Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Tanggalan sa Hacienda Luisita, nilalabanan

 Read this article in English

Serye ng mga kilos-protesta ang isinalubong ng mga manggagawang bukid sa di makatarungang malawakang tanggalan sa Hacienda Luisita, Inc. (HLI). Ayon sa Alyansa ng mga Manggagawang-Bukid sa Hacienda Luisita (AMBALA) at lokal na unyon dito, 327 manggagawang bukid ang sinipa sa trabaho noong Agosto 26. Ikinakatwiran ng HLI na nalugi umano ang kumpanya noong 2002 at 2003 kung kaya kailangang tanggalin ang mga manggagawang bukid.

Nauna nang tinanggal sa trabaho ang siyam na lider ng unyon. Isinagawa ang pagsipa sa mga lider ng unyon isang buwan bago ang nakatakdang CBA nitong Setyembre upang pahinain ang unyong haharap sa pag-uusap.

Dinahas ng mga pulis at militar ang mga kilos-protestang isinagawa ng mga manggagawang bukid hinggil sa tanggalan. Tinirgas ng mga pulis ang mga nagrali noong Agosto 27. Kinasuhan naman ng Central Azucarera de Tarlac (CAT), isa pang kumpanya ng mga Cojuangco, ng disturbance of public order, alarm and scandal, malicious mischief at trespass to property ang 22 kasapi ng unyon nang magsagawa ang mga ito ng kilos-protesta sa loob ng kumpanya noong Agosto 30. Nakakatawa ang pagsasampa ng kasong trespassing sa mga manggagawang bukid na kunwa'y mga stockholder ng HLI ayon sa tusong pakanang Stock Distribution Option (SDO) at kung gayon ay mga may-ari ng kumpanya.

Dagdag sa panggigipit sa mga manggagawang bukid ang deployment ng Yellow Army sa loob ng asyenda. Ang Yellow Army ay binubuo ng mga gwardya ng HLI na tumatayong private army ng mga Cojuangco. Hinaharas at tinatakot ng mga ito ang mga manggagawang bukid at kanilang mga pamilya, at nilalabag ang kanilang mga karapatang-tao. Bukod pa sa Yellow Army, nakatayo rin sa apat sa sampung barangay sa asyenda ang mga detatsment ng pulisya, militar at CAFGU na sangkot din sa paglabag sa karapatang-tao ng mga manggagawang bukid sa asyenda.

Mula noong 1989, umabot na sa 1,009 manggagawang bukid ang tinanggal sa trabaho sa Hacienda Luisita. Bukod sa malawakang tanggalan, malaon nang dinaranas ng mga manggagawang bukid sa 6,453 ektaryang Hacienda Luisita ang napakababang pasahod, pagbubuwag sa unyon at militarisasyon. Sa privilege speech noong Setyembre 6 ni Rep. Rafael Mariano ng Anakpawis, ipinahayag niyang tumatanggap ang mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita ng sahod-aliping P9 lamang bawat araw -- malayung-malayo sa napakababa na ngang P280 minimum na sahod sa Central Luzon.

Ang SDO na kinakasangkapan ng mga Cojuangco ay lalo lamang nagpatindi sa kahirapan ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Ayon sa SDO, sa halip na ipamahagi ang lupa sa manggagawang bukid, sapi lamang sa sakahan ang ipamamahagi sa kanila. Ayon sa SDO, stockholder ang mga manggagawang bukid ng 33% lamang ng HLI. Kontroladong-kontrolado pa rin ng malalaking panginoong maylupa tulad ng mga Cojuangco ang mga sakahan.

Ipinatutupad rin ng pamilyang Cojuangco ang patakarang "no work, no stocks, no dividends." Kaugnay nito, pinagtatrabaho ang mga manggagawang bukid ng 80 araw lamang bawat taon.

Isinusulong ngayon sa Kongreso ng mga kinatawan ng mga progresibong partidong Anakpawis at Gabriela ang pag-iimbestiga sa SDO sa Hacienda Luisita.

Nagmartsa ang libu-libong manggagawang bukid noong Setyembre 15 at 16 mula Hacienda Luisita at nagsagawa ng overnight vigil sa Ninoy Aquino Plazuela. Tumungo sila sa city hall at provincial capitol kinabukasan. Naglabas ng resolusyon ang provincial board ng Tarlac na sumusuporta sa imbestigasyong isinusulong ng mga progresibong partido sa kongreso. Pinagpulong din ng provincial board ang mga manggagawang bukid at maneydsment ng asyenda, subalit hindi sumipot ang HLI at ang DAR kahit pa napakalapit lamang sa kapitolyo ang upisina ng DAR.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Oktubre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Paiigtingin ng Bagong Hukbong Bayan ang mga armadong opensiba

Matatagumpay na Opensiba ng BHB
Arturo Tabara, pusakal na kriminal at kontra-rebolusyonaryo
Ang tambalan ni Tabara at ng reaksyunaryong rehimen
Pasistang dahas at panlilinlang, katambal ng imperyalistang pagmimina sa Samar
Tanggalan sa Hacienda Luisita, nilalabanan
Laganap na kagutuman at karalitaan sa bansa
Sigaw ng mga taga-GSIS:
Patalsikin si Garcia!

Pagbabayaran ng rehimeng Bush ang pananalakay at pananakop nito sa Iraq
Patung-patong na kaswalti ng US sa Iraq
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.