![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Grabe na ang dagok na dulot ng liberalisasyon ng importasyon sa mga lokal na prodyuser ng gulay at bigas.
Nang kumprontahin ng mga maggugulay si Agriculture Secretary Leonardo Montemayor noong Agosto, sinabi niyang 302,405 kilo lamang ang iniimport na gulay, o katumbas ng 0.17% ng kabuuang demand. Sinabi rin niyang dadalawa lamang ang importer ng gulay sa bansa, at ang pangunahin dito ay ang Rustan's Supermarket. Subalit inamin din ni Montemayor nitong Oktubre na 266 tonelada ng upland vegetables ang inangkat ng Rustan's mula Enero hanggang Setyembre. Ito'y sa kabila ng katotohanang ang lahat ng inangkat nitong gulay, tulad ng carrots, patatas, repolyo, kabute at cauliflower, ay may sapat na suplay sa lokal na merkado. Lalong nadismaya ang mga maggugulay nang malaman nila na hindi lamang Rustan's kundi 13 iba pang kumpanya sa bansa ang umaangkat ng umaabot sa 37 klase ng gulay. Tanda pa ng pagsuko ng rehimeng Macapagal-Arroyo ng pambansang interes sa pakikipagkalakalan, mayorya ng mga gulay na iniimport ng Pilipinas ay nagmumula sa Australia, na nagpapataw ng maraming estriksyon sa pagiimport ng mangga at iba pang produktong agrikultural mula sa Pilipinas. Pilit na ipinagtanggol ni Montemayor ang ginagawang importasyon sa pagsabing ligal naman ito. Bukod sa ligal na importasyon, laganap din ang ismagling o iligal na pag-aangkat ng gulay. Dahil sa matinding pagkalugi, naglunsad ng serye ng mga kilos-protesta nitong Oktubre ang libu-libong maggugulay sa Benguet na myembro ng Alyansa dagiti Pesante iti Taeng-Kordilyera o APIT-TAKO para igiit ang pagsuspinde sa implementasyon ng General Agreement on Tariffs and Trade (GATT). Alinsunod sa GATT, tinanggal na ang restriksyon sa dami ng pwedeng angkating gulay at iba pang produktong pagkain at binawasan ang taripa. Nakatakdang alisin nang lubusan ang mga taripa sa mga imported na pagkain pagsapit ng 2004.
Kasabay ng pag-alma ng mga maggugulay mula sa Benguet, ikinakampanya naman ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) ang pagtigil ng rehimen sa liberalisasyon sa importasyon. Iginiit ng AMGL na kailangang suportahan ang mga lokal na prodyuser ng bigas sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga subsidyo. Alinsunod sa GATT, bawal ang pagbibigay ng subsidyo sa mga magsasaka. Tinuligsa rin ng AMGL ang pagkakasangkot ng mga kamag-anak at malalapit na kaibigan ni Macapagal-Arroyo sa ismagling ng bigas. Anang AMGL, ang pagdagsa ng imported at smuggled na bigas ang dahilan kung bakit bumabagsak ang presyo ng palay hanggang P5 bawat kilo, laluna sa panahon ng anihan. Tinatayang aabot sa 1.14 milyong metriko tonelada ng bigas ang importasyon ng bansa ngayong taon mula sa Vietnam, Thailand, Pakistan at India. Sa unang anim na buwan naman ng 2003, nakatakdang mag-angkat ang bansa ng 1,000,000 metriko tonelada. Kinundena rin ng AMGL ang patuloy na paglaganap ng pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural sa tulak na rin ng gubyerno, at ang ibinubunga nitong malawak na disempleyo at kahirapan sa kanayunan. Sa harap ng lahat ng ito, iginiit ng AMGL sa rehimeng Macapagal-Arroyo na dapat nitong suportahan ang lokal na agrikultura at palakihin ang bolyum ng binibili nitong palay mula sa mga magsasakang Pilipino. Iginiit ng AMGL ang pagtataas sa suportang presyo para sa bawat kilo ng palay mula P7.50 tungong P15.00. ![]()
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|