Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang lumalawak na imperyo ni Lucio Tan

 Read this article in English

Sa pamamagitan ng proteksyon at mga paborableng patakaran ng reaksyunaryong rehimeng Estrada, ibayong lumalawak ang puupuong bilyong pisong imperyong negosyo ni Lucio Tan.

Todo-larga ang paggamit ni Estrada sa burukratikong kapangyarihan at impluwensya upang bigyang-pabor at -pribilehiyo si Lucio Tan. Bukod sa pakinabang ni Tan sa pagbabasura sa kanyang kaso ng di pagbabayad ng P25 bilyong halaga ng buwis, sa todo-todong suportang ibinibigay ng reaksyunaryong gubyerno sa operasyon ng pag-aari niyang Philippine Airlines (PAL) at sa pagsakmal niya sa Philippine National Bank (PNB) nitong Disyembre, ngayon ay nagmamaniobra pa siya upang kalawitin ang National Steel Corporation (NSC).

Mula nang maupo sa poder, buung-buong sinuportahan ni Estrada si Lucio Tan upang maisalba ang huli sa pagkabangkrap ng PAL. Sa udyok ni Estrada, pinangasiwaan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang pag-aayos ng 12-taong palugit sa pagbabayad sa $2.24 bilyong utang ng PAL upang maibsan ang mga problema sa pinansya at mapigil ang pagsasara ng korporasyong pag-aari ni Tan. Sa kabila ng pagtutol ng ilang bangko, pinagtibay ng SEC ang pananatili ni Tan bilang tagapangulo at pangunahing pinunong tagapagpaganap ng PAL.

Bilang pabor kay Tan, na dagdag namang pahirap sa mga migrante at iba pang pasaherong Pilipino na tatamaan ng mas mataas na pasahe, itinutulak ng gubyernong Estrada sa pamamagitan ng Civil Aeronautics Board (CAB) at Department of Foreign Affairs ang pagrepaso at pagrebisa ng mga kasunduan sa himpapawid upang bawasan ang kinakargang pasahero ng ibang mga kumpanyang lumilipad sa rutang Maynila patungo o mula sa US, Korea, Hong Kong, Taiwan at Singapore. Nitong Oktubre, iniutos ng gubyerno ang pagbabawas ng 6,500 mula 9,600 pasaherong kinakarga ng China Airlines at Eva Airways sa rutang Pilipinas-Taiwan. Iniatras ang kautusan matapos magulantang ang gubyernong Estrada sa tuluyang pagputol ng Taiwan sa ugnayang panghimpapawid ng dalawang bansa at pagbantang paalisin ang libu-libong migranteng Pilipino na naghahanapbuhay sa Taiwan.

Pinangunahan din mismo ni Estrada ang paninindak at panunupil sa mga manggagawa ng PAL na nagwelga laban sa malawakang pagpapatalsik at kontraktwalisasyon at kaswalisasyong ipinatupad ni Tan. Sa pakikipagsabwatan ng ilang dilaw na pinuno ng unyon na nasa impluwensya ng mga rebisyunista at oportunistang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)� naipilit sa mga manggagawa ang kasunduang nagbabawal ng welga at nagsususpindi ng anumang negosasyon sa Collective Bargaining Agreement (CBA) sa loob ng 10 taon, kapalit diumano ng stocks na nagkakahalaga ng P60,000 para sa bawat manggagawa.

Alinsunod sa kanyang pangako kay Tan na hindi niya bibigyang-layaw� ang mga manggagawa, ilang ulit na tinakot ni Estrada ang mga nagwelgang manggagawa ng PAL. Noong Hunyo, ipinatawag ni Estrada sa Malakanyang ang mga pinuno ng mga unyon sa PAL upang sindakin sila na tanggapin ang mga patakaran ni Tan kaugnay ng moratoryum sa welga at suspensyon ng CBA. Lagpas pa rito, idineklara ng korte na iligal ang welga ng Hunyo 1998. Nagbigay ito ng buong laya kay Tan na sipain ang mahigit 7,000 manggagawa mula sa PAL.

Sa pakikipagsabwatan ni Tan sa CAB at Air Transportation Office (ATO), inipit ang aplikasyon para sa operasyong internasyunal ng Air Philippines na pagaari ni William Gatchalian upang pilitin si Gatchalian na ibenta kay Tan ang 50% ng kanyang kumpanya. Naisakatuparan ito nitong Nobyembre.

Pinagtibay ni Tan ang kontrol niya sa PNB nitong Disyembre 8 matapos niyang maibulsa ang 35% ng stocks nito at ihalal ang sarili at kanyang mga kasapakat sa Lupon ng mga Direktor ng bangko.

Noon pang Oktubre ay sinimulan na ni Tan ang pag-iipon ng stocks ng PNB sa pamamagitan ng Luys Securities Co. Inc. at ng Mandarin Securities Co. Inc. Ang mga mayari ng dalawang kumpanyang ito ay pawang kilalang malalapit na kasosyo ni Tan.

Sinisipat ni Tan na kontrolin ang absolutong mayoryang pag-aari ng PNB sa pamamagitan ng pagbili sa 35% stocks na nakatakdang ibenta ng gubyerno sa susunod na taon. Inihahanda rin ni Tan na pagsanibin ang PNB at ang pag-aari niyang Allied Bank upang buuin ang isa sa pinakamalaking bangko sa Pilipinas.

Interesadung-interesado si Tan sa PNB pangunahin dahil layunin niyang kontrolin ang bangkong may pinakamalaking pinagkakautang ang PAL. Sa pamamagitan ng pagkontrol ni Tan sa PNB, magagawa niyang paluwagin ang mga patakaran sa pagbabayad ng utang ng PAL o kaya�y ipitin ang pagpapautang sa mga karibal na korporasyon. Ang pagkontrol ni Tan sa PNB ay naka-ugnay din sa iskema niyang sakmalin ang NSC.

Nitong Nobyembre ay nagsara ang NSC matapos pagkaitan ng palugit sa pagbabayad sa mga utang sa mga bangko, pangunahin ang PNB. Pero di tulad ng PAL, ang NSC ay pinabayaan ni Estrada na tumiklop dahil sa P15.4 bilyong utang na di mabayaran (na di hamak na mas maliit kumpara sa mahigit P80 bilyong utang ng PAL). Bago nito, ilang ulit na tinanggihan ng gubyerno ang kahilingan ng NSC na magpataw ng mga restriksyon sa pagtatambak ng murang mga sobrang produktong bakal mula sa Rusya. Bunga ng gayong kumpetisyon, naipit ang negosyo ng NSC. Hindi rin pinagkalooban ng mga insentibo ang NSC upang mapangibabawan nito ang suliranin sa mga di mabayarang utang.

Anim na bilyong piso sa P15.4 bilyong utang ng NSC ay hawak ng PNB. Upang mapasakamay ni Tan ang NSC, kinakailangan lamang na �patawarin� ng PNB ang pautang na ito kapalit ng stocks sa korporasyon (debt to equity swap). Sa gayong paraan, mapapasakamay ni Tan ang malaking sosyo ng NSC na hindi na dumadaan sa pampublikong subasta.

Inihahanda ngayon ng reaksyunaryong gubyernong Estrada ang mga hakbang na aayuda sa plano ni Tan na sakmalin ang NSC. Kabilang dito ang pagsasakatuparan ng mas matataas na taripa sa importasyon ng mga produktong bakal upang hadlangan ang pagbaha ng murang bakal mula sa Rusya. Ito ang mismong patakarang hiniling ng dating mga namumuhunan sa NSC na ipinagkait ng gubyernong Estrada bago ipinag-utos ang pagsasara ng NSC. Inihahanda rin ni Estrada ang mga insentibo upang akitin ang mga dayuhang malalaking kapitalistang makakasosyo ni Tan sa NSC.

Si Lucio Tan ang isa sa mga pangunahing malaking kapitalistang kumprador sa Pilipinas.

Kabilang sa kanyang malalaking negosyo ang Allied Banking Corp., Oceanic Bank, Eastern Pacific Bank, Asia Brewery Inc., Tanduay Distillery, Fortune Tobacco Corp., Macroasia Corp. (airline catering), Century Park Sheraton Hotel, Charter House Hotels, Foremost Farms Inc. (babuyan) at Asian Pacific Equity Corporation (APEC na ngayo�y nakalista bilang Tanduay Holdings sa stock market). Sa masmidya, mayroong bahaging pag-aari si Tan sa ABS-CBN (3%) at pinaniniwalaang may interes sa dyaryong Philippine Post. Mayroon siyang mga ari-arian sa Hong Kong na kinabibilangan ng tatlong residential tower sa Queen�s Garden (di bababa ang halaga sa $650 milyon); ang Eton Tower, isang 24-palapag na gusali sa Causeway Bay ($103 milyon noong 1993); isang residential site o subdibisyon sa Cox�s Road ($132 milyon); at ang Dynamic Holdings na nagmamay-ari ng 30-palapag na Dynamic Cargo Center at mga lupa at gusali sa Shenzen at Guangzhou sa Tsina ($600 milyon).

Sa kabuuan, tinatayang mahigit sa $2 billion ang halaga ng mga pag-aari ni Tan at nag-iempleyo ng may 46,000 manggagawa.

Kinamal ni Tan ang kanyang imperyo sa negosyo sa pamamagitan ng tulong, pabor, proteksyon at mga pribilehiyong inilaan sa kanya ng mga nakaraang burukratang kapitalistang rehimen laluna noong panahon ng diktadurang Marcos. Isa siya sa mga pangunahing nagbibigay ng kontribusyon sa pondong pampulitika ng mga reaksyunaryong pulitiko katulad ng ilandaang milyong pisong kontribusyon niya sa kampanya ni Estrada noong 1998.

Sa ilalim ng pasistang diktadura lumago nang husto ang operasyong kumprador ni Tan. Nakinabang nang husto ang negosyo ni Tan sa mapaniil na paghaharing pasista. Kilalang union-buster si Tan noong panahon pa ng batas militar dahil sa pangwawasak ng mga unyon kabilang na ang unyon ng mga manggagawa sa Fortune Tobacco.

Nagpatuloy ang paglawak ng imperyo ni Tan sa ilalim ng rehimeng Aquino at Ramos. Sa kabila ng pagiging isa sa mga pinakamalaking alipures ng diktador na si Marcos, sa pangkalahatan ay nanatili sa kamay niya ang kanyang yamang kinamal sa ilalim ng batas militar.

Gustong palabasin ni Tan na siya ay inapi sa panahon ni Ramos. Ngunit katunayan, noong 1996, tumubo si Lucio Tan ng P2.315 bilyon nang ipagbili sa kanya ng gubyernong Ramos ang 463 milyong shares of stock ng PAL sa diskwentong 64%. Ang bawat isang stock ng PAL na nagkakahalagang P14 ay binili ni Tan sa halagang P5 lamang.

Ibayong lumalala ang kroni-ismo at mga operasyong burukratang kapitalista sa ilalim ng reaksyunaryong rehimeng Estrada. Tanda ng lalim ng krisis at ang ibinubunga nitong pag-uunahan ng malalaking burgesyang kumprador na kontrolin ang mga malaking negosyo, hawakan ang pondo ng gubyerno at mga bangko, mga kontrata sa obras publikas, ang kolonyal na kalakalan at pakikipagsosyo sa mga dayuhang monopolyo.

Si Lucio Tan ang isa sa pinakamalalaking kroni/ padrino na nakinabang na sa mga hakbang ng gubyernong paborable sa kanilang interes. Kabilang din sa mga kroni/padrino ni Estrada si Eduardo Cojuangco Jr., ang pamilyang Marcos, William Gatchalian, Mark Jimenez, ang malalaking sindikato sa ismagling at iba pa.

Kapalit ng mga patakarang pabor sa kanilang interes pang-negosyo ay ang todo-todong pagsuporta ng mga kroni sa rehimeng Estrada. Kabilang dito ang pagbili ni Mark Jimenez sa Manila Times upang magsilbi ang dyaryong ito, na dating kritiko ni Estrada, bilang tagapagtanggol ng gubyerno. Nandiyan din ang sabwatan ng mga negosyante at ahensya ng gubyerno na iboykot ang Philippine Daily Inquirer upang pwersahin itong tumiklop at tumigil sa mga anti-Estradang kritisismo. Kabi-kabila ang pagputok ng reklamo ng mga reaksyunaryong anti-Estrada laban sa kroni-ismo. Hindi masikmura, kahit ng mga reaksyunaryo, ang pagkandili ni Estrada sa mga kilala at kinamumuhiang kroni ng diktadurang Marcos, katulad ni Lucio Tan, ang sadyang mas garapal na operasyon ng malalaking kroni at ang mas direktang pangangasiwa at pag-ani ni Estrada ng pakinabang mula rito. Tanda ito ng patuloy na pagkitid ng puwang na maaaring pagsalu-saluhan ng mga naghaharing uri at ng mga pakinabang at pribilehiyong kaakibat ng burukratikong kapangyarihan.

Ang burukratang kapitalismo at kroni-ismo ay lalong pinalalala ng gubyerno ni Estrada. At habang tumatagal ay lalo niyang pinalalawak ang hanay ng nagkakaisang mamamayang militanteng lumalaban sa paghahari ng kanyang bulok at kasuklam-suklam na rehimen.

 


Previous articleBack to topNext article

12 Nobyembre 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Samantalahin ang krisis sa paghahari ng reaksyunaryong rehimeng Estrada

Editoryal:
Batiin ang ika-21 siglo at ang bagong milenyo nang may kapasyahang paigtingin ang rebolusyon

Hinggil sa mga batayan at espesyal na taktikal na opensiba
Ang unos ng paglaban sa globalisasyon
Ang lumalawak na imperyo ni Lucio Tan
Sa pag-upo ni Lacson bilang hepe ng PNP:
Paghasa sa pasistang pangil ng rehimeng US-Estrada

Tumitinding pasismo ng rehimeng US-Estrada
Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Tungkol sa diumano�y malawakang pagrerekrut ng BHB ng mga mandirigmang bata

Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Ilang mahahalagang impormasyon

Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Memorandum hinggil sa minimum na rekisitong edad para sa mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan

Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Pag-oorganisa ng mga bata sa kanayunan

Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Ang miserableng kalagayan ng mga manggagawang bata sa Pilipinas

Ang karapatan ng mga batang Pilipino
Kontra-rebolusyonaryong karahasan laban sa mga bata sa kanayunan

Hinggil sa usapin ng nasyunalidad at karapatan sa pagpapasya sa sarili
Malawakang pagkilos para sa karapatang-tao, idinaos
Ang moro-morong negosasyon sa pagitan ng rehimeng US-Estrada at pangkating Tabara-dela Cruz
Di makataong pagtrato kay Ka Parago, kinundena
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.