Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Samantalahin ang tumitinding mga hidwaan ng mga reaksyunaryo

 Read this article in English

Dahil sa kabiguang lutasin ang mga suliraning sosyo-ekonomiko, malalang korapsyon, todo-todong pagpapahintulot sa pagpasok ng mga tropang Amerikano, militarismo at pagtalikod sa prosesong pangkapayapaan, mabilis na nahihiwalay ang rehimeng Macapagal-Arroyo sa mamamayang Pilipino.

Sa mga demonstrasyon sa Maynila at iba pang bahagi ng bansa nitong Mayo 1, humigit-kumulang 75,000 manggagawa ang nanawagan para sa pagpapatalsik sa rehimeng Macapagal-Arroyo. Bago ito, naglunsad ng demonstrasyon ang libu-libong kababaihan na tumuligsa kay Macapagal-Arroyo bilang "taksil sa inang bayan". Mula pa Pebrero, tuluy-tuloy ang mga protesta sa Maynila at iba pang lunsod laban sa paglulunsad ng Balikatan. Sunud-sunod rin ang mga demonstrasyon ng iba't ibang aping sektor na nagtatanggol sa kanilang mga interes.

Mabilis na nahihiwalay ang rehimeng Macapagal-Arroyo kahit sa hanay ng petiburgesyang lunsod na malawakang lumahok sa EDSA 2. Parami nang parami sa kanila ang lumalahok sa mga alyansa ng iba't ibang mga patriyotiko at demokratikong pwersa laban sa korapsyon, pagtaas ng presyo at singil sa langis, kuryente at tubig, at laban sa armadong panghihimasok ng US.

Nagpipilit magpabango si Macapagal-Arroyo

Hindi mapagtakpan kahit ng sarbey ng mga burges na institusyon na mabilis na bumababa ang popularidad ni Macapagal-Arroyo. Desperado si Macapagal-Arroyo na iahon ang kanyang popularidad sa pamamagitan ng paglalabas ng salaping P200 na may larawan ng ama niyang dating pangulo sa harap at larawan niya sa likod; mga pagbisita sa mga maralitang komunidad at palabas na namimigay ng mga titulo ng lupa at iba pang buladas. Ang milyun-milyong pisong pampabango sanang patalastas na gustong maglarawan kay Macapagal-Arroyo bilang "Ina ng Bayan" ay nabigo at inulan ng batikos.

Isa pang gimik na sinikap ni Macapagal-Arroyo upang makapagpaganda ng papel ay ang pag-agaw sa inisyatiba sa pagpapatawag ng political summit ng lahat ng mga partidong pampulitika sa bansa. Ang reaksyunaryong oposisyon ang orihinal na nagplano ng naturang pulong. Sa tinaguriang All Political Parties' Conference nitong Mayo 3-5, katuwang si Speaker Jose de Venecia, tinipon niya ang 21 partidong pampulitika na karamiha'y kabilang sa kampong Macapagal-Arroyo. Ang mga ito ay ang Lakas-NUCD, Nationalist People's Coalition, Liberal Party, Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas at ilang maliliit na oportunistang grupong party-list.

Layunin sana ng kampong Macapagal-Arroyo na gamitin ang kumperensya para makipagkaisa sa iba't ibang partidong pampulitika sa ilang pampulitikang adyenda. Ngunit hindi dumalo sa kumperensya ang mga pangunahing partido ng reaksyunaryong oposisyon, ang Laban ng Demokratikong Pilipino at ang PDP-Laban. Idinahilan nila ang plano diumanong pag-aresto sa ilang lider ng oposisyon at ang pagharang ng mga pulis sa mga manggagawa at iba pang demonstrador mula Timog Katagalugan na papunta sa Maynila para dumalo sa rali noong Mayo 1.

...nakahanda ang rebolusyonaryong kilusan na labanan ang sunud-sunod na mga reaksyunaryong rehimen habang nag-iipon ito ng sapat na lakas upang ibagsak ang buong naghaharing sistema.

Hindi rin dumalo ang Bayan Muna bilang protesta sa matinding karahasan at panunupil ng mga sandatahang pwersa ng estado sa mga lider at pwersa nito. Wala ring interes ang Bayan Muna na daluhan ang pagtitipon ng mga elitistang partidong pampulitika at tumulong sa pagpapaganda lamang ng papel ng naghaharing pangkatin.

Nagkaisa ang mga kalahok sa kumperensya sa pusisyong magpatawag ng kumbensyong konstitusyunal para susugan ang reaksyunaryong konstitusyon ng 1987 (tingnan ang kaugnay na artikulo) at sa iba pang usapin. Ang lahat ng mga ito'y nananatili sa antas ng panukala at kailangan pang idaan sa lehislasyon.

Lumabas na walang saysay ang kumperensya at kinausap lamang ng kampong Macapagal-Arroyo ang sarili nito.

Hidwaan sa loob ng kampong Macapagal-Arroyo

Sumambulat din kamakailan ang pagtindi ng dati nang namumuong mga hidwaan sa loob ng kampong Macapagal-Arroyo. Binuo ng isang paksyon sa loob ng naturang kampo ang Freedom Force na pinamumunuan nina Peping Cojuangco, Teodoro Benigno, Cesar Sarino, Pastor Saycon, dating PNP Chief Supt. Florencio Fianza at iba pa. Si Benigno ay naging Press Secretary ng dating presidenteng Corazon Aquino at ngayon ay isang kolumnista sa dyaryo. Si Sarino ay kilalang malapit kay dating presidenteng Fidel Ramos. Si Saycon ang pinuno ng Council of Philippine Affairs (COPA), isa sa mga grupong kumilos para patalsikin ang rehimeng Estrada. Noon pa ma'y balak na sana ng COPA na magtayo ng isang civilian-military junta, ngunit hindi ito nagawa dahil napag-iwanan ng mabilis na kumpas ng EDSA 2. May 19 umanong matataas na upisyal ng militar at pulisya sa likod ng grupo ngayon.

Pinangangambahan umano ng Freedom Force na "ang lumalalang kundisyon sa bansa ay nanganganib na samantalahin ng mga nasa dulo ng Kaliwa at Kanan", kaya ipinanunukala ng grupo na palitan ng "kolektibong pamumuno ng gitnang pwersa" ang kasalukuyang pamunuan. Gayunman, nabigo ang grupo sa pagtatangkang kunin ang basbas ni Jaime Cardinal Sin.

Umaksyon ang Malakanyang para alisan ng kakayahan ang grupo na gamitin ang mga pasilidad ng gubyerno. Tinanggal bilang director ng IBC Channel 13 si Maria Montelibano, asawa ni Pastor Saycon. Pansamantalang napatahimik ang grupo.

Desperasyon ng kampong Estrada

Mula't mula'y nais sana ng rehimeng Macapagal-Arroyo na makipag-areglo sa kampong Estrada upang mapangalagaan ang istabilidad ng kasalukuyang gubyerno.

Kabilang sa mga konsesyong handang ibigay ng rehimen kay Estrada ay ang maraming pribilehiyo sa detensyon, pagpapahintulot sa kanyang makapunta sa US upang diumano'y magpagamot, at iba pa. Kapalit ng mga ito, lihim na inalok ng kampong Estrada na titigilan nila ang destabilisasyon sa rehimeng Macapagal-Arroyo. Subalit ang lahat ng pagtatangkang ito ay nabigo dahil sa puspusang pagbabantay ng mga militanteng grupo.

Noon pang Mayo 1, 2001, tinangka na ng kampong Estrada na ibagsak si Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng pagpondo at pang-uupat ng paglusob sa Malakanyang. Ganito na ang antas na inabot ng banggaan ng dalawang kampo.

Nitong Abril at Mayo, muling nagplano ang kampong Estrada ng panibagong mga pagkilos para hamunin ang rehimen. Bahagi ng planong ito ang drama sa pagtanggi ni Estrada na lumahok sa paglilitis sa kanya. Hangad nilang akitin ang simpatya ng masa at kasangkapanin ito sa pagpapasiklab ng mga demonstrasyon sa lansangan at iba pang aksyon sa labas ng ligal o konstitusyunal na balangkas. Ngunit nabigo at kaagad naupos ang mga pagsisikap na ito ng kampong Estrada.

Dulot ng laki ng pangamba ng rehimen na maulit ang nangyari noong nakaraang taon, sobra-sobrang pwersa ng pulis ang idineploy sa paligid ng Malakanyang at iba pang lugar sa Maynila upang hadlangan ang mga pwersang maka-Estrada sa anumang pagtatangkang lusubin muli ang Malakanyang nitong Mayo 1. Inaresto ang lider ng People's Movement Against Poverty (PMAP) na siyang nangangasiwa sa paghahakot ng mga maka-Estradang demonstrador.

Upang mapalaki ang demonstrasyon nitong Mayo 1, nakipagkoordina sila sa oportunista at kontra-rebolusyonaryong grupong Sanlakas. Sumanib na rin sa kampong Estrada ang People's Consultative Assembly (PCA) na dating maka-Ramos at dati ring kaalyado ng kampong Macapagal-Arroyo. Ngunit kinapos sa pagpapakilos ng pwersa ang kampong Estrada at idinaan na lamang sa psywar ang pananakot sa rehimen. Sa pagsidhi ng desperasyon nitong makabalik sa poder, patuloy na gagawa ang kampong Estrada ng higit pang mga kaguluhan at pakana bago at sa panahon ng eleksyong 2004.

Paborable para sa rebolusyonaryong kilusan

Ang lalong pagkakahiwalay ng naghaharing rehimen at ang pag-igting at pagtungo sa karahasan ng mga hidwaan sa hanay ng mga reaksyunaryong paksyon ay paborable para sa rebolusyonaryong kilusan. Kailangang mapakinabangan nang husto ang mga ito para palakasin ang mga rebolusyonaryong pwersa at puruhan ang prinsipal na ahente ng imperyalismong US. Kasabay nito, kinakailangang linawin sa mamamayan ang pagkakaiba ng mga progresibo't rebolusyonaryong pwersa sa isang banda at ng sari-saring grupong reaksyunaryo at oportunistang nanunuyo sa suporta ng masa sa kabilang banda.

Patuloy na lalabanan ng rebolusyonaryong kilusan ang nakaluklok na rehimeng umaalingasaw ang baho sa korapsyon, militarismo at pagpapakatuta. Katulad ng ipinahayag ng Partido, nakahanda ang rebolusyonaryong kilusan na labanan ang kasulukuyang rehimen at ang mga susunod pang reaksyunaryong pangkatin habang nag-iipon ito ng sapat na lakas upang ibagsak ang buong naghaharing sistema.

 


Previous articleBack to topNext article

Mayo 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Paghandaan at labanan ang tuluy-tuloy at papataas na antas ng interbensyong militar ng US sa Pilipinas

Panghihimasok ng imperyalismong US
Walang habas na paglabag sa karapatang-tao sa Sulu
Usapang pangkapayapaan, isinara ng rehimen
Samantalahin ang tumitinding mga hidwaan ng mga reaksyunaryo
Tungkol sa planong Constitutional Convention
Langis, Kuryente, Tubig:
Protesta ng mamamayan sa pagtataas ng presyo at singil

Pagpapatalsik kay Macapagal-Arroyo iginiit nitong Mayo Uno
Mga pagkilos sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa
Rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Nepal
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.