NDF, nagbabalang aatras sa usapang pangkapayapaan
Nagbabala ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na aatras ito sa usapang pangkapayapaan kung hindi marerendahan ng reaksyunaryong gubyerno ang patuloy na pagdami ng mga kaso ng pang-aabuso sa karapatang-tao na inihahasik ng militar at pulisya sa kanayunan. Binigyang-pansin din ng NDFP ang mga ulat ng malawakang pandaraya at terorismo sa nagdaang eleksyon, laluna laban sa mga progresibong partido. Ani Fidel Agcaoili, myembro ng NDFP peace panel at co-chairman ng Joint Monitoring Committee (JMC), ang mga pangyayaring ito ay malaking balakid sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan. Nakatakda ang ikalawang pag-uusap ng NDFP at GRP sa Oslo, Norway sa Hunyo 22-25.
Pinabulaanan ng NDFP ang ipinangangalandakan ng Armed Forces of the Philippines na paghupa raw ng mga paglabag nito sa karapatang-tao. Ayon sa KARAPATAN at Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP), nakapagtala sila ng 3,150 kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao sa 40 buwang panunungkulan ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo. May 171,369 kataong biktima ng mga pamamaslang, pagdukot, pambobomba, sapilitang ebakwasyon, demolisyon at harasment. Karamihan sa mga ito ay naganap sa kanayunan. Taliwas ito sa sinasabi ni Lt. Col. Daniel Lucero, hepe ng AFP Information Office, na 55 kaso lamang ng pang-aabuso sa karapatang-tao ang isinampa laban sa militar noong 2003.
Isinumite naman nitong Hunyo 4 ni Rev. Fr. Allan Archebuche, pangulo ng Promotion of Church People's Response (PCPR), ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa kabubukas na upisina ng JMC sa Immaculate Conception Parish sa Quezon City. Hinihiling ng PCPR ang pag-iimbestiga sa serye ng mga pambobomba sa Davao City kung saan sangkot sa partikular si Gen. Angelo Reyes, dating kalihim sa depensa at ngayo'y namumuno sa anti-kidnapping task force ng rehimen.
Tinukoy din ng PCPR ang mahabang listahan ng mga brutal na pamamaslang, mga tangkang pamamaslang, mga kaso ng mga desaparecido, mga harasment at grabeng pagbabanta laban sa mga sibilyan at aktibista ng mga tropa ng 204th Infantry Brigade sa Oriental Mindoro. Naiulat din ang kaso ni Biring Pasia, isang 72 taong gulang na magsasaka mula sa Candelaria, Quezon. Pinaghinalaang gerilya ng BHB si Pasia at buong araw na tinortyur ng mga elemento ng Philippine Army.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|