Matatagumpay na Opensiba ng BHB
Abusadong yunit ng AFP, pinarusahan ng BHB sa Cagayan
Matinding parusa ang iginawad ng Henry Abraham Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Cagayan sa abusadong 17th IB nitong Setyembre 30. Ayon sa pahayag ni Salvador del Pueblo, tagapagsalita ng National Democratic Front sa Northeastern Luzon, pitong tropa ng kaaway ang namatay at anim ang nasugatan sa pananambang na inilunsad ng mga Pulang mandirigma sa Sityo Ladac, Caruppian, Baggao. Nakasamsam ang BHB ng dalawang M14, dalawang M16, mga kagamitang pangkomunikasyon at iba pang gamit pandigma at mga dokumentong may mataas na halaga sa paniktik.
Ang mga inambus na tropa ay kabilang sa laking-brigadang Operation Phantom na tatlong buwan nang naglulunsad ng strike operations sa mga bayan ng Baggao, Gattaran at Alcala.
Malaon nang hinihiling ng masa na parusahan ang 17th IB dahil sangkot ito sa mga kaso ng pananalbeyds, panunupil at pananakot sa mga magsasaka, sapilitang pagpapagiya sa mga menor de edad sa mga operasyong militar, pamiminsala sa mga sakahan at pagnanakaw ng mga alagang hayop ng mga magsasaka.
Pagkatapos ng labanan, nilapatan ng BHB ng paunang lunas ang mga sugatang tropa ng kaaway na sumuko o nasukol na at wala nang kakayahang lumaban.
Mga sundalo, tinambangan sa Zamboanga Sibuguey
Tatlong elemento ng 38th Special Forces Company ng Philippine Army ang namatay nang ambusin sila ng isang yunit ng Wilson Feliciano Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Western Mindanao noong Setyembre 29. Inilunsad ang ambus sa Barangay Pe�aranda, Kabasalan, Zamboanga Sibuguey. Kabilang ang mga sundalo sa 13-kataong iskwad na nagpapatrulya bandang alas-8 ng umaga. Di rin mabilang ang dami ng mga sugatang kaaway samantalang wala ni isang kaswalting natamo ang BHB.
Ayon sa pahayag ni Ismael Marte, tagapagsalita ng PKP-BHB sa rehiyon, umabot hanggang 9:15 ng umaga ang labanan na naganap malapit lang sa isang detatsment ng AFP. Ang mga inambus na tropa ay kabilang din sa maneuver force ng 102nd Infantry Brigade.
Isang patay at isang sugatan lamang ang inaming kaswalti ng 102nd Bde. Subalit pinagkakanyon naman ang mga komunidad ng mga sibilyan sa bulubunduking bahagi ng Barangay Diampak na pinaniniwalaan nilang balwarte ng BHB.
Mariing binatikos ni Marte ang panganganyon bilang lantarang paglabag sa CARHRIHL at mga pandaigdigang alituntunin ng digma.
Detenidong gerilya, iniligtas ng BHB
Matagumpay na nailigtas ng Ka Paking Guimbaolibot Red Partisan Brigade ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) si Jordan Donillo (Ka Jovan) sa isang 10-minutong operasyon noong Setyembre 30, bandang alas-8:30 ng umaga sa Km. 74, Mawab, Compostela Valley.
Si Ka Jovan, kasama ang apat pang detenido ay lulan ng sasakyan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na patungong bayan ng Nabunturan at gwardyado ng apat na tauhan ng PNP/BJMP nang ilunsad ang operasyong pagliligtas.
Pinahinto ng mga Pulang partisano ang sasakyan at nang hindi ito tumigil ay napilitan silang paputukan ito. Nasugatan ang mga gwardya at nakumpiskahan sila ng tatlong pistolang 9 mm, isang .45, isang shotgun at isang radyong VHF.
Patakaran at praktika ng BHB ang paghahanap at pagsagpang sa anumang pagkakataon para mailigtas ang sinumang kasama mula sa mga manonortyur at mamamatay-taong militar at mula sa bulok na sistema ng hustisyang kontrolado ng mga reaksyunaryo. Kaiba ito sa patakaran ng AFP at PNP na nagpapahalaga lamang sa kapakanan ng nabibihag na upisyal at nagpapabaya sa iba pa.
Para pagtakpan ang kanilang kahihiyan, inimbento ng PNP ang kwento na dinukot umano ng BHB si Ka Jovan upang iharap siya sa paglilitis dahil sa pagbibigay niya umano ng mahalagang impormasyon sa kaaway.
Samantala, sa kaugnay na balita, sinalakay ng isang platun ng BHB noong gabi ng Setyembre 19 ang Magdum Wood Corp. Industry sa San Isidro, Davao Oriental at nakakumpiska ng ilang malalakas na armas. Noong araw ding iyon, nireyd ng isang yunit ng BHB ang detatsment ng PNP sa Pantukan, Compostela Valley kung saan napatay ang isang pulis.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|