Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Palawakin at patindihin ang rebolusyonaryong pakikibaka!

 Read this article in English

Ang krisis na humahalukay sa pandaigdigang sistemang kapitalista ay walang-alinlangang katibayan ng kawastuan ng rebolusyonaryong linya ng Partido. Pinatutunayan nito ang malalim na batayan at mahigpit na pangangailangan ng armadong rebolusyon sa Pilipinas at iba pang bayang malakolonyal at malapyudal.

Ang mismong mga pangyayari sa araw-araw ang naglalantad sa kahungkagan ng imperyalistang "globalisasyon" at nagwawarat sa ilusyon na pwedeng umalpas sa mga saligang suliranin ng bayan sa pamamagitan ng pambansa at makauring kolaborasyon. Ang malawak na masa ng sambayanan ay itinutulak ng mga kabuktutan ng neokolonyalismo at malapyudalismo sa sukdulang desperasyon; wala silang madudulugan kundi ang sarili nilang paglaban.

Ang pinakamahigpit na tungkulin ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa ganitong kalagayan ay ubos-kayang palawakin at patindihin ang demokratikong rebolusyong bayan. Kailangang patindihin ang pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista at alinsunod rito, isulong ang armadong pakikibaka, rebolusyonaryong kilusang masa at pambansang nagkakaisang prente sa mas mataas na antas.

Nangangahulugan ito, una, ng mapangahas na pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos ng masa sa rebolusyon. Maaari at dapat lampasan ang dating antas ng pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa upang abutin at pamunuan ang mas malaking bulto ng milyun-milyong mamamayan. Nasa antas tayo ngayon ng ilampung libong kadre at aktibista na nasa bag-as ng ilandaang libong organisadong masa na namumuno sa mamamayang ilang ulit ang laki. Napakainam ng sitwasyon para ang bilang na ito ay paabutin sa mas maraming puonglibo na nasa bag-as ng organisadong masang sumasaklaw sa mas maraming daanglibo. Pagkatapos, dapat desididong abutin ang ilandaang libo na nasa bag-as ng ilang milyong organisado para makakabig at makapamuno ng mas maraming milyong mamamayan sa rebolusyon.

Para makamit ito, kinakailangan iangat sa mas maunlad na antas ang gawain at kakayahan ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa pag-oorganisa at propaganda. Ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ay nagpaalab ng sigla ng mga kadre, mandirigma at aktibista sa gawaing masa. Pero marami pang patlang at kahinaan sa gawaing masa natin, laluna sa pag-oorganisa na may tendensyang matagal na mapako sa isang mababang antas at sa gawaing propaganda na may tendensyang maging pabugsu-bugso at makitid sa halip na tuluy-tuloy at tunay na malawakan. Lagi rin nating tandaan na�sa kabila ng mabilis na pag-abot at paglampas pa sa dating rurok ng lawak sa mga sulong at paparami pang larangang gerilya� di hamak na mas malaki pang bilang ng baryo ang dapat nating abutin, huwag nang pag-usapan pa ang mga komunidad, pabrika at paaralan sa kalunsuran.

Kailangang mapangahas na palawakin at paigtingin ang iba't ibang anyo ng rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan. Sa panahon ng malakihang krisis at kalagayang ang masa ay ligalig na ligalig, ang mapangahas na pagbubunsod, pagpapalawak at pagsusulong ng paglaban ng mamamayan ang mismong pinakamabisang paraan ng pagpukaw at pag-oorganisa sa kanila. Basta't malawakang napupukaw at nahihikayat ang masa na lumahok sa mga pakikibaka, tiyak na ibayong bibilis ang pagbubuo at pagpapalakas ng mga organisasyong masa at ang pagpapalawak ng Partido at iba pang mga lihim na rebolusyonaryong organisasyon.

Sa mas maraming lugar, lubhang nahuhuli ang ating kakayahan kung ihahambing sa kahandaan at kasigasigan ng masa sa organisasyon at pakikibaka. Sari-saring suliraning manipestasyon ng krisis at masidhing pagsasamantalang imperyalista, pyudal at malapyudal ang nagnanaknak at humihiyaw ng maagap na aksyon. Dapat harapin ang mga ito at matatag na pamunuan ang mamamayan sa sama-samang paglaban, alinsunod sa linya ng demokratikong rebolusyong bayan.

Dapat determinadong palawakin at paigtingin ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya. Nakalatag sa buong bansa ang mga pwersa at larangang gerilya ng BHB, masiglang sumusulong ang pagbawi, pagpapalawak at pagpapatatag ng baseng masa. Ang tumitinding mga kahayupang nagtutulak sa malawak na masa sa mas masahol na pagkabusabos ay humihingi ng karampatang tugon sa pag-igting ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Habang lubog sa paghihikahos ang masa, walang taros ang pamamayagpag ng kabulukan, pagkapapet at kasakiman ng mga reaksyunaryong naghaharing uri, gayundin ang panunumbalik sa kapangyarihan ng mga pinakamasahol na alipures ng pasistang diktadurang Marcos.

Ayon sa antas at mga prinsipyo ng malaganap masinsing pakikidigmang gerilya na nakasalalay sa papalawak at papalalim na baseng masa�tungkulin ng Partido at hukbong bayan na paigtingin ang armadong pakikibaka, paramihin ang suntok sa katawan at mas matinding hambalos sa ulo ng reaksyon, at matatag na ipwesto ang armadong pakikibaka sa unahan ng pakikibakang bayan. Habang pursigidong isinusulong pinalalakas ang iba't ibang anyo ng ligal at iligal na pakikibakang di-armado, dapat mahigpit na tiyakin ang patuloy na paglawak at paglakas ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagbubuo ng baseng masa sa kanayunan dahil ang mga ito ang mapagpasya sa sustinidong pag-iipon ng lakas at pagsulong ng pakikibakang bayan sa wastong rebolusyonaryong direksyon.

Kailangan ding palawakin ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente. Hindi maaaring masigla at tuluytuloy na lumawak at lumakas ang rebolusyonaryong kilusan kung hindi bubuuin ang pinakamalawak na pakikipagkaisa at pakikipagtulungan sa pinakamalapad na hanay ng mga pwersa at elementong progresibo at demokratiko. Ang masiglang paglawak ng mga alyadong organisasyon ng NDF ang pangunahing nagtitiyak sa patuloy na paglawak at paglakas ng nagkakaisang prente. Sa iba't ibang antas, sa larangang ligal at iligal, yumayabong ang kanilang mga ugnayan, konsultasyon, koordinasyon at kooperasyong bilateral at multilateral sa iba pang pwersang mula sa mga panggitnang uri, gayundin sa mga elemento ng mga reaksyunaryong uri na handang makitungo sa rebolusyonaryong kilusan, kahit pansamantala, sa positibong paraan.

Ang pag-ugnay at pamumuno sa malawak na masa ng sambayanan, sa milyun-milyong mamamayan, ay nangangailangan ng mapanlikha at pleksibleng pagsusulong at koordinasyon, sa paraang tuwiran at di-tuwiran, ng iba't ibang anyo ng pakikibaka, at iba't ibang antas at tipo ng ugnayan sa pinakamalawak na posibleng hanay ng mga progresibong uri at pwersa sa lipunan. Kakarampot lamang ang mga huwad na progresibong maingay na nagtatangkang agawin ang pansin ng madla at nagpapanggap na progresibo�para lamang makapanlason ng isip ng mamamayan at maisulong ang "third force strategy" ng imperyalismong US sa pang-iintriga at panghahati sa Partido at rebolusyonaryong kilusan.

Nakadaan na tayo sa mga sitwasyong gaya ng kasalukuyan, na hitik sa mga posibilidad ng mabilis at malaking pagsulong. May panahong tulad ng bago ipataw ang paghaharing militar na mahusay nating naitaguyod ang ating rebolusyonaryong linya at ang mainam na sitwasyon at kasigasigan ng mamamayan ay matagumpay na naitransporma natin sa mga matagalang tagumpay at pagsulong ng rebolusyon. Mayroon ding tulad noong unang hati ng dekadang '80, nang lumuwag ang hawak natin sa ating rebolusyonaryong linya, nalunod tayo sa malalaking posibilidad at natangay ng malulubhang paglihis na humantong sa wala pang kapantay na mga pinsala at pagatras. Dapat lalong higpitan ang hawak sa mga aral na hango sa mga positibo at negatibong karanasan sa nakaraan.

Habang sinusunggaban ang mga oportunidad at mapangahas na isunusulong ang pakikibaka, lalo nating pag-ibayuhin ang pagpapalakas sa Partido at ang higit pang pag-aangat ng kakayahan nito sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ang mga panahon ng malalaking pakikibaka ay nangangailangan ng ibayong kapangahasan at katatagan, gayundin ng ibayong sapol at linaw sa mga rebolusyonaryong prinsipyo.

 


 Back to topNext article

00 Oktubre 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Palawakin at patindihin ang rebolusyonaryong pakikibaka!
"Ipagbunyi ang Ika-30 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!" � Armando Liwanag
Sistemang Kapitalistang nasa Krisis
Panawagan sa Ilokos-Kordilyera:
Pangibabawan ang mga sagka! Kamtin ang lahatang-panig na pagsulong!

Cordillera People's Democratic Front:
Natatanging Prente ng Mamamayang Kordilyera

Hinaharap ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa:
Pagpapalakas tungo sa bago at mas mataas na antas

Krisis sa Kanayunan
'Padrino' ng reporma sa lupa?
Samar:
Nagwawasto at sumusulong

Rebolusyong Agraryo sa Timog Luzon
Mga Contra:
Nasa Abanteng Yugto ng Disintegrasyon

Bagong Trotskyistang Pangkat
Pangkating Magdangal-Bill-Olive:
Bagong Grupong Bandido at Rebisyunista

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.