Ang kalagayan ng kababaihang manggagawa
Inilalathala ng AB ang kalagyan ng kababaihang manggagawa bilang bahagi ng seryeng tumatalakay sa kalagayan ng kababaihan sa iba-ibang sektor.
Ibayong naghihirap ang sambayanang Pilipino at matindi itong dinaranas ng kababaihang manggagawa. Biktima sila ng mapansamantala at mapang-aping sistema sa lipunan at mga patakaran ng reaksyunaryong gubyerno. Ipinagkakait sa kanila ang kanilang mga karapatan. Hindi natutugunan ang pinakabatayang mga serbisyo para sa kanilang kagalingan.
Higit pa sa kalalakihang manggagawa, di hamak na mas maraming kababaihang manggagawa ang walang trabaho. Kung mayroon man, tumatanggap sila ng mas mababa pa sa mapang-aliping sahod o sa sweldo na natatanggap ng mga lalaking kapatid nila sa uri.
Dagdag pa rito, nakaatang sa kanilang mga balikat ang nakababaliw na responsibilidad na pagkasyahin ang kinikita ng pamilya at itaguyod ang kagalinganan at kapakanan nito sa araw-araw.
Kalakha'y wala sa upisyal na estadistika
Noong nakaraang taon, dumami nang 1.45 milyon ang mga Pilipinong maaari nang magtrabaho (may edad 15 pataas). Ngunit ayon pa sa estadistika ng gubyerno, 624,000 ( 43%) lamang ang nagkaroon ng pagkakataong makalahok sa produksyon at siyang upisyal na ibinilang sa pwersa sa paggawa.
Kalahati sa mga maari nang magtrabaho o 739,000 ay kababaihan. Ngunit mula sa bilang na ito, 94,000 (o 12.7%) lamang ang aktwal na nakalahok sa produksyon at upisyal na naibilang sa pwersa sa paggawa. Ang 645,000 (87.3%) ay isinaisantabi bilang "reserbang lakas paggawa" at sa gayon ay wala sa mga upisyal na estadistika ng empleyo at disempleyo. Kalakhan sa bilang na ito ay mga maybahay na isinaisantabi sa produksyon at napagkakaitan ng pagkakataong lumahok sa mga panlipunang proseso.
Malawakang disempleyo
Sa lipunang kulang na kulang sa trabaho, higit na kakaunti ang ineempleyong babae. Sa kada 10 manggagawa, apat lamang ang babae. Sa bawat 10 babaeng nagtatrabaho, apat ay bahagyang panahon lamang dulot ng patakaran ng mga kapitalista na magtipid at bawasan ang oras sa trabaho ng mga manggagawa. Sa bawat tatlong manggagawang kontraktwal, isa ang babae.
Gayundin, sa bawat 10 manggagawang walang trabaho, apat ang babae. Mula 2000 hanggang 2002, parami nang parami ang mga manggagawang babae na nawawalan ng trabaho. Marami sa kanilang pinagtrabahuan ang nagsara dulot ng pagtindi ng krisis sa ekonomya.
Isang matingkad na halimbawa ang pagtiklop ng maraming negosyong nakatutok sa produksyon ng damit kung saan halos kalahati ng pwersa ng paggawa ay kababaihan.
Mula 2002 hanggang 2003, umabot sa 409,000 sa kababaihan ang nawalan ng trabaho. Pinakamarami rito ang mula sa sektor ng agrikultura. Malaking bilang din sa natanggal ay mga saleslady at iba pa mula sa mga negosyong nakatuon sa wholesale (pakyawan) at retail trade (tulad ng supermarket).
Tanda ng kawalan ng mga regular na trabaho, paparami sa kababaihan (195,000 sa loob ng isang taon) ang nagpapaalila o nagtitinda na lang sa maliliit na tindahang pag-aari ng iba.
Ang bulto ng populasyon ng kababaihan ay nasa kanayunan. Dito, aabot sila sa mahigit 12.4 milyon o 48% ng kabuuang populasyong maaari nang magtrabaho. Ngunit halos kalahati ng bilang na ito ay hindi rin itinuturing na pwersa sa paggawa. Sa kababaihang may trabaho, ang 36% na tumatanggap ng sahod at sweldo ay nagtatrabaho bilang alila, o tindera sa palengke o sa maliliit na tindahan sa kanayunan.
Dalawampu't walong porsyento (28%) naman ang ikinategoryang "unpaid family labor" (di binabayarang manggagawang kapamilya) habang 36% ang "own account worker" (nagtatrabaho para sa sarili).
Ang mga kategoryang ito ay mga paraan lamang ng reaksyunaryong gubyerno upang itago ang kawalan ng trabaho o sapat na trabaho sa kalunsuran at kanayunan.
Sa harap ng lahat ng ito, dumaraming kababaihan ang nangingibang bansa upang makapaghanapbuhay o kumita nang sapat. Daan-daang libo mula sa kababaihan ang naghahabol ng empleyo sa ibang bansa, karamihan bilang mga DH (domestic helper o alila) at caregiver.
Ayon sa pag-aaral ng isang organisasyong pangkababaihan, sa bawat araw ay mayroong 20 aplikante ang bawat caregiver training center (eskwelahang nagsasanay sa kababaihan para maging caregiver) at 95% sa mga ito ay kababaihan. Karahasan laban sa kababaihan at mga bata: *Sa bawat isang oras at 16 minuto, isang babae o bata ang nagagahasa. *Sa kada apat na oras, isang babae o bata ang nababastos. *Sa kada isang oras at 24 minuto, isang babae ang nabubugbog. *Sa kada tatlong oras, isang bata ang nabubugbog. |
Napakababang pasahod
Kung makapagtrabaho man, tumatanggap ang manggagawang kababaihan ng sahod na mas mababa pa tinatanggap ng mga lalaki. Sa bawat pisong natatanggap ng manggagawang lalaki, 82 sentimos lamang ang natatanggap ng kauri niyang babae. Walang ibinigay na pagtaas sa kanilang sahod sa nakaraang mga taon sa kabila ng pagsirit ng presyo ng mga bilihin at saligang serbisyo.
Kalakhan sa kanila'y tumatanggap ng sahod na malayong mababa sa minimum na sahod na P250 kada araw. Kulang na kulang ito upang mabuhay nang disente ang anim-kataong pamilya.
Sa maraming pagkakataon, binabawasan na lamang nila ang pagkain para makaagapay sa pang-araw-araw na buhay. Kinakailangan nilang kumayod hanggang halos sa bingit ng kamatayan upang matugunan ang pangangailangan sa pagkain, kalusugan, pabahay at edukasyon ng pamilya.
Malaking dagdag na pasanin nila ang patuloy na tumataas ang singil sa mga public utility services (palingkurang-bayan). Nitong nakaraang taon lamang, tumaas nang 76% ang singil sa kuryente habang tumaas naman nang 50-65% ang singil sa tubig. Tumaas din nang 12-16% ang ang presyo ng mga produktong petrolyo, kabilang ang presyo ng liquified petroleum gas (LPG).
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|