Mga tagumpay sa Pampanga, ipinagbunyi
Ipinagbunyi ng Bagong Hukbong Bayan-Pampanga noong Oktubre 12 ang matatagumpay na taktikal na opensiba na nailunsad sa buong kapuluan. Anila, ang mga ito ay "matutunog na tugon sa todo-digmang kampanya ng rehimen". Partikular sa Pampanga, sagot ito sa matagal nang kahilingan ng masa na "bigwasan ang teroristang AFP at bandidong RHB". Ilan sa mga matagumpay na opensiba ang sumusunod:
Agosto 16, 2002, 10:00 ng umaga. Kinubkob ng isang yunit ng BHB ang lima-kataong Recon-Force Team ng 69th IB ng Philippine Army na nagsagawa ng paniniktik sa Sityo Labak, Cauayan, Mexico, Pampanga. Napatay sa raid ang isang sarhento at isang upisyal-paniktik at malubhang nasugatan ang iba pa. Nasamsam ang isang M14, isang M16, 9 mm na pistola at mga dokumento.
Agosto 30, 2002, 5:30 ng hapon. Inambus ng mga Pulang mandirigma ang bandidong pangkat na RHB sa kontrol ng ilog sa San Patricio, Mexico. Nadurog ang mga tulisan sa mapangahas na opensiba. Ikatlong ambus na ito laban sa tulisang RHB.
Nagsitakbuhan ang mga ito sa unang engkwentro noong Pebrero 14 sa San Agustin, Sta. Ana at sa ikalawa noong Marso 11, sa spillway ng Sto. Rosario, Mexico. Nauna pa rito, pinarusahan ng BHB ang mga sagadsaring pwersa nito na naghasik ng terorismo sa mga inosenteng sibilyan tulad ni Rey "Karla" Lagman at iba pa. Anang BHB, ito ay paggawad ng rebolusyonaryong hustisya sa lahat ng biktima ng RHB.
Agosto 31, 2002, 1:00 ng umaga. Inambus ng isang yunit ng BHB ang isang owner-type na dyip na sinakyan ng pinagsanib na intelligence network ng 703rd Bde at PNP, sa San Jose, Lubao. Katatapos lamang nilang magpulong sa isang resort. Apat na kaaway ang napaslang sa nasabing pananambang.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|