Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ibayong Lumulubog sa Kumunoy ng Pagkaalipin

Siyam na buwan na ngayong rumaragasa ang krisis pang-ekonomya sa Asya at walang malinaw na senyales kung kailan ito matatapos. Winasak ng krisis ang ipinangangalandakang "milagro ng Asya" na hanggang sa panahong iyon ay itinanghal ng pangkating International Monetary Fund-World Bank bilang isang ekonomikong tagumpay. Inilantad nito ang mga kahinaan ng mga "tigreng ekonomya" na ninais sanang ulitin ng rehimeng Ramos dito sa bansa.

Kung kaya't pinasabog din ng krisis sa Asya ang bula ng pangarap ni Ramos na gawing bagong industriyalisadong bansa ang Pilipinas (newly industrialized country o NIC) pagsapit ng taong 2000. Ang "sustenidong paglago ng ekonomya" noong 1993, bagay na ipinagyabang ni Ramos na nagbunsod sa pagiging "maliit na tigre" ng bansa noong 1996, ay tumungo sa pagdausdos noong 1997. At walang nangangahas na humula kung kailan matatapos ang pagdausdos na ito.

Sa wakas ay inamin din ni Ramos nitong huling bahagi ng Enero ang pagasabog ng kanyang panaginip na "Pilipinas 2000". Ngunit ito'y dahil hindi na mapagtakpan ito maging ng mga dinoktor na estadistika na inilalabas ng kanyang rehimen.

Malinaw na ngayon na ang krisis sa Asya ay ibinunsod sa kalakhan ng paspas na liberalisasyon sa ekonomya at pinansya gawa ng pagpapatupad sa imperyalistang "globalisasyon". Sa partikular, sa pamamagitan ng liberalisasyon sa pinansya ay libreng-libreng nakapasok ang ispekulatibong kapital mula sa tatlong sentro ng kapitalismo � ang Estados Unidos, Europa at Hapon, na ang kalakhan ay nagmula sa US � upang wasakin ang mga "nangaghinaang mga currency" sa rehiyon.

Ngunit ayaw pa ring kilalanin ni Ramos ang katotohanang ito. At mas lalong ayaw niyang kilalanin na ang mabilisang pagliberalisa, pagpribatisa at pagderegularisa sa ekonomya ang nakapagpalala sa mga batayang kahinaaan nito at ibayong naglubog sa bayan sa kumunoy ng krisis pang-ekonomya, panlipunan at pampulitika.

Nagmamataas na binabalewala ni Ramos ang mga mungkahing ihinahain ng mga sektor na pinakagrabeng tinamaan ng krisis � tulad ng mga manggagawa't magsasaka � na bumaling na siya ng landas. Ayaw rin niyang rendahan ang paspasang pagpapatupd sa kanyang programang liberalisasyon sa kalakal at pamumuhunan, tulad ng iginigiit ng ilang seksyon ng mga negosyante na sumusuporta sa kanyang programa. Iniinda na ngayon ng mga sektor na ito ang ganting-hagupit ng mapaminsalang kumpetisyon mula sa mga dayuhang sumasamantala sa pagkakatanggal sa mga istrukturang proteksyunista.

Mistulang aliping nilulunok ni Ramos ang "gaya rin ng dating" mga drogang itinutulak � at sa mas maraming kantidad ngayon � ng IMF-WB at ng World Trade Organization. Ang IMF, WB at WTO ang bumubuo sa pangkating nagtutulak sa paspasang globalisasyon. Dahil sa sagadsaring pangangayupapa nito, ibayong ibinabaon ng rehimeng Ramos ang Pilipinas sa kumunoy ng ekonomikong pagkaalipin sa imperyalismo.

Mga Nalantad na Kahinaan

Isang linggo bago bumulwak ang krisis sa Asya (nang mapilitan ang Thailand na i-devalue ang currency nitong baht), ipinagyabang ni Ramos sa kanyang Ulat sa Bayan na ang ekonomya ng Pilipinas ay isa nang "maliit na tigre". Napakalaki na, hambog niya, ng kalitatibong pagbabago ng ekonomya, kaya't "hindi na ito sukol sa dati nitong siklo ng pag-unlad at pagdausdos (cycle of boom and bust)." Dagdag pang yabang ni Ramos, ang piso, na sinusuhayan ng "di pa napapantayang rekord na $12 bilyon" na gross international reserves (GIR), ay isa sa "pinakamatatag na (currency) sa buong mundo."

Noong ika-11 ng Hulyo 1997, pagkaraan ng dalawang linggo, bumagsak nang 11% ang halaga ng piso sa dolyar. Ito'y pagkatapos depensahan ng desperadong Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang halaga ng piso, hanggang sa bumaba ang GIR sa $9.7 bilyon. Itinuturing nang peligroso ang ganitong lebel, dahil ang katumbas na lamang nito ay kulang pa sa tatlong buwang halaga ng import. Napilitang mangutang sa IMF ang BSP � ito ang kauna-unahang gumawa nito, na sinundan ng Thailand, Indonesya at Timog Korea � ng halagang $1.08 bilyon na emergency rescue loan. [Ang rescue package para sa Thailand ay nagkakahalagang $17 bilyon habang ang sa Indonesya ay $43 bilyon at sa Timog Korea ay $60 bilyon].

Sa ngayon, lumalaro sa P40:$1 ang palitan ng piso sa dolyar, matapos itong dumausdos sa P45:$1. Pana-panahon ay "umiigi" ito nang dahil sa mga lihim na pakikipag-aregluhan ng BSP sa BAP (Bankers Association of the Philippines). Ibayo pang bumagsak sa $8.8 bilyon ang GIR, bagay na nagtulak sa BSP na mangutang muli ng $3 bilyon upang suhayan ang halaga ng piso.

Winasak ng deblawasyon ang kaduda-duda na ngang pangarap ni Ramos na mapapaliit ang palagiang depisit sa balanse sa kalakal (balance of trade o BOT) at sa current account (CA) nang tumaas ang halaga ng eksport at bumaba ang halaga ng import noong unang kuwarto ng 1997. Ngunit ayon sa pinakahuling estadistikang mula sa BSP, ang BOT noong 1997 ay may depisit na $11.23 bilyon habang ang depisit sa CA ay nagkakahalagang $3.74 bilyon.

[Nagkaka-depisit sa BOT kapag ang kabuuang halaga ng import ay lagpas sa kabuuang halaga ng eksport. Ang depisit sa CA ay nagpapahiwatig na mas mataas ang halaga ng dayuhang palitan (foreign exchange) na ipinambayad sa mga imported na kalakal at serbisyo kung ikukumpara sa kabuuang kita mula sa mga ineksport na kalakal at serbisyo at mga dayuhang ayuda/donasyon. Ang isa pang sukatan, ang balanse sa bayaran (balance of payments o BOP), ay sumasalamin sa kabuuang pasok at labas ng dayuhang palitan, kabilang na ang mga pamumuhunan at utang.

[Kung ikukumpara sa BOT, ang CA ay mas mainam na sukatan ng kakayahan ng ekonomyang kumita ng dayuhang palitan na gagamitin para sa mga pangangailangan nito dahil ipinapakita ng CA ang netong kita na dayuhang palitan. Samantala, ipinapakita ng BOP ang netong pasok ng dayuhang palitan at ang katambal nitong lalabas na dayuhang palitan sa hinaharap sa anyo ng iluluwas na kapital at bayad sa utang].

Ang totoo, ayon sa mga estadistika ng National Statistics Coordination Board (NSCB), papalala ang depisit sa CA � nang 68.66% bawat taon � mula pa noong 1993. Sa taong iyon sinimulang ipatupad ni Ramos ang kanyang Medium-Term Philippine Development Plan (MTPDP), ang behikulo upang matamo ang "Pilipinas 2000". Sa panahon ding ito, lumaki ang depisit sa BOT nang 34.56% bawat taon.

Mas malaki pa dapat ang depisit sa CA kung hindi lang dahil sa ipinapadalang dayuhang palitan ng mula apat hanggang anim na milyong overseas contract workers (OCW) na nasa iba't ibang bahagi ng mundo. Karamihan sa kanila ay halos nagpapakabusabos na gumagampan ng mga mapanganib na trabaho at nagtitiis sa kundisyong mapanupil at mapagsamantala.

Batayang Kamalian sa Ekonomya

Hindi binago ng MTPDP ang pagiging palaasa ng bansa sa mga imported na capital goods at intermediate goods (na bumubuo sa humigit-kumulang 85% ng lahat ng import) para sa lokal at nakatuon-sa-eksport na manupaktura. Sa katunayan, sa halip na patatagin ay lalo pang pinaghina ng patakarang liberalisasyon sa import (na kinabibilangan ng pagbawas sa taripa at pagtanggal sa mga kota at sagkang di-taripa) ang kakayahang makipagkumpetensya ng mga itinuturing na industriyang manupaktura.

Sa halip na tumungo ito sa pagiging NIC, paurong ang industrialisasyon ng ekonomya sa ilalim ng pangangasiwa ni Ramos at lalo pang nasusuhayan ang malapyudal at malakolonyal na katangian nito. Ang diin sa eksport sa pamamagitan ng manupakturang umaasa sa import ay nagpapanatili sa pundamental na kahinaan ng ekonomya � ang kawalan ng anumang batayang industriya na makapagbubunsod sa paglitaw ng mga ancillary industries na gumagamit sa mayamang hilaw na materyales ng bansa na ineeksport na lamang sa ganitong anyo.

Isang halimbawa ng manupakturang palaasa sa import na ginamit na behikulong pang-eksport ng rehimen ay ang electronics, na pangunahing pinagmumulan ng kinikitang dayuhang palitan ng bansa.

Ang WB na mismo ang tumukoy sa nagdudumilat na mga kahinaan ng nangungunang behikulong pang-eksport ng Pilipinas sa isang sulating pinamagatang "Philippines: Managing Global Integration."

Binanggit na mga kahinaaan ang : 1) labis na pagdiin sa semiconductors. Ang produksyon ng semiconductors ay apektado masyado ng "cyclical demand downturn" (pagbagsak ng demand sa kalakalan, tulad ng nangyari noong 1996) at matumal dito pagsasalin ng makabagong teknolohiya; 2) mababang antas pangteknolohiya, kung saan ang kalakhan ng gawain ay kinabibilangan ng simpleng pangungumpuni at pagsusuri, bagay na peligroso para sa matagalang kumpetisyon sa kalagayang matulin ang mga pagbabago sa teknolohiya; 3) mababa-ang-dagdag-na-halagang lokal (ang abereyds na lokal na sangkap ay 20% sa semiconductors, 25% sa mga simpleng bagay tulad ng printed circuit boards, 15% sa mga mas kumplikadong kalakal), na hindi pa tumataas sa loob ng nakaraang 20 taon. Dahil sa mga kahinaang ito, anang ulat ng WB, ang layuning makapagpaunlad ng isang lokal na empresa na nagdidisenyo at nagbebenta ng sariling produktong may tatak � nang may pinakamataas na makakayanang dagdag na halaga � ay hinding-hindi makakamit.

Isa pang aspeto ng batayang kahinaan ng ekonomya ang hindi nito pagmodernisa sa agrikultura dahil sa hindi nito pagtupad sa tunay na repormang agraryo na papawi sa lahat ng labi ng pyudalismo, magpapalaya sa kakayahang produktibo ng uring magsasaka at maglalatag ng batayan para sa industrialisasyong rural.

Nasa ugat ng ilampung taon nang palagiang depisit sa BOT ang batayang kahinaang ito. Itinutulak nito ang bansa sa papalaking pagkakautang na ngayo'y $45 bilyon na (ilang taon nang nakatuon sa pagbabayad sa utang ang kalahati ng taunang badyet ng bansa, na hinuhuthot mula sa pondong dapat ay nakalaan para sa mga serbisyong panlipunan). Patuloy rin nitong pinababagsak ang halaga ng piso. Pinananatili nitong atrasado ang agrikultura, na walang kakayahang magtiyak sa seguridad sa pagkain ng bansa (halimbawa, patuloy na umaangkat ng bigas ang bansa para punuan ang depisit sa lokal na produksyon), at dahil dito'y bumubuntot ang Pilipinas sa usapin ng pangkalahatang pag-unlad.

Dahil hindi iwinawasto ang batayang kahinaang ito at hindi maaaring iwasto ang kalakip nitong mga suliranin sa lokal at panlabas na sektor habang umiiral ang kalagayang ito, walang maaaring maganap na "kalitatibong pagbabago sa ekonomya" na tulad ng ipinahayag ni Ramos.

Lumalalang Implasyon at Kawalan ng Hanapbuhay

Ang mahigit na 40% pagbagsak sa halaga ng piso ay nagwasak sa isa pang diumanong tagumpay na nakamit ng rehimeng Ramos: ang mababang tantos sa implasyon (4.6% noong Hunyo 1997). Nagsimulang magtaasan ang presyo ng mga kalakal at serbisyo nang papatapos na ang 1997. Sa una ay hindi pa naging mabilis ang pagtaas dahil kinailangan pang maubos muna ang malaking suplay ng kalakal (mas mababa pa ang gastos sa produksyon nang likhain ang mga ito) bago ipasok sa pamilihan ang mga bagong produktong mayroong mas mahal na imported na sangkap at nilikha nang mas mataas na ang gastos sa produksyon.

Noong Enero 1998, iniulat ng National Economic Development Authority na lumagpas na sa 5% ang tantos sa implasyon.

Dahil sa mas mataas na halaga ng imported na mga input ay napilitan ang mga kumpanya sa manupaktura na magbawas ng produksyon at magsisante ng maraming manggagawa.

Sa National Employment Conference na ginanap nitong unang bahagi ng Pebrero, iniulat ng Bureau of Labor and Employment Statistics (BLES) na 18,864 manggagawa ang nawalan ng trabaho o nabawasan ng sahod at 477 kumpanya ang nangagsara. Nauna pa rito, sinabi ni Raul Concepcion, presidente ng Federation of Philippine Industries, na maaaring umabot sa 20,000 ang mawawalan ng trabaho nitong Enero at mas marami pang masisisante sa unang kuwarto ng taon.

Apatnapung libong manggagawa ang nawalan ng trabaho noong 1997.

Sa "economic summit" na tinawag ni Ramos nitong Pebrero 11, ang tanging rekomendasyon hinggil sa paggawa ay moratoryum sa pagpaparusa sa mga manggagawang nawalan ng trabaho na hindi nakapagbayad sa mga utangpabahay ng gubyerno. Isinaisantabi ang iginigiit ng manggagawang pagpapataas na minimum na pasahod at pagtigil sa pagsisisante. Malinaw na patunay ito ng kontra-manggagawang tindig ng summit, na minarapat na iboykot at ilantad bilang hungkag ng militanteng sentro sa paggawa, ang Kilusang Mayo Uno.

Wala ring maaasahan sa pangako ng gubyernong paglikha ng mas maraming trabaho para sa mga OCW na maaaring mapilitang umuwi nang dahil sa krisis sa Asya. Ipinapakita ng mga estadistika ng DOLE na noong 1997 ay tumaas lamang nang 1.9% (naging 27.7 milyon mula sa 27.2 milyon noong nakaraang taon) ang empleyo. Samantalang noong 1996, ang paglago sa empleyo ay 5.9% mula sa 25.7 milyong may trabaho noong 1995. Isinisi ang mababang tantos ng paglago sa "pagbagsak" ng agrikultura (ang pinakamalaking tagapag-empleyo) at syempre pa, sa krisis sa Asya noong ikalawang bahagi ng 1997.

Batay sa National Statistics Office, ang tantos sa disempleyo noong 1997 ay 7.9% � 2.377 milyon ang walang trabaho sa 30.265 milyong kabilang sa pwersa sa paggawa noong Oktubre. Ang mga underemployed naman ay bumibilang nang 5.8 milyon.

Pagtumal sa Pag-unlad ng GNP

Dahil sa "nakalulunos na epekto" ng krisis sa Asya at sa tumataas na tantos sa interes (bagay na labis na nakapagpahirap sa pangungutang ng mga negosyante para sa pangangailangan nila sa kapital o produksyon), sinabi ng NEDA na ang paglago sa gross national product o GNP ay tumumal sa 5.8% noong 1997 mula sa 6.9% noong 1996. Ang gross domestic product (GDP o GNP na minenos ang dayuhang komponent) ay bumaba sa 5.1% mula 5.7% noong nakaraang taon.

Itinataya ng NEDA na ang magiging tantos ng paglago sa GNP ngayong 1998 ay 3-4% lamang (ang dating taya bago magkakrisis ay 7.5%). Pagdating sa GDP, itinataya ng NEDAng 2.4-3.5% lamang ang magiging paglago. Maaaring mataas masyado ang pagtantiyang ito ng NEDA sa kalagayang matumal ang produksyon kapwa sa agrikultura at industriya.

Sa pagmamanupaktura � na bumubuo sa 23.9% ng GNP � naging matumal na ang pag-unlad noon pa mang ikalawang kuwarto ng 1997, bago pa man maganap ang krisis sa Asya. Mula sa 3.8% noong ikalawang kuwarto, lumago ang pagmamanupaktura nang 4.3% lamang sa ikatlong kuwarto at nang 3.8% sa ikapat na kuwarto. Lumago lamang nang 4% ito sa buong taon, mula sa 5.6% noong 1996.

Tumumal din ang agrikultura. Bumagsak ang produksyon ng bigas nang 0.1% at ang asukal nang 10%. Konstruksyon lamang ang nakapagrehistro ng masiglang paglago noong 1997 (lumago ito mula 10.9% patungong 16.3%). Ngayong taon, nagsimula nang magbawas ng manggagawa ang sektor ng konstruksyon.

Ang halaga ng pinakaaasam-asam ni Ramos na dayuhang pamumuhunang direktang pumasok sa bansa ay bumagsak din nang 30.9% sa unang siyam na buwan ng 1997, mula $1.05 bilyon noong nakaraang taon patungong $725.207 milyon. Sa kabilang banda, ang netong paglabas ng dayuhang pamumuhunan ay umabot sa $3.44 bilyon, na pinunuan ng dayuhang utang na nagkakahalagang $4.26 bilyon. Ang pamumuhunang porpolyo (ispekulatibong kapital) ay umimpis din nang 6% mula $6.018 bilyon patungong $5.658 bilyon. Mahalagang tukuyin na ang ispekulatibong pamumuhunan, na mabilis na binabawi sa panahon ng krisis, ay mas malaki nang anim na beses kaysa sa takdang pamumuhunan (fixed investments).

Nakabuti na rin na sa kabila ng mga libreng insentibo at ng 34 na pagbibiyahe ni Ramos sa ibang bansa upang makapang-akit ng dayuhang pamumuhunan, napakaliit ng halagang pumasok sa bansa kahit sa panahong iyon � 1993 hanggang 1996 � kung kailan naging maluwag ang mga dayuhang bangko at korporasyon sa pagpapautang.

Sa pagkakataon lamang na ito naging tama si Ramos nang sabihin niyang ang Pilipinas ay isa sa mga bansang hindi masyadong apektado ng krisis. Ngunit ito'y hindi dahil sa "katatagan ng haligi" ng ekonomya kundi dahil ito ang bansang hindi gasinong naapektuhan ng maramihang pagluluwas ng kapital. Sa kabilang banda, ang Malaysia, Indonesya at Timog Korea na tumanggap ng malalaking tipak ng kapital sa pagitan ng 1990 at 1996 ay mariing tinamaan ng maramihang pagluluwas ng kapital.

[Ayon sa estadistika mula sa World Bank, sa loob ng anim na taong ito, $938 bilyong halaga ng direktang dayuhang pamumuhunan ang napunta sa mga "mas mahirap na bansa" at ang bulto ay napunta sa Tsina ($217 bilyon) at Mexico ($112 bilyon). Ang Brazil ay nakakuha ng $76 bilyon, ang Malaysia $60 bilyon, ang Indonesya $50 bilyon at ang Thailand $48 bilyon.]

Lumiit din ang mga remitans ng OCW noong 1997 sa kabila ng mas maramihang pagpapadala ng Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat. Noong Oktubre, ayon sa NSCB, tumaas nang 14.3% (mula 557,062 noong 1996 ay naging 636,832) ang bilang ng mga OCW. Subalit bumaba ang kanilang remitans nang 15.2% mula $2.62 bilyon patungong $2.22 bilyon.

Hindi Pag-Unlad Kundi Pagbagsak

Magtatapos ang anim na taong termino ni Ramos sa Hulyo � maliban na lamang kung sa desperasyon niya ay magpilit siya at matagumpay niyang mapapahaba ang kanyang pag-upo sa poder sa anumang paraan � nang walang tumataginting na tagumpay. Sa halip, ito'y aalis na palpak. Bigo.

Dahil hindi maaaring magkatotoo ang pangarap na "Pilipinas 2000", ni hindi makapagyabang ang rehimeng Ramos hinggil sa dalawa pa nitong paboritong layunin: ang pagtamo ng balanseng badyet at pagpapaliit sa insidens ng kahirapan patungong 30% (kahit sa pamamagitan man lamang ng pagdodoktor ng estadistika).

Ang ipinangakong "walang depisit" sa 1997 ay nauwi, ayon sa huling pagtataya, sa P12.9- bilyong konsolidadong depisit sa sektor pampubliko. May P43.7 bilyong napadagdag ditong bayad sa utang dahil sa debalwasyon.

Hinggil naman sa layuning maibsan ang kahirapan, batikos at hindi kumplimento ang napala ng rehimeng Ramos mula sa World Bank, na dati'y madalas pumuri kay Ramos. Sa pinakahuling edisyon ng ulat nitong inilabas nitong Pebrero na pinamagatang "Poverty Reduction and the World Bank," hinusgahang "disappointing" o hindi abot sa inaasahan ang naging paggampan ng Pilipinas sa "poverty alleviation".

Sa pagtukoy nito sa kabiguan ng bansang makapagsustini ng paglago sa ekonomya, pinagdiinan pang lalo ng WB ang lantad na ngang pagkakamali ng rehimeng Ramos nang sabihin nitong ang padron ng paglago sa ekonomya ay may tunguhing magpatingkad sa halip na magpawi ng pagkakalayo ng kita (income disparities). Sa madaling sabi, mas lalong yumamayam ang iilan habang ang nakararami ay mas lalo pang naghihikahos. Pinatutunayan ito mismo ng Family Income and Expenditures Survey ng rehimen noong 1994: ang 20% pinakamayayamang Pilipino ang siyang may hawak sa 52% ng kabuuang kita ng mga pamilya habang ang 30% na nasa ilalim ay nagkakasya lamang sa 9%.

Walang kasilbi-silbi ang lahat ng engrandeng mga "summit" na ipinatawag at pinamunuan ni Ramos mula 1993 hanggang 1998. Mga palabas lamang ang mga ito upang linlangin ang mamamayan at papaniwalain silang may ginagawa ang gubyerno para sa kanila. Sa huling summit na tinawag upang pag-usapan ang mga hakbang na gagawin laban sa krisis sa Asya, inamin ng isang upisyal ng gubyerno na ito'y walang ibang gamit kundi "pampakalma lamang".

Sa unang Multisectoral People's Summit na ginanap noong 1993 ay inilabas ang Social Pact for Empowered Development o SPEED. Sinundan ito noong 1994 ng People Empowerment Caucus, na nagtakda ng mga prayoridad na hakbang upang maipatupad ang Social Reform Agenda o SRA. Sa dalawang pagpupulong ng Poverty Alleviation Summit na ginanap noong 1995 at 1996 ay "nagkalaman" ang SRA. Dahil batid nitong sadyang mabagal ang pag-unlad ng ekonomya kung ikukumpara sa mga layunin ng SRA, nagtuon ang National Development Summit nitong 1997 sa "pole-vaulting strategy" na naglayong gawin ang Pilipinas na sentro ng kalakal, produksyon ng pagkain, teknolohikal na pag-unlad, turismo, edukasyon at kultura sa Asya � isang layuning hindi nakaangkla sa katotohanan. Sa taon ding iyon, binuo sa isang National Consultative Conference ang isang "nagkakaisang prente" para tapusin ang "mga hindi pa natatapos na trabaho" bago sumapit ang eleksyon sa Mayo 1998.

Buong yabang na ipinahayag ng rehimeng Ramos na ang lahat ng pagsisikap na ito ay nagbunga ng 175 batas (67 rito ang hinggil sa repormang pang-ekonomya, 66 ang sa repormang panlipunan at 42 ang sa repormang pampulitika).

Sa kasawiang palad, iisa ang ibinunga ng lahat ng batas na ito: pinanatili ng mga ito ang Pilipinas sa kalagayang kaparis din ng (o mas malala pa sa) kinasadlakan nito noong 1993.

 


Previous articleBack to topNext article

03 Enero 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang rebolusyunaryong dalawahang taktika sa reaksyunaryong eleksyon

Ibayong Lumulubog sa Kumunoy ng Pagkaalipin
Total Logging Ban sa Mindanao:
Kilusang Masa Laban sa mga Berdugo ng Kalikasan

Pangayaw Laban sa Alsons
Mga Lumad sa Timog Mindanao
Matatatag na Base ng Rebolusyon

Balita
Latian ng Liguasan
Luntiang Lupain, Nais Angkinin

Paglilinaw Hinggil sa Pagpapalaya kay SPO3 Martillano Magtagad
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.