Pulong ng Group of 8 binatikos ng malalaking protesta
Binatikos ng may 200,000 demonstrador ang pulong ng Group of 8 (G8) na ginanap nitong Hulyo 21-22 sa Genoa, Italy. Ang G8 ay grupo ng walong pinakamakapangyarihang imperyalistang bansa sa mundo. Kabilang dito ang US, Germany, Japan, Canada, France, United Kingdom, Italy at Russia.
Ang protesta sa Genoa ay pinakahuli sa serye ng malalaking raling inilunsad laban sa mga pagpupulong ng mga imperyalistang gubyerno at mga ahensya sa iba�t ibang dako ng mundo sa mga nakaraang taon. Nilalabanan ng mga demonstrasyon ang itinataguyod nilang adyenda ng imperyalistang "globalisasyon" at ang idinudulot nitong dagdag na pahirap para sa mga mamamayan ng daigdig.
Brutal na sinalakay ng mga pulis ang rali. Isang demonstrador, ang 23-taong-gulang na si Carlo Giuliani, ang namatay nang barilin siya ng pulis. Mahigit 230 ang nasugatan sa madugong pag-atake. Umabot sa 280 katao ang inaresto.
Kinaumagahan, sinalakay din ng pulis ang isang eskwelahan na nagsilbing himpilan ng Genoa Social Forum, isang masaklaw na organisasyong kinapapalooban ng mga grupo mula sa iba�t ibang bansa na lumahok sa protesta. Siyamnapu�t dalawa ang inaresto sa reyd. Ayon sa mga hinuli, sila�y pinadapa sa sahig at saka binatuta, pinagsisipa at pinagbubugbog.
Puu-puong libo ang nagrali nitong Hulyo 24 sa Rome, Genoa, Florence, Bologna, Palermo at iba pang syudad sa Italy upang kundenahin ang karahasan ng pulis. Umabot sa 40,000 ang nagprotesta sa Rome. Sa Genoa mismo, umabot ito sa 10,000 katao.
Sa Athens, Greece, may 800 demonstrador ang nagrali sa tapat ng embahada ng Italy para kundenahin ang pagkakapaslang kay Giuliani. Isang demonstrador ang nasugatan at tatlo ang inaresto nang makipagsagupaan ang mga pulis sa isang hanay ng mga nagrarali.
Kinundena sa mga raling ito ang naiulat na pananakit at pagkakait ng mga karampatang proseso sa mga inaresto sa rali at eskwelahan. Ayon sa mga ulat, ang mga inaresto ay hindi pinayagang kumonsulta sa kanilang mga abugado o makita ng kanilang mga kamag-anak. Ang mga banyagang kabilang sa mga inaresto ay pinagbawalan ding makipagkita sa mga upisyal ng kanilang mga embahada.
Limandaang katao naman ang nakimartsa sa Genoa nang dalhin sa sementeryo ang mga labi ni Giuliani at umabot sa 1,000 ang dumalo sa kanyang libing.
Dahil sa matinding protesta, napilitan ang pulisya ng Italy na pakawalan nang walang sakdal ang karamihan sa mga hinuli. Naobliga rin ang maka-Kanang gubyerno ng Italy na iutos ang pag-iimbestiga sa pulis na pumatay kay Giuliani.
|