General Santos.

Inuudyok ng gubyernong Estrada ang malawakang protesta at paglaban ng mamamayan

Ang patuloy na paglubha ng krisis ng naghaharing sistema at ang sagad-sagarang pagpapakapapet at pasismo ng rehimeng US-Estrada ay nag-uudyok ng ibayo pang paglaban ng mamamayan sa kalunsuran at kanayunan. Tuluy-tuloy na natitipon ang unos ng malawakang pakikibaka ng mamamayan upang patalsikin ang reaksyunaryong gubyernong Estrada.

Kaalinsabay ng pag-igting ng armadong pakikibaka sa kanayunan, ang pagdaluyong ng mga dambuhalang demonstrasyon ay magdudulot ng maririing bigwas sa rehimeng Estrada. Kailangang pag-ibayuhin ang pagpapalawak at pagpapalakas ng antipasistang prente at himukin itong magpunyagi tungo sa pagpapatalsik ng naghaharing pangkating Estrada at pagpalit dito ng isang gubyerno ng pambansang pagkakaisa at demokrasyang bayan.

Ibayong pinatitindi ni Estrada ang nagngingitngit na galit ng mamamayan sa pamamagitan ng:

  • pagpaplanong baguhin ang konstitusyon ng Republika ng Pilipinas upang palalain pa ang mga antipambansang probisyon nito at burahin ang mga pamana ng antipasistang pakikibaka;
  • panunupil sa karapatan sa pamamahayag at pagyurak sa karapatang-tao;
  • pagpapanumbalik sa mga Marcos at mga pinakamasahol na alipures ng diktadurang Marcos;
  • pagpapalaganap at pagpapalala ng korupsyon at pagsasanib ng mga sindikatong kriminal at mga burukrata.

Sa pakanang baguhin ang konstitusyon, balak nina Estrada na ibenta nang pakyawan ang pambansang patrimonya at anumang nalalabing kasarinlang pang-ekonomya ng Pilipinas sa mga dayuhang monopolyo kapitalista. Kaugnay nito, balak ng rehimen na gawaran ang mga dayuhan ng walang-hangganang karapatan na magmayari ng lupa, mga bangko, negosyo sa masmidya, telekomunikasyon, pagtitingi at iba pa. Dagdag pa rito, bibigyan si Estrada ng awtokratikong kapangyarihan na pumasok sa mga tratado at kontrata sa mga dayuhan nang hindi sinisiyasat ninuman, kabilang na ang mga korte.

Sa ngalan pa rin ng "repormang pangekonomya", plano ni Estrada at ng kanyang mga tauhan na pawiin ang kodigo ng mga karapatan na ibinunga ng antipasistang pakikibaka laban sa diktadurang Marcos. Nais ni Estrada na alisin yaong mga probisyon na nagtitiyak ng mga karapatan sa malayang pag-oorganisa, pagkilos at pagwelga na ikinakatwirang anti-pamumuhunan at disinsentibo sa pagpasok ng dayuhang negosyo sa bansa. Layunin niyang bigyan ng buong laya ang kanyang mga pasistang tauhan na mangumpiska ng mga ari-arian, arbitraryong mang-aresto, pumatay, magmasaker at gumawa ng iba pang mga paglabag sa karapatang-tao alinsunod sa direktiba niyang "pisain" ang rebolusyon at sa pagsisikap niyang alisin ang oposisyong pampulitika ayon sa estilo ng kanyang guro na si Marcos.

Ang pamimilit ni Estrada na ang mga pagbabago ay malilimita sa mga "repormang pang-ekonomya" na ito ay ginagamit na pantabing sa adyendang baguhin ang mga probisyong humahadlang sa pagpapatagal ng panunungkulan niya at ng mga pulitiko lagpas sa kasalukuyang nakatakdang taning.

Upang supilin ang kritisismo at protesta laban sa anti-demokratiko at makadayuhang patakaran ng gubyerno, binubusalan ni Estrada ang masmidya. Sa paraang ala-Marcos din, binraso ang mga may-ari ng Manila Times na ibenta at isara ang dyaryo matapos nitong ibunyag ang mga kwestyunableng kontratang binigyang-basbas ni Estrada. Gumagamit din si Estrada ng mga pailalim na maniobra upang paluhurin ang Philippine Daily Inquirer na matamang naglalantad ng mga maanomalyang kontrata at katiwalian sa gubyerno; at pwersahin ang ibang mga dyaryo na umalinsunod sa kumpas ni Estrada.

Inuudyok din ni Estrada ang malawakang galit ng mamamayan sa pagkakandili at pagbubukas nito ng pintuan upang ganap na makapanumbalik sa poder ang pamilyang Marcos at ang mga alipures ng diktadurang Marcos. Nagsasabwatan si Estrada at ang pamilyang Marcos upang ikubli at paghatian ang mahigit $13-bilyong nakaw na yaman na nakadeposito sa Union Bank of Switzerland. Bukod pa ito sa kutsabahan nina Estrada at Eduardo Cojuangco Jr. upang panatilihing nasa kamay ng huli ang mga ari-arian niyang nakamal sa pamamagitan ng pagkulimbat ng P100 bilyong pondong coco levy.

Iskandaloso na ang inabot na antas ng korupsyon at katiwaliang burukratiko. Pangunahin dito ang maanomalyang panunumbalik ng mga Marcos at mga alipures nila at ang mga lihim na kasunduang binubuo nila ni Estrada hinggil sa mga nakaw na yaman. Kabi-kabila ang sumisingaw na mga kaso ng panunuhol at pagtanggap ng suhol, pagkabig ng mga kaibigan at kamag-anak ni Estrada sa malalaking kontrata ng mga obras publikas at paggamit ng mga pampublikong pondo tulad ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) para sa pribadong negosyo. Lalong nakapagpapangitngit sa mamamayan ang koordinasyon ng pinakamatataas na upisyal ng pulisya at militar sa mga hari ng mga sindikatong kriminal upang bigyang-proteksyon ang operasyon ng mga sindikato sa iligal na sugal, pagbebenta ng droga at pagpapapasok ng mga kontrabando.

Ibayong magkaisa sa rali ng Setyembre 21

Ang pagbabalewala ni Estrada sa mga hinaing na ipinahayag sa mga rali ng Agosto 20 ay isang pag-uudyok sa mamamayan na maglunsad ng mas malalaki pang demonstrasyon sa Setyembre 21.

Nagtagumpay ang mga rali ng Agosto 20 sa kabila ng maruruming pakana at anti-komunistang pananakot ni Estrada upang hadlangan ito. Ngunit upang biguin ang balak ni Estrada na isalaksak sa lalamunan ng bayan ang mga anti-demokratiko at anti-pambansang pagbabago sa konstitusyon at patuloy na yurakan ang mga karapatang pampulitika, pang-ekonomya, panlipunan at sibil, kinakailangang patuloy na palaparin ang pagkakaisa ng papalawak na seksyon ng mamamayan at ibayong paigtingin ang mga protestang bayan.

Kinakailangang ipagpatuloy at lalo pang pahusayin ang antipasistang pagtutulungan ng mga militanteng organisasyon at ng mga tunay na progresibo at positibong pwersa, mga respetadong institusyon at mga inaagrabyadong seksyon ng naghaharing uri. Kailangang biguin ang mga pagtatangka ni Estrada na hatiin ang antipasistang nagkakaisang hanay sa pamamagitan ng pananakot at panunuhol.

Nagsisilbing matibay na bag-as ng pagkakaisang ito ang mga militanteng organisasyon ng masang anakpawis, laluna ng mga manggagawa, na siyang bumuo ng pinakamalaking organisadong hanay sa rali ng Agosto 20. Ang pagpupunyagi ng mga militanteng manggagawa at masang anakpawis na labanan ang pagtataas ng presyo ng gasolina, para sa karagdagang sahod at laban sa iba't ibang patakarang nagpapahirap sa kanila ay nagbibigay ng katatagan at nagtataas ng diwang mapanlaban ng antipasistang prente.

Tungkulin ng Partido na magmartsa sa unahan ng nagkakaisang hanay ng mga pwersang anti-Estrada at labanan ang mga antidemokratiko at anti-mamamayang pakana ni Estrada habang patuloy na pinaiigting ang pakikidigmang gerilya sa kanayunan at pinalalakas at pinalalawak ang pagkakaisa ng sambayanan para kamtin ang rebolusyonaryong pagbabago ng lipunan.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Hulyo 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Puspusang ilantad, labanan at ihiwalay ang reaksyunaryo, papet at pasistang rehimeng US-Estrada

Agosto 20: Natitipong unos laban sa naghaharing pangkating Estrada
Tatalim ang alitan ng mga reaksyunaryo hinggil sa pagbabago ng konstitusyon
Oplan Makabayan:
Pasistang pakana ng rehimeng US-Estrada

Tugon ng Timog Katagalugan sa Oplan Makabayan:
Taktikal na opensiba, kilusang masa

Ang malupit na hagupit ng liberalisasyon at deregulasyon sa sektor ng pangisda
Ang 'corporative scheme' ni Danding:
Ibayong pahirap sa mga magsasaka

Usaping "coco levy":
Lutong Danding pa rin

Pag-iral ng mga kartel:
Monopolyo sa industriya ng asukal at iba pang pangunahing tanim

Ika-1 ng Oktubre 1999:
Ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng tagumpay ng Rebolusyong Tsino!

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.