Libu-libong manggagawa, dumagsa sa lansangan noong Mayo 1
Nagtipon ang 20,000 manggagawa sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Hinarang naman ng mga pulis at militar ang mga delegasyon mula sa Quezon at Sto. Tomas, Batangas na patungo sana sa Maynila upang lumahok sa pagkilos.
Sa Pampanga, nagrali ang mahigit 2,000 manggagawa mula sa mga pabrika ng Cosmos, Pepsi, San Miguel at iba pa sa harap ng Clark Economic Zone laban sa kontraktwalisasyon. Tinuligsa naman ng 2,000 manggagawa mula sa export processing zone (EPZA) sa Cavite ang patakarang "no union, no strike" ng EPZA. Daan-daang manggagawa din ang kumilos sa Baguio at Naga City.
Sa Visayas, mahigit 22,000 manggagawa at kawani ng gubyerno ang nagrali sa iba't ibang syudad. Tampok ang mga pagkilos sa Tacloban (5,000), Iloilo (4,000), Bacolod (5,000) at Cebu (3,000) na naggiit ng dagdag na sahod at tumuligsa sa panukalang mga susog sa labor code.
Sa Davao, umabot sa 4,000 ang nagrali. Sa General Santos, mahigit 4,000 manggagawa, na karamiha�y mula sa Dole Philippines, ang nagtipon sa sentro ng syudad. Daan-daan naman ang nagrali sa Cagayan de Oro.
Noong Abril 28, inihapag na ng mga kinatawan ng Bayan Muna sa kongreso ang isang alternatibong panukalang labor code na kumprehensibong sasagot sa mga kahilingan ng mga manggagawa. Nananawagan na rin si Bayan Muna Rep. Liza Maza na imbestigahan na ng kongreso ang laganap na gawi ng kontraktwalisasyon sa malalaking kumpanya katulad ng SM.
Tuluy-tuloy ding itinutulak ni Bayan Muna Rep. Crispin Beltran ang panukalang pagtaas ng P125 across-the-board sa kongreso.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|