Estratehikong imperyalistang interes sa Afghanistan
Kahit wala pang resulta ang imbestigasyon, tinukoy na ng imperyalismong US si Osama bin Laden bilang numero unong suspek sa mga pag-atake noong Setyembre 11. Gayunpaman, ang isinasagawa nitong mobilisasyon ng mga pwersang militar para sa idineklarang "digma laban sa terorismo" ay nakatuon, pangunahin, sa pakikidigma sa bansang Afghanistan. Lagpas sa idineklarang layuning dakpin at parusahan si bin Laden, may mas estratehikong hangarin sa paglulunsad ng digma laban sa gubyernong Taliban at pagpapalakas ng presensya ng US sa rehiyon ng Central at South Asia. Sa kasalukuyan, pinakamahina ang impluwensya ng US dito.
Ang Afghanistan ay nasa timog na bahagi ng Central Asia. Sa kanlurang bahagi nito ang Iran; sa hilaga, ang Turkmenistan, Uzbekistan, Tajikistan; sa silangan, ang China; at sa timog, ang Pakistan. Mula nang bumagsak ang gubyernong suportado ng Soviet Union noong 1991, napailalim ang Afghanistan sa gera sibil sa pagitan ng iba't ibang mga grupong sinuportahan ng mga imperyalista noong dekada 1980. Noong 1996, naagaw ng grupong Taliban ang Kabul, ang sentro ng gubyerno sa Afghanistan. Sa kasalukuyan, kontrolado ng Taliban ang kalakhan ng teritoryo liban sa ilang bahagi sa hilaga na nasa kontrol ng Northern Alliance, isang kulumpon ng iba't ibang grupong ngayo'y sinusuportahan ng US.
Hindi pa nagtatagal mula noong buung-buong suportahan ng US ang Taliban. Katunayan, "isang magandang pangyayari" ang pagtanggap ng US noong 1986 sa pag-agaw ng Taliban sa kapangyarihan dahil ito ay itinuturing na anti-Iran at maka-US.
Higit na pinahalagahan ng US ang relasyon nito sa Taliban noong may prospek pa ang proyekto ng Unocal - isang Amerikanong monopolyong korporasyon sa langis - na maglatag ng 1,300 kilometrong pipeline o daluyan ng langis at natural gas sa pagitan ng Central Asia at Arabian Sea. Daraan sa Afghanistan ang kalakhan ng pipeline na ito, na magmumula sa Chardzhou sa hilagang Turkmenistan, patungo sa baybaying Gwadar ng Pakistan sa Arabian Sea. Ang proyektong ito ay nabuo sa isang kasunduan sa pagitan ng Unocal at ng gubyerno ng Turkmenistan. Inasahang magkakahalaga ng $8 bilyon ang kontratang ito.
Ngunit noong 1997, isinaisantabi ng Taliban ang nabanggit na kasunduan at ibinigay ang proyekto sa Bridas Oil, isang kumpanyang Argentine. Nagsimula nang maging antagonistiko ang US sa Taliban mula noon. Ginamit ng US na sangkalan si Osama bin Laden.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|