Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Ang pagsidhi ng mga pasistang atake ay tanda ng lalong pagkabulok ng rehimeng US-Estrada

 Read this article in English

Bumubuga ng bala ang rehimeng US-Estrada at lumulura ng lason sa hangaring sindakin ang sambayanan at hadlangan ang pagsulong ng mga pakikibaka laban sa pasistang rehimen. Kaalinsabay ng paglalim ng desperasyon nito, itinataas ngayon ng rehimeng US-Estrada ang antas ng tindi, lupit at pinsala ng mga pasistang atake nito laban sa mamamayan.

Buong bagsik nito ngayong binubuwag ang mga mapayapang demonstrasyon at aksyong masa katulad ng brutal na pagsalakay sa raling anti-Estrada noong Hulyo sa Quezon City at ng todo-todong paggamit ng pwersa upang supilin ang welga ng mga manggagawa ng LRT. Ang kabangisang ito ay maihahambing, o sa ilang kaso'y higit pa, sa todong paggamit ng pwersa ng estado poder ng diktadurang Marcos noong panahon ng batas militar upang supilin kahit ang di armadong pagkilos ng mamamayan.

Lalong pinalalakas ni Estrada ang makinarya ng paghaharing militar sa kanayunan. Noong Agosto 1, sinimulang ipatupad ang pagdaragdag ng 30,000 tauhan ng pasistang CAFGU (mula sa kasalukuyang 33,000) upang ibayong paigtingin ang pasistang kampanya ng panunupil at paninindak sa kanayunan. Baluktot ang umiiral na upisyal na paniniwalang magagapi ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pagkakaroon ng absolutong superyoridad sa armas at pagpapailalim ng populasyon sa pagmamanman at kontrol ng militar.

Palala nang palala ang mga paglabag ng pasistang estado sa karapatang-tao at sa mga pandaigdigang alituntunin sa digmaan. Pinipinsala ng malalaking operasyong militar ang mga pananim, kabuhayan at ari-arian ng masa. Lumalaganap ang mga kaso ng pagmasaker, pagpatay, pagdukot, pagtortyur, iligal na panghahalughog, pang-aaresto at pagkulong. Ang mga nadarakip na mandirigma ng BHB ay itinatangging ituring na mga bihag ng digma, pinagkakaitan ng kaakibat na mga karapatan, karaniwang hindi ginagamot kung sugatan at sistematikong pinahihirapan bago tuluyang patayin.

Kakambal ng tumitinding paggamit ng pasistang karahasan ay ang pasistang kampanya ng disimpormasyon. Sistematikong naghahabi at nagpapakalat ng mga kasinungalingan sa pangunguna mismo ng hepe at iba pang upisyal ng AFP at PNP laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Sa desperasyong dungisan ang rebolusyonaryong kilusan, gumagamit sila ng pinakamababang klase ng propaganda na kinatatangian ng tahasang pambabaluktot sa katotohanan. Inaakusahan ng AFP ang BHB ng paglabag sa pandaigdigang alituntunin sa digmaan nang inambus noong Hunyo 27 ang "medical mission" ng AFP sa Jones, Isabela, na katunaya'y isang laking-brigadang operasyon ng paninindak at pananalanta sa masang lumalaban sa pagtatayo ng planta ng semento sa kanilang lugar. Gayundin, upang palabasing di tumutupad ang BHB sa kasunduang palayain ang dalawang bihag ng digma sa Timog Katagalugan, iniutos noong Hulyo 22 ang pagpapatupad ng AFP ng huwad na suspension of offensive military operations (SOMO).

Sumisidhi nang sumisidhi ang desperasyon ng rehimeng US-Estrada bunga ng patuloy na paglala ng krisis sa ekonomya at pulitika.

Taliwas sa ipinagmamalaki ni Estrada na bumabangon na ang ekonomya, patuloy na dumaranas ang Pilipinas ng malalim na krisis bunga ng walang-rendang pagsasakatuparan ng gubyerno ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon. Nagreresulta ito sa lalong pagbagsak ng kabuhayan at antas ng pamumuhay ng mamamayan, laluna ng mga magsasaka at manggagawang lugmok na sa kadusta-dustang katayuan.

Ipinamamarali ni Estrada, sampu ng kanyang mga ekonomista, ang pagkakaroon ng $16 bilyon na reserbang dolyar at ng $2.28 bilyon sarplas o labis sa kalakalan (mas malaking eksport kumpara sa import). Ang pagmamalaki sa datos na ito ay desperadong pagtatangkang ilarawang nasa mabuting katayuan ang ekonomya, sapagkat, hindi pagbangon ng ekonomya ang inilalarawan ng mga ito kundi ang pagbagsak ng produksyong nakasalalay sa mga imported na sangkap at, gayon, ng lalong pagkalugmok ng ekonomya sa krisis. Katunayan, sa unang kwarto ng taong ito, bumagsak nang 90% ang nakatalang pamumuhunan, kabilang ang tinatayang 70% pagbagsak sa direktang dayuhang pamumuhunan.

Hindi maitanggi ng gubyerno ang lumalawak na disempleyo. Kahit anupamang pagduduktor nila sa upisyal na estadistika, lumalabas na may 54% paglaki sa bilang ng walang trabaho mula Enero hanggang Abril.

Nais ng gubyerno na ipatupad ang mga programang pampasikad ng ekonomya kabilang ang malalaking proyektong imprastruktura tulad ng konstruksyon ng mga dam, daungan, paliparan, tulay, kalsada at iba pa. Subalit said na ang rekurso ng gubyerno dulot ng bagsak na katayuan ng lokal na produksyon, ng todo-buhos ng pondo sa kampanyang militar at pagpapalakas ng pasistang makinarya at ng malawakang pagnanakaw ng mga burukratang kapitalista sa kabang-yaman ng bansa. Ngayong taon ay tinatayang aabot na naman sa P80 bilyon ang depisit sa badyet, lagpas sa unang target na P62.5 bilyon. Sa 2001, tinatayang ang depisit sa badyet ay muling lalagpas sa nakatakdang target na P82.5 bilyon.

Upang mapinansyahan ang mga proyektong pampasikad, nakatakdang umutang ang gubyerno ng aabot sa $2 bilyon mula sa mga dayuhang bangko at institusyon, pangunahin na ang World Bank, IMF at ADB. Sa kasalukuyan ay umaabot na sa $58 bilyon ang utang panlabas ng Pilipinas.

Kayat walang pagpipigil si Estrada sa pagsasakatuparan ng mga idinidiktang patakaran ng mga imperyalistang bangkong ito. Habang sa maraming bansa ay nagmemenor sa liberalisasyon dahil sa nakalulumpong pinsalang idinulot nito sa kani-kanilang ekonomya, todoarangkada naman si Estrada sa pagsusubasta sa mga dayuhan ng pambansang patrimonya ng Pilipinas. Ang larangan ng pagtitingi, isa sa pinakahuling nasa eksklusibong kontrol ng mga Pilipino ay ibinukas na rin sa mga dayuhan.

Binibigyan ni Estrada ang dayuhang malalaking kapitalista ng buong-layang dambungin ang yaman ng bansa at magkamal ng superganansya kahit sa kapinsalaan ng mamamayan. Sa kabila ng malawakang pagtutol, malayang itinataas ng mga kumpanya ng langis ang kanilang presyo, kabilang ang dalawang ulit na pagtataas nitong Hulyo na nag-udyok ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Dulot nito, at ng patuloy na pagkapako ng sahod ng mga manggagawa, mabilis na dumadausdos ang kabuhayan ng masang anakpawis.

Lalo pang lumalaki ang agwat ng pagkakahiwalay ng rehimeng US-Estrada mula sa mamamayang Pilipino. Ang mga makadayuhan at anti-mamamayang patakarang ipinatutupad ni Estrada ay ibayong nagpapaliyab sa malawakang paglaban ng iba�t ibang sektor ng lipunan sa buong bansa. Dumarami ang mga welga at demonstrasyon sa lansangan na kinatatangian ng militanteng paninindigan, hindi lamang para sa demokratikong interes ng mga aping sektor, kundi laban sa patuloy na pananatili ni Estrada sa poder.

Ang todo-digmang anti-Moro ay di lamang naghiwalay kay Estrada mula sa mamamayan at lider-Moro, kundi pati sa mamamayang di-Moro na nagngangalit sa malawakang pinsalang dulot ng pasistang kampanyang ito.

Ang garapalang pagbibigay-pabor sa mga hayok na kroni ni Estrada, kabilang na ang iba�t iba niyang asawa at anak, ang pamilyang Marcos, sina Lucio Tan at Danding Cojuangco, ay nagpapalalim ng paksyunal na tunggalian sa hanay ng naghaharing uri. Patuloy na dumarami ang mga naaagrabyado ng sagad-sagarang kroni-ismo na nagbubunga ng ibayong pagkakahiwalay ni Estrada kahit sa hanay ng mga reaksyunaryo. Ang mga paksyong anti-Estrada ay patuloy na nagbubuo ng organisasyon at nagpapalawak ng impluwensya sa hanay ng malalaking negosyante at mga dating upisyal ng gubyerno. Nagbubuo rin ng mga anti-Estradang grupo sa loob ng militar. Sinasamantala nila ang mababang moral ng mga tropa bunga ng kabiguang gapiin ang MILF at ng patuloy na paglakas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka; at ang galit sa hanay ng mga upisyal na naaagrabyado ng paboritismo ni Estrada sa promosyon at paghirang sa mga inaasam na pwesto.

Si Estrada pa rin ang pangunahing sinusuportahan ng imperyalismong US. Pinagtibay ito ng ayudang militar at ekonomiko na ibinigay ni Clinton kay Estrada nang bumisita ito sa US nitong Hulyo. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang walang suportang ibinibigay ang imperyalismong US sa mga reaksyunaryong anti-Estrada. Katulad kay Marcos, nakahanda ang US na isuka si Estrada kung ito ay makasasama sa pagpapanatili ng katatagan ng naghaharing sistema.

Kailangang ibayong palawakin ang anti-Estradang pagkakaisa ng mamamayan. Kailangang puspusang isulong ang pakikibaka ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang aping sektor at ikawing ang mga ito sa pakikibaka upang ibagsak ang gubyernong Estrada. Kaalinsabay nito, kailangang samantalahin ang paglalim ng mga dibisyon sa hanay ng naghaharing uri sa pamamagitan ng hayagan at di hayagan, direkta at di direktang pakikipagtulungan sa mga reaksyunaryong anti-Estrada at koordinasyon sa mga aktibidad laban sa naghaharing rehimen.

Habang nag-iibayo ang lupit ng mga pasistang krimen nito laban sa mamamayan, lalong nagiging malinaw ang kawastuan ng pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at nagiging paborable ang sitwasyon upang paigtingin ito. Kailangang palakasin ang BHB para dito at para sa lahatang-panig na pagpapaigting ng digmang bayan sa buong bansa.

Ang pananatili ng malaking bulto ng reaksyunaryong tropa sa Mindanao at ibang rehiyon katulad ng Timog Katagalugan ay kailangang mabisang samantalahin sa pamamagitan ng paglulunsad ng paparaming maipagwawaging taktikal na opensiba laban sa relatibong maliit at nahihiwalay na yunit ng kaaway. Kailangan ding samantalahin ang kawalang-kakayahan ng kaaway na magkaroon ng absolutong konsentrasyon ng tropa sa lahat ng lugar. Laging may mga pagkakataon upang isulong ang pakikidigmang gerilya kahit sa Mindanao.

Habang nabubulok ang gubyerno ni Estrada, lalong tumitibay ang batayan upang siya ay patalsikin sa poder. Arawaraw ay higit na nagiging paborable ang sitwasyon upang sumulong at lumakas ang rebolusyonaryong kilusan.

 


 Back to topNext article

Hulyo 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang pagsidhi ng mga pasistang atake ay tanda ng lalong pagkabulok ng rehimeng US-Estrada
Panukalang "emergency powers" ni Estrada:
Salamin ng lumulubhang krisis sa paghahari ng rehimen

Tumitinding pasismo sa Metro Manila
Pasismo laban sa mga manggagawa ng LRT
Malisyoso ang SOMO ng Hulyo 22
502th Brigade Salot!
Pagdukot at iligal na pagbimbin kina Nomer Kuan at Romeo Sanchez
Programang pabahay ng rehimeng US-Estrada:
Panlilinlang at pandarahas sa mga maralita sa Metro Manila

Katarungan para sa mga biktima ng Payatas!
San Roque Multipurpose Dam Project:
Dambuhalang pahirap sa mamamayan

Mga aral ng pakikibaka sa Hacienda Looc
Ang iskwad-pangkultura ng Timog Katagalugan:
Tagapamandila ng rebolusyonaryong sining

Sa panahon ng "walang kaparis na kasaganaan" sa US:
Kaapihan at pagkadusta ng mga manggagawa at mamamayang Amerikano

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.