Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

4. Napakahusay na kundisyon para sa pagsusulong ng digmang bayan

 Read this article in English

Napakahusay ng mga kundisyon para sa paglulunsad ng bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan sa Pilipinas. Araw-araw, lumalala ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na naghaharing sistema.

Ang tinaguriang globalisasyon ng malayang pamilihan ay napatunayang lubusang bangkarote. Inianak nito ang pinakaganid na paraan ng pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan sa mga atrasadong bansa, gayundin sa mga imperyalistang bansa. Winasak nito sa pangunahin ang mga atrasadong bansa, pinahina ang mga papet na rehimen at ginawa silang bulnerable sa marahas na mga kontradiksyon sa pagitan ng mga reaksyunaryo, at gayundin sa rebolusyonaryong armadong paglaban ng mamamayan.

Ang bagong kaguluhang pandaigdig ay sumisidhi. Umiigting ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at ng mamamayan sa mga papet na estado, sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan, at sa pagitan ng malaking burgesya at ng proletaryado. Sumasambulat ang mga imperyalistang digma ng pananalakay at ang karahasan sa hanay ng mga reaksyunaryo. Sa harap ng ganitong mga kundisyon, maaaring agawin ng proletaryado ang inisyatiba upang maghanda at magsagawa ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Bahagi lahat ng lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ang pagkalusaw ng sosyal-imperyalismong Sobyet, ang pagbagsak ng mga rebisyunistang rehimen at ang paghahari ng pinakakriminal na tipo ng kapitalismo sa lahat ng bansa kung saan pinagtaksilan ang sosyalismo. Ang mga kundisyon para sa muling pag-usbong ng mga rebolusyonaryong kilusan para sa pambansang paglaya at sosyalismo ay nakasalansan nang ubod-linaw laban sa imperyalismo, rebisyunismo at reaksyon.

Sa kanilang pagtataksil sa sosyalismo, nabigyan ng mga rebisyunistang naghaharing pangkatin ng pagkakataon ang imperyalismong US para manalo sa cold war at manaig bilang nagsosolong superpower. Kayat, nagawang patindihin ng US ang pang-aapi at pagsasamantala sa proletaryado at mamamayan. Gayunpaman, pinalalala at pinalalalim nito ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at nagbubunga ito ng mga digma ng pananalakay. Ngayo�y handa na ang entablado para sa muling pagsigabo ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon at malawak na kilusang anti-imperyalista sa lakas na wala pang kaparis sa nakaraan.

Nais ng bagong administrasyon ni George W. Bush sa US na ipokus ang agresibong patakaran nito sa Asia at Pacific upang lalong maipailalim sa kanilang kontrol ang China, Japan at ang iba pang bahagi ng Asia, isang napakalawak na lugar kung nasaan ang kalakhan ng sangkatauhan at kayamanang panlipunan. Naipataw ng US ang kanyang neokolonyal at neoliberal na mga patakarang pang-ekonomya at pampinansya sa mga kliyenteng estado at nais pa niyang iatras ng mga ito ang mga pampulitikang paggigiit sa pambansang kasarinlan at panteritoryong integridad.

Dahil sa pagkalusaw ng Unyong Sobyet at kahinaan ng Russia, lumakas ang loob ng US at mga kaalyado nito sa NATO na simulan ang isang serye ng mga agresibong digma sa kontinente ng Europe at Middle East kaakibat ng pagpapalawak ng NATO at ng mga rekurso at daraanan ng suplay ng langis. Ang mga kaguluhang nasimulan nilang udyukan sa Europe ay hahantong sa higit na paglala. Maaasahang magsasagawa ang mga imperyalistang kapangyarihan mismo ng panibagong pagsaaayos at paghalukay sa kasalukuyang balanse ng kanilang mga alyansa. Kaalinsabay, muling maisusulong ng proletaryado at mamamayan ang kanilang rebolusyonaryong pakikibaka.

Masasamantala ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Asia ang sobrang pagkabatak ng imperyalismong US at ang pangmatagalang kahinaan nitong ibinubunga ng kanyang panunupil, panghihimasok at pananalakay, ng mataas na gastusin sa high-tech na pananandata, multo ng digmaan sa Vietnam o obsesyon nito sa estratehiya ng pag-aatras ng kanyang mga tropang panalakay at ang inaamin nitong takot sa matagalang digmang bayan.

Sa ating rehiyon, sinusuportahan natin ang lahat ng pakikibaka para sa pambansang kasarinlan at pangteritoryong integridad laban sa imperyalismong US at Japan. Sinusuportahan natin lahat ng rebolusyonaryong kilusan para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo laban sa imperyalismo at lahat ng lokal na reaksyon. Inaasahan nating sa wastong panahon ay muling sisigabo ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng mamamayan sa Southeast Asia.

Ang mga kundisyon para sa muling pagusbong ng mga rebolusyonaryong kilusan para sa pambansang paglaya at sosyalismo ay nakasalansan nang ubodlinaw laban sa imperyalismo, rebis yunismo at reaksyon.

Sinusuportahan natin ang pakikibaka ng China at mamamayang Tsino para sa pagbabalik ng Taiwan sa kanyang inang bayan, ng Democratic People�s Republic of Korea at ng buong sambayanang Koreano para sa muling pag-iisa ng Korea, at ng mamamayang Hapon laban sa monopolyo kapitalismong US at Japan, sa kasunduang panseguridad ng US-Japan at sa mga base militar ng US.

Tuluy-tuloy na sumusulong ang pandaigdigang proletaryong rebolusyon at ang malawak na kilusang anti-imperyalista. Nagsisikap tayong makapag-ambag nang ubos-kaya sa rebolusyonaryong pag-abante ng proletaryo at mamamayan ng daigdig sa pagsusulong natin ng bagong-demokratikong rebolusyon at paglalayong ipatupad ang kasunod na sosyalistang rebolusyon.

 


Previous articleBack to top 

29 Marso 2001
Edisyong Pilipino


Sagpangin ang bawat pagkakataon, isulong ang digmang bayan

1. Ang tagumpay ng mamamayan laban sa rehimeng Estrada

2. Nagpapatuloy na kabulukan ng naghaharing sistema
3. Pagpapatuloy ng armadong rebolusyon para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya
4. Napakahusay na kundisyon para sa pagsusulong ng digmang bayan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.