Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Buuin ang malawak na pagkakaisa ng mamamayan para pabagsakin ang rehimeng US-Arroyo

 Read this article in English

Patuloy na sumisidhi ang krisis sa pulitika ng naghaharing sistema bunga na rin ng pag-igting ng krisis pang-ekonomya at panlipunan.

Mas matindi at mas marahas ngayon ang kontradiksyon sa pagitan ng reaksyunaryong rehimen at mamamayang Pilipino; gayundin, ang kontradiksyon sa pagitan ng iba't ibang paksyon sa militar at sibil na burukrasya.

Hindi nalutas ng eleksyon, at bagkus ay pinatindi pa ng nangyaring malawakang pandaraya at pandarahas, ang kanilang mga hidwaan. Nagduduruan din ngayon ang mga reaksyunaryong pulitiko kung sino sa kanila ang may pinakamatitinding responsibilidad sa korapsyon at pagwawaldas sa pampublikong pondo.

Ang mamamayan naman ay pinahihirapan ng rehimeng US-Arroyo ng mga patakaran ng pagtitipid at pagpapalaki ng kita. Sa kabilang panig, sila'y binubusalan upang di makasigaw�ang kanilang mga pagkilos ay malupit na sinusupil.

Habang papabilis ang pagtindi ng krisis pampulitika at pang-ekonomya ng naghaharing sistema, lalong dumarami ang mga pagkakataon para mailantad ang tunay na ugat ng krisis at pataasin ang antas ng kamulatan at pakikibaka ng mamamayan.

Dapat sagpangin ang mga pagkakataong ito upang mas mabilis na mabuo ang malawak na pagkakaisa ng mamamayan at humantong ito sa makapangyarihang kilusang magpapabagsak sa rehimeng US-Arroyo.

Mabubuo ang malawak na pagkakaisa ng mamamayan batay sa sumusunod na mga kagyat na isyu, na kung susumahin ay nagpapakita kung bakit hinog na hinog na ang sitwasyon para pabagsakin ang naghaharing rehimen.

  1. Pinahihintulutan ni Arroyo ang walang humpay na pagtataas sa presyo ng langis na nagbubunga ng matinding kahirapan sa mamamayang Pilipino. Pabor ang kanyang rehimen sa walang humpay na pagkamal ng supertubo ng mga monopolyong kumpanya sa langis kahit ang katumbas nito ay ang ibayong pagdurusa ng mamamayan. Nagbibingi-bingian siya sa laganap na kahilingang ibasura na ang batas sa deregulasyon ng industriya ng langis.

  2. Hinahayaan ni Arroyo na tuluy-tuloy na tumaas ang presyo ng pagkain at iba pang batayang kalakal at serbisyo. Ang totoo, ang pagtataas ng bayad sa kuryente at tubig ay alinsunod pa sa utos ng kanyang gubyerno. Habang pinapaboran niya ang malalaking negosyanteng nakikinabang sa gayong mga kautusan, walang lubay ang kanyang pagtutol sa anumang makabuluhang karagdagan sa minimum na sahod. Sa halip, nagpapakana na lamang siya ng pantapal na mga hakbangin tulad ng pamumudmod ng food coupons.

  3. Bigong-bigo siya sa paglikha ng mga ipinangako niyang trabaho. Ito'y dahil wala siyang ginawang anumang hakbang tungo sa pagpapatupad ng pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa. Ganap siyang umaasa sa pag-eeksport ng paggawa upang maibsan ang problema sa disempleyo. Sa loob ng bansa, ang tanging naipagmamalaki niya ay ang pagdami ng mga call-center na walang signipikanteng naiaambag sa ekonomya at tiyak ding mapapawi sa loob lamang ng ilang taon.

  4. Pinamamalagi niyang labis na palaasa ang ekonomya ng Pilipinas sa mga utang panlabas, na humantong sa palala nang palalang krisis sa utang panlabas ng bansa. Umaabot na ngayon sa $56.3 bilyon ang utang panlabas ng Pilipinas, na kalakhan ay di ginastos sa mga bagay na kapaki-pakinabang sa mamamayan. Sa 2005, aabot na sa P2 trilyong ang aaksayahin ng rehimeng Arroyo sa bayad-utang. Sa kabila nito, patuloy na tumatanggi si Arroyo na itakwil ang Automatic Appropriations Act, na kumakaltas sa napakalaking porsyento ng pampublikong pondo sa pagbabayad ng mga utang na di pinakinabangan ng taumbayan.

  5. Habang patuloy sa pagbabayad ng utang sa mga dayuhan, binabawasan naman ni Arroyo ang badyet para sa mga serbisyong panlipunan. Tinaasan pa ng kanyang gubyerno ang singil sa mga serbisyong panggubyerno, kung kaya lalo nang di makayanan ng masang anakpawis na magpaaral ng kanilang mga anak at magpagamot kahit sa mga pasilidad ng gubyerno. Sige rin ang pagtanggi ni Arroyo na taasan ang sahod ng mga kawani ng gubyerno, kaya libu-libo sa kanila ang nangingibang-bayan, laluna ang mga propesyunal sa sektor pangkalusugan.

  6. Plano ng kanyang gubyerno na magpataw ng mga karagdagang buwis, na lalo lang magpapabigat sa mga pasanin ng sambayanang Pilipino. Sa ngayon ay nakasalang na ang pagpapatupad ng mga karagdagang buwis sa alak at sigarilyo at binabalak na rin ang mga dagdag na buwis sa mga produktong langis at serbisyo sa telekomunikasyon. Nagpapakita lamang ito ng kawalang-habag ni Arroyo sa napakaaba na ngang kalagayan ng mamamayan. Sa kabilang banda, wala siyang anumang plano na ibalik sa mamamayan ang dagdag na kitang buwis sa anyo ng pinahusay na serbisyo sa kalusugan, edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan.

  7. Dinala ni Arroyo sa ibayong antas at saklaw ang burukrata kapitalistang korapsyon. Sina Gloria at Mike Arroyo at anak nilang si Mikee mismo ay gumagamit ng kanilang kapangyarihan at impluwensya para magkamal ng milyun-milyong pisong suhol at lumahok sa mga maanomalyang transaksyon. Pinoproteksyunan ni Arroyo ang tiwaling mga upisyal kapalit ng bahagi sa kanilang kurakot.

  8. Pinakakawalan ng kanyang rehimen ang walang kaparis na karahasan laban sa mamamayan. Naglulunsad ito ng marahas na "teroristang gera" na ang pangunahing tinatarget ay ang mga di armadong sibilyan at mga organisasyong masa kapwa sa lunsod at kanayunan. Ito'y sa desperasyong pigilan ang pagsulong ng armadong rebolusyonaryong kilusan. Isinasangkalan nito ang umano'y mga pakanang destabilisasyon at gumagamit ito ng kamay na bakal para supilin ang anumang pagtutol. Paulit-ulit na dinidispers ang mga demonstrasyon sa lansangan, laluna iyong isinasagawa ng mga anakpawis upang iparating ang kanilang demokratikong mithiin.

  9. Pinaghahandaan na nito ang pagsasaisantabi sa negosasyong pangkapayapaan sa NDFP. Ang gubyernong Arroyo na mismo ang nagsasara sa posibilidad na malutas sa pampulitikang pamamaraan ang armadong tunggalian dahil sa pagpapataw nito ng mga makaisang-panig na prekondisyon na lumalabag sa nauna nang napagkasunduang mga prinsipyo. Isa na ang pagpapadeklara ng tigil-putukan sa NDFP bilang kundisyon sa pagpapatuloy ng usapan. Sa kabilang banda, hindi tinutupad ng rehimeng Arroyo ang obligasyon nito sa ilalim ng mga dati nang kasunduan, na gumawa ng mga positibong hakbangin para maipatanggal sa listahan ng US ng mga "terorista" ang PKP, BHB at si Kasamang Jose Maria Sison.

  10. Walang kapantay ang pagpapakapapet ni Arroyo sa imperyalismong US. Di lang niya pinahihintulutan kundi hinihikayat pa ang gubyernong US na pag-ibayuhin ang interbensyong militar nito sa Pilipinas sa porma ng mga "magkasanib na pagsasanay-militar." Ipinakita niya ang kawalang-pagpapahalaga sa pambansang soberanya nang pahintulutan niya ang US na magtakda ng pambansang patakaran sa pamamagitan ng unilateral at walang batayang pagsasama sa PKP, BHB at kay Ka Jose Maria Sison sa listahan nito ng "mga dayuhang terorista." Nagpapatupad siya ng mga patakarang pang-ekonomya ayon sa linya ng "imperyalistang globalisasyon" na labag sa pambansang patrimonya ng Pilipinas at nagpapahintulot sa mga dayuhang monopolyo kapitalistang mga kumpanya na kontrolin ang mga estratehikong pampublikong empresa sa kapinsalaan ng mga Pilipinong negosyante at ng sambayanang Pilipino.

ANG mahahalagang usaping ito ay nagtutulak sa mamamayan na magkaisa upang pabagsakin ang kasalukuyang gubyerno.

Sa pangambang muling sumiklab ang isang pag-aalsang bayan, ginagamit ng rehimeng US-Arroyo ang mas mararahas pang pamamaraan upang supilin ang mamamayan. Karaniwan na ang paggamit ng "anti-teroristang kampanya" bilang sangkalan.

Ang ipinangangalandakan namang pagpapalit ng sistema ng gubyerno mula presidensyal tungong parlamentaryo ay walang ibang layunin kundi ang linlangin ang mamamayan ng ilusyon ng pagbabago. Ang pagbabago sa konstitusyon ay gagamitin pa upang bagbagin ang mga karapatang sibil at pampulitika, bigyang-daan ang pagpapataw ng batas militar, pawiin ang prinsipyo ng soberanyang pang-ekonomya, isubasta ang pambansang patrimonya, tanggalin na ang natitirang restriksyon sa dayuhang pamumuhunan at tahasan nang pahintulutan ang muling pagpapapasok ng mga base militar at tropa ng US.

Lalong humihigpit ang pangangailangan na bigkisin ang lahat ng patriyotiko at progresibong pwersa, kabilang ang mga tunay at tapat na kinatawan ng mga manggagawa, magsasaka, panggitnang pwersa at pati mga burukratang sibilyan at tauhang militar na bumabatikos at nagtatakwil sa korapsyon at sa pagiging sunud-sunuran sa US ng mga naghaharing pulitiko.

Ang mabubuong kooperasyon sa pakikibaka para pabagsakin ang rehimeng US-Arroyo ay maaaring magtuluy-tuloy sa pagbubuo ng bagong gubyernong mas makatutugon sa mga demokratiko at patriyotikong hangarin ng mamamayan.

Gayunpaman, ang pangmatagalang solusyon ay nakasalalay sa pananagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa pamamagitan nito, mahahawakan ng mga manggagawa, magsasaka at panggitnang pwersa ang kapangyarihan at makapagpapatupad ng mga patakarang magtataguyod sa pambansang soberanya at patrimonya, at papawi sa paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo, magpapaunlad sa ekonomya sa paraang sumasandig-sa-sarili at magtataguyod ng patakarang panlabas na magsusulong sa pandaigdigang pagkakaisa, pag-unlad, pantay-pantay na relasyon sa ekonomya sa lahat ng bansa at pandaigdigang kapayapaan.

 


 Back to topNext article

07 Nobyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Buuin ang malawak na pagkakaisa ng mamamayan para pabagsakin ang rehimeng US-Arroyo
Gawaing rekoberi sa mga Aggay sa Gattaran, Cagayan
BHB at AFP: Magkasalungat sa diwa't gawa
Pagbubuo ng hukbong kontra-mamamayan
Sadyang magkaiba ang AFP at BHB�Gen. Jarque
Mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa China ng 1949-1976:
Sagot sa krisis pang-ekonomya: Rebolusyon at sosyalistang konstruksyon

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.