![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Sa nakaraang dekada, higit pang bumilis ang pagsahol ng bulok at reaksyunaryong sistemang malakolonyal at malapyudal bunga ng todong pagpapailalim ng bansa sa mga patakaran ng imperyalistang globalisasyon kasabay ng walang habas na korapsyon sa burukrasyang sibil at militar. Lalo pa itong pinalalalim nitong dakong huli dulot ng walang kahihiyang pagtataguyod ng papet na rehimen sa interbensyong militar ng US at pangangayupapa sa agresyon nito sa Iraq at iba pang bahagi ng daigdig. Ang labis na kabulukan ng papet na estado at ng mersenaryong hukbo nito ang pinakamatinding salik na nagtutulak sa nakabababang upisyal at karaniwang sundalo hindi lamang sa demoralisasyon at desperasyon. Ito rin ang nagtulak sa kanila na mag-alsa noong Hulyo 27 laban sa naghaharing rehimen at mga pinunong militar. Nilabanan nila ang pagkasangkapan sa kanila sa todong teroristang digma ng rehimeng Arroyo at pag-abandona ng rehimen at ng kanilang mga pinunong militar sa kanilang kapakanan. Isiniwalat ng grupong nagpakilalang "Magdalo" ang mga kaso ng talamak na korapsyon ng matataas na upisyal militar at sibil, ang terorismo ng rehimeng Arroyo kabilang ang pagpapakana ng mga pambobomba sa Mindanao at ang planong pagpapataw ng batas militar sa nalalapit na panahon. Nagpahayag ng simpatya ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mga lehitimong hinaing ng mga nag-alsa kahit pa batid nitong walang makabuluhang matatamo ang pag-aalsa. Makatwiran ang iginigiit nilang pagbibitiw ng papet na rehimen at pamunuan ng AFP. Kailangang panagutin at pagbayarin, laluna sina Arroyo at Gen. Angelo Reyes, sa todo-todong pagpapakapapet sa US, mga pasista at teroristang krimen, labis-labis na pangungurakot at panunupil at pang-aapi sa mamamayan. Lalong lumalalim at lumalawak ang demoralisasyon sa hanay ng mga ordinaryong sundalo ng AFP sa harap ng patuloy na pagsulong at pag-igting ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan at sunud-sunod na matatagumpay na taktikal na opensiba nito sa iba't ibang panig ng bansa. Matingkad na naipapakita ng BHB na mas superyor ang estratehiya ng matagalang digmang bayan at mga taktikang gerilya nitong nagtatamasa ng malawak at malalim na suportang masa kaysa mga dayong-turong estratehiya at taktikang nang-aapi at naghihiwalay dito sa masa. Sa desperasyon ng pasistang estado at burukrasyang militar na sugpuin ang lalong lumalakas na rebolusyonaryong kilusan, itinutuon nito sa mamamayan ang mabangis na pasistang pagmamalupit at ipinambabala sa kanyon ang mga nakabababang upisyal at karaniwang sundalo. Ipinakikita ng pag-aalsa na dahil sa sobrang pagkabulok at pagkahiwalay ng rehimeng Arroyo, nakahanda kahit ang mga upisyal at sundalo ng AFP na itakwil at labanan ang paghahari nito. Noong kasagsagan ng pag-aalsa, halos walang tumugon sa panawagan ni Cardinal Sin na magtipon sa EDSA upang suportahan ang rehimen. Matingkad ring ipinakita ng pag-aalsa na humantong na sa hayagang antagonismo ang banggaan ng pangunahing magkakaribal na mga reaksyunaryong pangkatin na pawang may inaalagaang paksyon sa loob ng militar. Isinagawa ang pag-aalsa sa balangkas ng planong "Huling Rebolusyon" na binuo noong Hunyo ng mga reaksyunaryong nasa kampo nina Estrada at Honasan. Kanilang inudyukan, kinasangkapan at pinondohan ang tangkang kudeta sa desperasyong agawin ang kapangyarihan. Subalit dahil sa dala nilang makitid na interes, kakarampot lamang ang natipong suporta para sa pag-aalsa ng mga nagprotestang sundalo. Tuwirang nakaugnay sa ribalan sa pulitika
Mainam ang sitwasyon ngayon para paghusayin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang gawain sa loob ng reaksyunaryong hukbo. Kailangang masusing buuin ang mga balak para rito at isagawa ito sa mapangahas ngunit maingat na paraan. Hikayatin natin, laluna ang mga karaniwang sundalo at pwersang paramilitar na nirekrut din naman mula sa hanay ng masang anakpawis, na itakwil ang bulok na sistemang pilit pinadedepensahan sa kanila at sa halip ay itaguyod ang interes ng mamamayang Pilipino. Alamin natin ang kanilang mga hinaing habang inililinaw sa kanila na ang kanilang mga suliranin ay hindi malulutas sa pamamagitan ng baha-bahaging reporma sa loob ng reaksyunaryong sistema o paglulunsad ng mga kudeta o iba pang hakbanging nakabuntot sa interes ng mga reaksyunaryong pulitiko. Kailangang baguhin ang buong bulok na sistema sa balangkas ng rebolusyonaryong pakikibaka. Kailangang ilantad ang kabulukan ng AFP laluna ang korapsyon at pagpapakasasa ng mga bundat na heneral na nakaupo sa tuktok ng burukrasyang militar. Mahalagang ipabatid sa kanila na ang kabulukan ng AFP ay nakadugtong sa kabulukan ng naghaharing sistemang ipinagtatanggol nito. Ilantad ang mersenaryong tradisyon at papet na oryentasyon ng AFP at palaganapin ang patriyotismo sa kanilang hanay. Hikayatin silang magbuo ng mga lihim na progresibo at demokratikong grupo na maaaring magsagawa ng mga naaangkop na hakbangin sa paggigiit ng kanilang mga lehitimong kahilingan. Palaganapin ang panawagan para sa pagpapasuko ng mga sundalong nasukol na sa labanan. Ipaalam sa kanila ang patakaran ng mahusay na pagtrato ng BHB sa mga sumuko at sugatang sundalo. Manawagan sa mga sundalong tuwirang kinakasangkapan sa kontra-rebolusyonaryong digma at panunupil sa mamamayan na suwayin ang utos ng kanilang mga upisyal. Hinihikayat natin ang mga nauugnayan at napaliliwanagang nakabababang upisyal at karaniwang sundalo ng kaaway na lubusang talikuran ang reaksyunaryo, bulok at pabigong landas ng AFP. Himukin silang itaguyod ang tradisyon ni Lt. Crispin Tagamolila, sumanib sa mga pakikibaka ng mamamayan at tumahak sa landas ng pagpapalaya ng sambayanan o makipag-ugnayan at makipagtulungan sa rebolusyonaryong kilusan sa iba't ibang paraan. Habang isinasakatuparan natin ang mga gawaing pampulitika sa loob ng reaksyunaryong militar, hindi natin binibitawan ang saligang pananaw na ito ay isang armadong instrumento ng reaksyunaryong estado. Ginagamit natin ang pampulitikang paraan ng panghihikayat sa mga indibidwal na sundalo at upisyal, kaalinsabay ng pagsusulong sa pangunahin ng armadong pakikibaka upang hakbang-hakbang na gapiin at wasakin ang armadong pwersa ng kaaway. Sa harap ng patuloy na lumalalim na hidwaan sa loob ng AFP, kailangan nating patuloy na paigtingin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at padalasin at palakasin pa ang mga taktikal na opensiba. Sa gayon, higit na masasamantala at mapalalala ng BHB ang kaguluhan at demoralisasyon sa hanay ng AFP. Asahan natin na magpapatuloy pa ang paglala ng pagkakabitak-bitak sa hanay ng AFP bunga ng ibayong paglala ng krisis ng naghaharing sistema, pagtindi ng mga alitang pampulitika at pagsulong ng ating gawain sa loob ng reaksyunaryong hukbo. Kaakibat nito, asahan nating muling sisiklab ang iba't ibang mga hakbangin at aksyong protesta ng mga upisyal at mga sundalo, kapwa maliliit at malalaki, tuwiran man o hindi tuwirang kaugnay ng mga pampulitikang maniobra ng mga magkakaribal na reaksyunaryong pangkatin. Iluluwal ng mga ito ang mainam na sitwasyon para sa mga rebolusyonaryong pwersa kapwa para paigtingin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at pagkilos sa loob ng reaksyunaryong hukbo. Ibubunga ng iba't ibang mga hakbanging ito ang disintegrasyon ng mga sandatahang pwersa ng kaaway na makapagpabibilis ng pagkakamit ng tagumpay ng rebolusyon. ![]()
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|