Panayam kay Salud Roja, tagapagsalita ng PKP-Central Luzon
Nakapanayam ng Ang Bayan si Salud Roja, tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas-Central Luzon nitong Marso 2 kaugnay ng iba't ibang usaping kinakaharap ng rehiyon, mga isyung pambansa at pangkababaihan.
Hinirang ng komiteng rehiyon ng Partido sa CL si Kasamang Salud noong 2000 bilang tagapagsalita ng Partido sa rehiyon. Kaagapay niya sa gawaing ito si Kasamang Jose Agtalon, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon.
Sa paghirang kay Kasamang Salud, mas aktibong nakapaglilinaw ang Partido kaugnay ng maraming isyu at pangyayari sa rehiyon na may malaking kahalagahan para sa Partido, rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Lalo ring sumigla ang paglalantad sa naghaharing rehimen at mga alipures nito sa militar at lokal na pulitika at ang pagtataguyod at pagtatanggol sa rebolusyonaryong kilusan laban sa panloloko at panlilinlang ng gubyerno at militar.
Hindi naging usapin ang kasarian sa pagtatalaga kay Ka Salud bilang tagapagsalita ng Partido sa rehiyon. Gayunpaman, pinatingkad nito ang kakayahan ng Partido na magpaunlad ng kababaihang kadre sa proseso ng paggampan nila sa mga gawain. Gayundin, nabigyan nito ng higit pang tulak ang pagsusulong sa mga usaping pangkababaihan, kasabay ng mga usaping pambansa at panrehiyon.
Hindi naging mahirap ang paggampan ni Ka Salud sa mga bagong tungkulin. Mula sa petiburgis na saray si Ka Salud at maunlad ang kanyang kasanayan bilang propagandista. Isa siya sa mga kabataang namulat noong dekada 1980 na nagpatalaga sa kanayunan at sumapi sa hukbong bayan sa diwa ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.
Pag-oorganisa ng Partido sa kababaihan
Masigla ang pag-oorganisa sa hanay ng kababaihan sa CL, ayon kay Ka Salud. Aniya, "Alinsunod sa pangkalahatang prinsipyo at patakaran ng Partido, binibigyan ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusan ng partikular na atensyon ang pag-oorganisa ng kababaihan, sa pangunahin, ng kababaihang anakpawis sa balangkas ng demokratikong rebolusyong bayan."
Sa kalunsuran at kanayunan, tuluy-tuloy ang pagtatayo ng mga grupong pang-organisa, komiteng pang-organisa at balangay ng Makibaka, ang rebolusyonaryong organisasyon ng kababaihang Pilipino, pagsusulong ng hayag na demokratikong kilusang kababaihan at pagpapakilos sa kanila sa mga isyung pangkababaihan. Kasabay ito ng pagpapaloob din sa kanila sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa ng magsasaka, kabataan at iba pang sektor, pagsusulong ng hayag na demokratikong kilusang masa sa pangkalahatan at mga partikular na sektor at isyu at pagmomobilisa sa mamamayan sa mga isyung pangkalahatan at tungkol sa mga usapin ng iba't ibang sektor.
Higit sa lahat, aktibong hinihikayat ng Partido ang kababaihan upang kumilos nang buong panahon sa kanayunan at sa armadong pakikibaka. "Katunayan, makabuluhan ang bilang ng kababaihang sumasapi sa BHB sa CL," aniya.
Ang pinakaabanteng elemento sa BHB at mga organisasyong masa ay nirerekluta sa Partido at ipinapaloob sa mga organisasyon ng Partido sa loob ng naturang mga organisasyon.
Sa darating na Marso 8, ipagdiriwang ng rebolusyonaryong kilusan sa CL ang internasyunal na araw ng kababaihang anakpawis, kasabay ng pagdiriwang din nito sa buong bansa at sa buong daigdig. "Mahalaga ang araw na ito sa lahat ng kababaihan na umiigpaw at patuloy na nakikibaka sa de-kahong tradisyunal at pyudal na papel nila bilang tagasunod lamang sa kalalakihan at di aktibo sa buhay pulitika at panlipunan," wika ni Ka Salud.
"Pinakamataas na antas ng pakikibaka para labanan at pawiin ang pang-aaping pambansa, makauri at pangkasarian ang sinusuong ng kababaihan sa hukbong bayan. Binabalikat nila ang mga pakikibaka kasabay ng rebolusyonaryong kalalakihan." Binigyang-pugay ni Ka Salud ang mga babaeng rebolusyonaryong martir tulad ni Rowena Bayani na pinaslang ng militar sa prubinsya ng Aurora noong nakaraang taon.
Pakikipagtuos sa AFP sa larangan ng propaganda
Isa sa madalas harapin ni Salud Roja bilang tagapagsalita ang mga paninira ng Northern Luzon Command (Nolcom) ng Armed Forces of the Philippines laban sa BHB sa CL. Ayon kay Ka Salud, "Galit na galit ang Nolcom sa BHB dito dahil sa nakaraang ilang taon, nagtamo ang mga pwersa nito ng maraming kaswalti sa mga kontra-atake ng BHB."
Sa Zambales, halimbawa, umabot sa 67 ang kaswalti ng kaaway sa pakikipagsagupaan nito sa BHB noong 2003. Karamihan sa mga sagupaan na ito ay mga depensiba kung saan nabaligtad ng BHB ang sitwasyon, bumaling sa kontra-atake sa malaking kapinsalaan ng kaaway at pagkatapos ay ligtas na nakaatras.
Upang pagtakpan ang mga kahinaan nito, naging kalakaran ng Nolcom na maglubid ng kasinungalingan kaugnay ng kanilang mga kaswalti. Madalas na idinedeklara nilang kaswalti umano ng BHB ang mga nadamay na sibilyan at maging ang mga napatay na sundalo ng AFP.
Nitong unang linggo lamang ng Pebrero, muling pinabulaanan ni Ka Salud ang mga kasinungalingan ng Nolcom. Sa isang labanan sa Barangay Salu, Porac, Pampanga, pinasinungalingan ni Ka Salud ang deklarasyon ng 69th IB na isa umanong Pulang mandirigma ang katutubong napatay nila nang kubkubin nila ang isang yunit ng BHB sa lugar.
"Ang totoo, matagumpay na nalabanan ng yunit ng BHB ang atake ng militar kahit pa sa simula'y nasa disbentahe ang mga kasama dahil tukoy ng kaaway ang kanilang kinaroroonan at pinakatan na rin ang mga ruta ng pag-atras," wika ni Ka Salud. Tumagal nang apat na oras ang labanan kung saan tatlong beses na nakasagupa at pininsalaan ng umaatras na yunit ng BHB ang mga pwersa ng AFP. Ayon sa mga ulat na nakalap nina Ka Salud, aabot sa 21 ang napatay habang 15 ang sugatan sa hanay ng AFP.
|