Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Tinatahak ng AFP ang landas ng kabiguan

 Read this article in English

Ang landas ng pagtatanggol sa papet, reaksyunaryo at naaagnas na naghaharing sistema ay ang landas ng kabiguang tinatahak ng mersenaryo at papet na Armed Forces of the Philippines. Habang nalulugmok ang naghaharing sistema sa kumunoy ng papalalang krisis, lalo itong sumasandig sa pasismo ng nabubulok na reaksyunaryong militar. Sa kabilang panig, tumitingkad naman ang kabulukan at kainutilan ng AFP at ang tendensya nitong mawasak mula sa loob at idamay ang buong sistema.

Ang susing usapin sa pagkabulok at panghihina ng AFP ay ang pagiging mersenaryo, papet, reaksyunaryo at pasista nito, na humahantong sa malubhang pagkakahiwalay nito sa malawak na masa. Ang pampulitikang pagkabangkarote at pagkahiwalay nito ang saligang kalagayang kinaiiralan ng palala nang palalang internal na demoralisasyon, paksyunalisasyon at alitan.

Nagsisilbi at nagtatanggol ito sa interes ng imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uri, itinataguyod ang dayuhang interbensyong militar at sinusuportahan ang papet na estado at ang pagtataksil nito sa kapakanan at soberanya ng bansa. Malupit nitong sinusupil ang mga nakikibakang demokratikong pwersa at mamamayan. Habang naglalaon, napupunit ang mga pabalat-bunga tungkol sa pagiging makabansa ng AFP at PNP at napupukaw ang patriyotismo kahit ng mga nakabababang upisyal at karaniwang sundalo.

Ang napakatinding pampulitika at panlipunang krisis ay sumasagka sa kakayahan ng AFP na gapiin ang rebolusyonaryong armadong kilusan. Lalo pang lumalaki ang mga sagkang ito dahil sa mabilis na pagkabulok ng buong naghaharing sistema. Ipinatutupad ng rehimeng Arroyo ang laganap na militarisasyon at mga pasistang gawi ng AFP. Makapagdulot man ito ng ilang problemang taktikal laban sa mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa, sa katagalan ay mas malaki naman ang pagbabayaran ng AFP at gubyerno sa larangang militar at pulitika.

Batak na batak na ang mga pwersa ng AFP. Nakatalaga laban sa Bagong Hukbong Bayan ang humigit-kumulang 70% ng kabuuang pwersang panagupa ng AFP. Subalit sa kabila ng laki ng pwersang nakatuon laban sa BHB, hindi kayang panatilihin ng AFP ang malaking konsentrasyon ng pwersa laban sa BHB sa lahat ng panig ng bansa. Malaki-laking pwersa rin ang ginagamit nito sa pagbabantay sa sentro ng reaksyunaryong kapangyarihan dahil sa mga banta ng kudeta; bukod pa sa paglaban sa Moro Islamic Liberation Front, Abu Sayyaf at iba pang armadong pwersang kailangang harapin sa pagdepensa sa reaksyunaryong gubyerno.

Sa pagsisikap na mapangibabawan ang limitasyon sa pwersa, ginagamit ng AFP ang taktika ng mabilisang mobilisasyon, paglilipat-lipat at relatibong pagkokonsentra ng malalaking pwersa nito sa ipinagpapalagay nitong pinakamalalakas na larangang gerilya ng BHB at iba pang lugar kung saan tumitindi ang mga armadong labanan. Sa kabuuang mahigit 120 larangang gerilya ng BHB, mabibilang lamang sa mga daliri ang mga larangang gerilyang kaya nitong konsentrahan sa isang panahon.

Animo�y hilong bumbero, naglilipat-lipat ang AFP ng atensyon saan man sumiklab ang apoy ng mga taktikal na opensiba ng BHB. Kung tutuusin, nag-uumpisa pa lamang ang muling pagsigla ng mga taktikal na opensiba ng BHB.

Sa kabuuan, aabot sa 270,000 ang bilang ng armadong pwersa ng naghaharing estado. Bagamat mas malaki ito kaysa noong panahon ng diktadurang Marcos, higit na napahina na ito. Kasabay ng karagdagang rekrutment sa AFP, ang mas malaking pampuno ng reaksyunaryong estado ay ang mga pwersa ng Philippine National Police at ibayong pinarami pang CAFGU at iba pang grupong paramilitar, na pawang di mabisang maaasahan sa mga labanan. Dahil 80% ng badyet ng militar ay nauubos na sa sweldo, pensyon at iba pang pangangailangan ng mga tauhan ng AFP (liban pa sa ninanakaw ng mga pinuno ang kalakhan nito), nagkukulang ang panustos para sa mga kinakailangang armas at kagamitang militar.

Sa harap ng papalalang krisis pang-ekonomya, masyadong pabigat na sa mamamayan ang AFP at buong establisimyentong militar. Ang napakalaking alokasyon at palaki nang palaking rekursong hinahatak ng mga kontra-rebolusyonaryong gerang walang kakayahang tapusin at ipanalo ng AFP ay bumabangga sa palala nang palalang suliranin ng papalaking depisit ng gubyerno. Kaya lalong hirap ang bangkaroteng reaksyunaryong estado na ibigay ang dagdag na rekursong hinihingi ng AFP. Maibibigay lamang ito kapalit ang malaking kabawasan sa mga kinakailangang serbisyong panlipunan, higit na pagpiga sa mamamayan, ibayong pag-igting ng sosyo-ekonomikong krisis at lalong pagtindi ng pagkamuhi ng mamamayan sa gubyerno.

Susi sa kalitatibong pag-angat ng kakayahan ng AFP sa kontra-rebolusyonaryong digma ang malakihang tulong-militar mula sa US. Kaya�t bulag na itinataguyod ng papet na gubyerno ang pandaigdigang �digmang kontra-terorismo� ng US at hinihikayat ang pagbabase at panghihimasok sa Pilipinas ng mga armadong tropa ng US. Naniniwala rin ang mga pinuno ng reaksyunaryong gubyerno at militar na kailangang-kailangan na rin ng direktang panghihimasok-militar ng US dahil hindi kaya ng mga papet na tropa na epektibong labanan ang lumalakas na mga rebolusyonaryong pwersa. Higit nitong ilululong ang AFP sa pagkamersenaryo at pagkapapet na lalong magwawasak sa anumang ipinapalagay nitong integridad bilang isang pambansang hukbo.

Ang tumitinding demoralisasyon at pagkakahati-hati ng AFP ay nagtutulak dito sa landas ng pagkatalo. Ang lumalakas na paglaban ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan at sunud-sunod na mga pagkatalo at tuluy-tuloy na atrisyon sa kamay ng mga rebolusyonaryong pwersa ay nagdudulot ng papalalang desperasyon ng mga sandatahang pwersa ng gubyerno.

Pinalalala pa ito ng nakatataas na pamunuan sa gubyerno at militar dahil walang pakundangang ipinambabala sa kanyon ang mga sundalo, isinusubo sila sa walang katuturang mga paglaban at inaatasang gumawa ng walang patumanggang pananalasa, maruruming pakana at karumal-dumal na mga krimen laban sa mamamayan. Hindi na ito masikmura ng paparaming mga upisyal at sundalo.

Likas sa AFP ang pagiging di demokratiko, mapaniil at pasista hindi lamang sa pagtrato sa mamamayan kundi pati sa relasyon sa pagitan ng mga upisyal at karaniwang sundalo dahil isa itong marahas na intrumento ng mga reaksyunaryong naghaharing uri para apihin at pagsamantalahan ang mamamayan.

Lalo pang nahahati-hati ang mersenaryong sandatahang pwersa bunga ng ribalan ng malalaking pulitiko at paggamit ng mga ito sa AFP at PNP para sa kanilang paksyunal na interes. Lansakan din ang korapsyon at pagnanakaw, pagkakasangkot sa mga sindikatong kriminal, sobra-sobrang pribilehiyo at maluhong pamumuhay ng mga pinuno ng gubyerno at organisasyong militar na lalong nagpapahirap sa paglaban ng kanilang mga sandatahang pwersa.

Kahit na labis-labis sa ngayon ang superyoridad ng AFP sa BHB sa usapin ng tauhan, armas, organisasyon at pinansya, hindi nito mapipigil ang patuloy na pagsulong ng digmang bayan.

Ang suporta ng masa sa BHB ang mapagpasyang salik sa pagtatagumpay nito. Nakasalig ito sa papalawak at papalalim na baseng masa, sa rebolusyong agraryo at sa malakas na paglahok at suporta ng masa sa digmang bayan. Magkasamang ipinaglalaban ng BHB at ng masa ang magandang kinabukasan para sa mamamayan. Kinakatawan ng BHB at ng rebolusyonaryong kilusan ang mga rebolusyonaryong adhikain at pambansa-demokratikong programang nagsusulong sa interes ng mamamayan. Pinagtutulungan ng BHB at ng masa ang pagbabagsak ng luma�t bulok na kaayusan upang maitayo ang bago�t abanteng sistemang panlipunan.

Di maitatangging salik sa pagwawagi ng BHB ang pagiging malapit nito sa masa ng sambayanan. Nanggaling ang karamihan ng mga pwersa nito sa pinakamahuhusay na anak ng bayan. Nakatuon ang kalakhan ng panahon nito sa gawaing masa na napakahalagang salik sa mahusay na gawaing militar. Binubuhay ng masa ang mga pwersa ng BHB kaya�t hindi ito nakasandig sa anumang ayudang panlabas. Sa lahat ng mga aksyon at gawain nito, lagi nitong isinasaalang-alang ang interes at kapakanan ng mamamayan. Tangan ng mga upisyal at mandirigma nito ang mataas na diwa ng pagmamahal at paglilingkod sa mamamayan at malakas na diwang palaban.

Sabayang umiiral ang demokrasya at disiplina sa loob ng BHB. Mahigpit nitong ipinatutupad ang Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan ng hukbong bayan at mga patarakan ng Partido at BHB. Kasabay nito�y masiglang ipinatutupad ang sistema ng tatlong demokrasya�demokrasya sa pulitika, demokrasya sa kabuhayan at demokrasyang militar.

Masusing pinag-aaralan at inaangkupan ng Partido at BHB ang kalagayan ng lipunan at ang katangian at galaw ng mga reaksyunaryong pwersang militar. Kaya epektibong nakapagbabalangkas ang BHB ng matagumpay na estratehiya at mga taktika sa pagsusulong ng digmang bayan. Sa malakolonyal at malapyudal na kalagayan ng bansa at sa kasalukuyang yugto ng digmang bayan, wastong ipinatutupad ng BHB ang estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan hanggang sa bumagsak sa katapusan ang pinakasentro ng kapangyarihang pampulitika ng kaaway.

Naglulunsad ang BHB ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya. Naglulunsad ito ng mga taktikal na opensiba laban sa mahihina at nahihiwalay na pwersa ng kaaway habang iniiwasang sumagupa sa mas malakas na mga pwersa ng kaaway. Nagpapalawak ito sa mga lugar na mahina ang kaaway kahit pa tinitiyak na naipagpapatuloy ang gawaing pampulitika, namamantine ang ugnay, paggabay at pag-oorganisa sa masa at naisusulong ang mga pakikibakang masa sa mga lugar na matindi ang konsentrasyon at pananalasa ng militar.

Samantalang tinatahak ng mga reaksyunaryong sandatahang pwersa ng kaaway ang landas ng kabiguan, nagmamartsa naman ang BHB at mga rebolusyonaryong pwersa sa landas ng tiyak na tagumpay. Walang dudang sa tuluy-tuloy na pagsusulong ng digmang bayan ay malilipol ng BHB at mga rebolusyonaryong pwersa ang AFP at iba pang reaksyunaryong pwersa at makakamit ang ganap na tagumpay.

 


 Back to topNext article

21 Agosto 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Tinatahak ng AFP ang landas ng kabiguan
Matinding korapsyon sa AFP
Ang garapal na pagpatay kay Jessica Chavez
Mga Ulat Koresponsal:
Pananaig ng rebolusyonaryong kilusan sa Southern Tagalog

Pagpapaigting ng pampulitikang interbensyon ng US sa bansa:
Paggamit sa prosesong pangkapayapaan

Tumitinding pakikibakang unyon sa SMC
Ka Bert Olalia�dakilang bayani ng uring manggagawa
Matatagumpay na opensiba ng BHB
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.