Patung-patong na kaswalti ng US sa Iraq
Umabot na sa 1,055 sundalong Amerikano ang namamatay sa Iraq mula nang magsimula ang gera noong Marso 2003 hanggang Oktubre 4 ngayong taon, ayon sa Pentagon. Umaabot na rin sa 7,245 ang sugatan doon pagsapit ng Setyembre 15.
Di pa kabilang dito ang aabot sa 16,765 sundalo na pinalikas dahil sa sarisaring sakit. Hindi sila iniuulat ng Pentagon bilang mga kaswalti dahil wala raw direktang kinalaman sa kombat ang kanilang mga karamdaman. Kabilang dito ang 5,375 na nagkaroon ng diperensya sa pag-iisip. Ayon sa isang pag-aaral ng militar sa lumabas sa New England Journal of Medicine noong Hulyo, aabot sa 16% ng mga sundalong nanggaling sa Iraq ang maaaring dumanas ng major depression, generalized anxiety o kaya post-traumatic stress disorder at iba pang mga sikolohikal na karamdaman.
Noong Agosto, umabot sa 87 ang abereyds na bilang bawat araw ng mga atake laban sa mga pwersa ng US -- ang pinakamataas na pigura mula nang i-anunsyo noong Mayo 2003 ni Presidente George W. Bush ng US ang katapusan umano ng gera sa Iraq. Mula nitong Hulyo, palawak na rin nang palawak ang eryang pinangyayarihan ng mga atakeng ito.
Nitong Setyembre, sunud-sunod na mga pambobomba at pang-aambus ang inilunsad ng mga gerilyang Iraqi. Isang halimbawa lang dito ang suicide bombing noong kalagitnaan ng Setyembre na tumarget sa dalawang sasakyang may lulang mga sundalong Amerikano. Pitong tropa ng US ang namatay.
Tanda ng kanilang desperasyon, buong bangis namang sumasalakay ang mga sundalong Amerikano, laluna sa mga bayan ng Fallujah, Ar Ramadi, Baqubah at Samarra dahil itinuturing itong balwarte ng mga gerilyang Iraqi.
Sa Fallujah, di bababa sa 11 katao ang namatay sa dalawang airstrike na inilunsad ng mga tropang Amerikano nitong Oktubre 4. Sa unang airstrike, siyam na tao ang namatay, kabilang ang tatlong babae at apat na bata. Labindalawa rin ang nasugatan, kabilang ang anim na babae at tatlong bata. Dalawa pang tao ang namatay sa ikalawang airstrike.
Sa Samarrah, 70 katao na ang namamatay mula nang sumiklab ang matinding labanan noong Oktubre 3. Karamihan ng mga namatay ay mga ordinaryong sibilyan. Dalawampu't tatlo sa kanila ay mga bata at 18 ang kababaihan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|